Gallery

Ika-96 na Anibersaryo ng Kapanganakan ni Pambasang Alagad ng Sining 
August 18, 1926 – June 24, 2002

Nasaan si Mang Larry? Tulungan ninyo kaming hanapin si Mang Larry sa obrang ito!

Bilang pagdiriwang sa araw ng ika-96 na anibersaryo ng kapanganakan ng Pambansang Alagad ng Sining (PAS) sa Sining Biswal na si Lauro “Larry” Alcala, itinatampok namin ang kaniyang ilustrasyon na “Slice of Life: Shoe Shopping,” mula sa Pambansang Koleksyon ng Sining.

Mahusay na inilarawan ni Alcala gamit ang tinta at gouache (opaque watercolor) sa Bristol board ang mga nakakatawang eksena sa isang tindahan ng sapatos. Makikita ang mga batang naglalaro sa loob ng tindahan, isang batang babae na umiiyak at pinapadyak ang kaniyang mga paa, at bata na nagsusukat ng sapatos na pang matanda, at ang iba ay nakikipaglaro sa ibang mga bata habang ang kanilang mga ina ay abala naman sa pamimili. Sa gitnang bahagi ay inilalarawan naman ang mga kababaihang pinagkakaguluhan ang mga bagsak presyong paninda.  

Ang obrang ito ay kabilang sa serye niyang “Slice of Life” na lumabas sa Weekend Magazine ng Daily Express mula 1980-1986. Ang mga Pilipinong sumusubaybay sa “Slice of Life” ay pinagkakaabalahang hanapin ang karikatura ni Mang Larry na nakatago sa kaniyang komposisyon ng mga pigura at bagay.

Ipinagkaloob ang “Shoe Shopping” sa Pambansang Museo ng Pilipinas noong 2020. Ang likhang-sining na ito, na natapos ni PAS Alcala noong 1981, ay nagsisilbi ring isang malikhaing pag-alala sa kultura ng pamimili ng Pilipino apat na dekada na ang nakaraan, kung saan sinasadya ang pagpunta ng mga mamimili sa mga tindahan. Ngayon, sa panahon ng pandemya, marami ang mas pinipiling mag “online shopping” upang panatilihing ligtas ang kanilang sarili mula sa COVID-19.

Isinilang si Alcala sa araw na ito noong 1926 sa Daraga, Albay, kina Ernesto Alcala at Elpidia Zarate. Kinilala siya kalaunan bilang Dean of Philippine Cartoonists. Noong 1950, nag-aral siya ng kursong Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Mula 1951 hanggang 1981 ay nagsilbi siyang guro sa Kolehiyo ng Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas. Siya ang naging tagapangulo ng Departamento ng Komunikasyong Biswal kung saan niya itinatag ang kurso sa disenyo ng pangkomersyo. Bukod sa pagiging isang guro, siya rin ay naging pangulo at tagapayo ng Samahang Kartunista ng Pilipinas, at Bise Presidente ng Society of Philippine Illustrators and Cartoonists.

Sumakabilang buhay si PAS Alcala noong ika-24 ng Hunyo 2002. Taong 2018, siya ay idineklarang Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal.

Maaari ninyong tingnan ang iba pa niyang likhang-sining, ang “Barrio Wedding” sa pamamagitan ng pag click sa link na ito: https://bit.ly/3vAb8JB. Para sa mga gustong bumisita sa #NationalMuseumPH, kami ay bukas mula Martes hanggang Linggo, 9:00 AM hanggang 6:00 PM.

Litrato at teksto mula sa Fine Arts Division

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas

Ibalong Festival sa Bikol

Ngayong #BuwanNgWika, itinatampok ng #NationalMuseumPH ang isang makulay na pagdiriwang mula sa Katimugang Luzon – ang Ibalong Festival sa Lungsod ng Legazpi sa Albay, Bicol.

Ang salitang ‘ibalong’ ay tumutukoy sa isang sinaunang pook-panirahan sa Bicol. Ayon sa mga mananaliksik, ang naturang lugar ay bahagi ngayon ng bayan ng Magallanes na matatagpuan sa lalawigan ng Sorsogon. Ipinagdiriwang ang Ibalong na hango sa isang epikong may kaparehong ngalan, bilang paggunita sa kasaysayan at pagkilala sa aspetong kultural ng rehiyon. Itinatampok sa epiko ang kuwento ni Ibalon at ng tatlong magigiting na bayani na sina Baltog, Handyong, at Bantong. Ayon sa kuwento, kinalaban nila ang halimaw na may isang mata, higanteng pating na lumilipad, buwaya, at iba pang mga nakakatakot na nilalang; iniligtas din nila ang mga tao sa malaking baha. 

Ang epiko ay sinasabing nilapatan ng titik ni Padre Jose Castano, isang misyonerong Franciscano, at ibinigay sa isang makatang manlalakbay na si Cadundung. Sinasabing maaaring may 400 talata ang orihinal na epiko, subalit ito ngayon ay naging anim na lamang. Nagtatapos ito sa pagpatay ni Bantong sa isang nilalang na kalahating tao at kalahating halimaw.

Ang paglalahad ng epikong ito ay binibigyang-buhay sa pamamagitan ng makukulay na kasuotan at palamuti na itinatanghal sa parada sa mga lansangan at nilalahukan ng parehong kalalakihan at kababaihan. Maliban sa parada, ginaganap din ang patimpalak para sa Mutya ng Ibalong. 

Ang rehiyon ay madalas dalawin ng bagyo at iba pang mga panganib na dulot ng kalikasan, kung kaya’t itinuturing din ang pagdiriwang na pagkilala sa katibayan at katatagan ng mga Bikolano.

Dalawang taong nahinto ang pagdaraos ng kapistahan dahil sa pandemyang dulot ng Covid-19. Ngayong taon, bagama’t inaasahang isagawa ito simula ika-10 hanggang ika-21 ng Agosto, ito ay muling ipagpapaliban nang dahil sa muling pagtaas ng kaso sa lalawigan. Gayunpaman, inaanyayahan namin kayo na bisitahin ang National Museum – Bicol Regional Museum sa Daraga, Albay, katabi ng Cagsawa Ruins na bukas mula 9 ng umaga hanggang 5 ng hapon.

#PyestangIbalong
#Bicol
#PhilippineFestivals

Teksto at poster mula sa NMP Sangay ng Etnolohiya. Pasasalamat sa Kagawaran ng Turismo sa Rehiyon ng Bikol para sa larawan. 

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas

Pagbati sa ika-98 na Kaarawan ni MB Magdalena Gamayo

Isang masayang pagbati kay Manlilikha ng Bayan Magdalena Gamayo sa kaniyang ika-98 na kaarawan!

Si MB Magdalena Gamayo, tubong Pinili, Ilocos Norte, ay ipinanganak noong 13 Agosto 1924. Sa kabila ng kawalan ng pormal na pagsasanay, natuto siyang maghabi ng abel (hinabing telang Iloko) noong siya ay dalaga pa lamang, sa edad na 16 sa pamamagitan lamang ng pagmamasid. Ilan sa mga kilalang disenyong makikita sa mga gawa ni MB Magdalena Gamayo ay ang kusikos (ipu-ipo), na kaniyang paborito; sinan-sabong (bulaklak), na itinuturing na isa sa mga pinakamahirap gawin; marurup (milky way); at sinan-paddak ti pusa (bakas ng paa ng pusa).

Dahil sa tagal ng kaniyang karanasan sa paghahabi, nasaksihan ni MB Magdalena Gamayo ang mga pagbabago sa kasanayang ito. Noong siya ay nagsisimula pa lamang maghabi, nakasanayan niyang magbalunbon ng sarili niyang mga sinulid mula sa bulak at patibayin ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapahid ng pagkit (beeswax) sa mga hibla. Ngunit kinalaunan ay napilitan siyang kumuha ng mga komersiyal na sinulid mula sa mga lokal na manininda buhat nang paghina ng pangangailangan sa mga lokal na produkto. Sa kabila nito, ang sining ng paghahabi ng abel ay nanatiling matatag pa rin, dala na rin ng malaking ambag ni MB Magdalena Gamayo, na siyang ipinagmamalaki ng rehiyon ng Ilocos.

Patunay sa kaniyang higit na 80 taong karanasan sa paghahabi ng abel, siya ay pinarangalan bilang #ManlilikhaNgBayan noong 2012. Ang pagkilalang ito ay hindi lamang dahil sa kaniyang mataas na antas na kaalaman sa kasanayan ng paghahabi, bagkus ay gayundin sa kaniyang pagsusumikap na maingatan at patuloy na maipasa sa mga susunod na henerasyon ang tradisyong ito. Noong 2016, itinayo ang House of Inabel bilang pagbibigay-pugay sa mga kontribusyon ni MB Magdalena Gamayo sa larangan ng sining at kultura. Bukas ito sa para mga kababaihan mula sa kanyang komunidad na nais matuto at magsanay ng sining ng paghahabi ng abel. Ang ilan sa kanyang mga hinabing tela ay tampok sa Bulwagan ng Manlilikha ng Bayan sa Pambansang Museo ng Antropolohiya sa Maynila at sa Ilocos Regional Museum sa Vigan City, Ilocos Sur.

#MagdalenaGamayo
#AbelIloko
#NationalMuseumPH
#GAMABA

Akda at paskil mula sa Sangay ng Etnolohiya–Pambansang Museo ng Pilipinas at Konsehong Tagapagpatupad/ Kalihiman ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan–Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas

World Elephant Day: Lena Shoal Shipwreck Elephant Tusks

Sa pagdiriwang ng World Elephant Day, tampok ng inyong #NationalMuseumPH ang mga elephant tusks na nakuha mula sa lumubog na barko sa Lena Shoal. 

Ang lumubog na barkong-kalakal na ito ay hindi sinasadyang natuklasan ng mga maninisid sa Lena Shoal na matatagpuan sa hilagang kanluran ng Busuanga Island, sa hilagang Palawan. Naglalaman ito ng napakarami at iba’t ibang mga arkeolohikal na kagamitan gaya ng mga Asian seramikang mula sa China, Thailand, Vietnam, at Myanmar gayundin ang mga piraso ng tin, mga glass beads, mga tansong pulseras, mga gong, at mga organikong materyales. Sa ginawang pagsusuri sa istilo ng mga seramikang tradeware na natagpuan ay tinatayang naglayag ang nasabing barkong-kalakal sa pagitan ng huling bahagi ng ika-15 hanggang unang bahagi ng ika-16 na daantaon.

Kabilang din sa mga natagpuan sa nasabing kargamento ay mga ivory tusks o garing. Sa panahong iyon ay hindi pa ipinagbabawal ang pagpaslang sa mga elepante para kunin ang kanilang mga tusks at karaniwan lamang ang pangangalakal nito. Tanyag ang paggamit ng garing sa mga sinaunang lipunan bilang palamuti, alahas, armas, mga kagamitang relihiyoso, at mga pigurin. Isang kamangha-manghang halimbawa nito ay ang Butuan Ivory Seal na natagpuan sa isang shell midden site sa Ambagan, Butuan City at tinatayang mula pa sa ika-10 hanggang ika-13 dantaon. Idineklara itong Pambansang Yamang Kalinangan o National Cultural Treasure.

Mataas ang pangangailangan sa garing sa pagitan ng ika-16 hanggang ika-17 daantaon dahil ginagamit itong kasangkapan sa paggawa ng mga imahen at iba pang mga gamit pandebosyon ng mga Katoliko. Ang Kalakalang Galyon sa pagitan ng Maynila at Acapulco ay nagpaigting sa produksyon ng mga kagamitang panrelihiyon na gawa sa garing sa Pilipinas na siya namang dinadala sa Mexico at sa mga kolonya sa timog Amerika. Higit pa rito, ang Maynila ay naging pangunahing sentro ng kalakalang panrehiyon ng marami pang mga luxury goods.

Ang pataas nang pataas na pangangailangan para sa garing ay nagdulot sa mabilis na pagkaubos ng populasyon ng mga African at Asian na elepante. Kalaunan ay ikinabahala rin ito ng mga kinauukulan sa buong daigdig at nagbunsod upang matigil ang kalakalan ng garing upang mailigtas ang mga elepante mula sa pagkaubos.

Artikulo mula sa Maritime and Underwater Cultural Heritage Division.

#WorldElephantDay
#LenaShoalShipwreck
#Ivorytusks

Pagpupugay para sa ika-108 na kaarawan ni MB Yabing Masalon Dulo

Sa paggunita sa ika-108 taong kapanganakan ni Manlilikha ng Bayan Yabing Masalon Dulo ngayong ika-8 ng Agosto, itinatampok ng #NationalMuseumPH ang ilan sa kaniyang mga likhang-kamay na sumasalamin sa kaniyang mapangathang kaisipan at kahusayan sa paglikha ng tradisyonal na habing abaka o ikat ng mga Blaan—ang tabih

Si Fu Yabing ay nagmula sa grupong Blaan at isinilang sa Barangay Landan sa bayan ng Polomolok, lalawigan ng Timog Cotabato noong ika-8 Agosto 1914. Siya ay kinilala bilang Manlilikha ng Bayan noong 2016.

Ang pagsasalin ng kaalaman sa paglikha ng tabih na sumasalamin sa kulturang Blaan ay bahagi ng katungkulan ni Fu Yabing bilang isang #ManlilikhaNgBayan, alinsunod sa mandatong nakasaad sa R.A. Bilang 7355 o Manlilikha ng Bayan Act. Sa pakikipagtulungan sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, inumpisahang itatag ang MB Yabing Masalon Dulo Cultural Center sa Barangay Landan noong 2021 at nilalayong mapasinayaan sa taong 2023. Ito ay nagsisilbing pook pangkaalaman kung saan maaaring matutunan ang iba’t ibang proseso ng paghahabi ng tabih—magmula sa pagkalap ng mga hilaw na materyal hanggang sa paghahabi—paghahabi ng gintlo, at paglikha ng iba pang kinaugaliang sining katulad ng mga gawang abaloryo at burdang Blaan.

Kaakibat ng pangangalaga at pagpapalaganap ng kaalaman ukol sa mga pamanang tradisyon at pangkulturang materyal, isinalin ng Kalihiman ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan sa Pambansang Museo ng Pilipinas ngayong taon ang dalawang mabal tabih, kabilang ang tabih fuleh, mula sa pamilya ni MB Yabing Masalon Dulo. Ang tabih fuleh ay nangangahulugang, “pulang palda” o “pulang tela” na makikilala sa mga guhit o linyang kulay pula. Ang natural na pulang pangkulay na ginamit para rito ay hango sa mga halamang apatot (Morinda sp.) at sfang (Caesalphinia sp.). Bahagi ito ng espesyal na koleksyon ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan (GAMABA) na matatagpuan sa Pambansang Museo ng Antropolohiya sa Maynila.

Ang iba pang nilikha ni MB Yabing Masalon Dulo ay matutunghayan sa NMP Eastern Northern Mindanao para sa pagtatanghal ng Lumad Textiles: Artistry and Identity.

#MBYabingMasalonDulo

#GAMABA

#NationalMuseumPH

Akda at paskil mula sa Sangay ng Etnolohiya–Pambansang Museo ng Pilipinas, at Konsehong Tagapagpatupad/ Kalihiman ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan–Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas

Pagsasalin sa mga Karaniwang Termino sa Heolohiya

Ngayong #BuwanNgWikangPambansa, ating alamin ang mga lokal na pagsasalin ng ilan sa mga karaniwang termino sa heolohiya. Kung inyong matatandaan, aming ibinahagi sa inyo, na ang salitang DIGNAYAN ang salin sa Filipino ng geology kung kaya’t ito ang pamagat ng serye na aming inilunsad noong nakaraang taon (https://bit.ly/3ACgXtv).

Ang mga salitang aming isinalin ngayon ay mga pangkaraniwang termino na madalas mababasa sa mga libro at artikulong tumatalakay sa dignayan o heolohiya. Para sa aming mga mananaliksik ng #NationalMuseumPH, mainam na maging pamilyar kami sa mga lokal na salin ng mga salitang ito upang maging mas madali ang aming pagsusuri sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nakamamanghang malaman na halos isa lang ang salitang ginagagamit sa bansa para sa bato ngunit iba’t iba naman ang para sa bundok. May iba pa ba kayong alam na mga terminong pandignayan? Ibahagi sa amin ang lokal na pagsasalin ng mga terminong ito sa comment section sa ibaba.

Teksto at kaakibat na imahen mula sa Dibisyon ng Dignayan at Palyontolohiya
Kasama ang mga kawani ng Pambansang Museo mula sa Ilocos, Iloilo, Butuan, at Zamboanga

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas