Author: National Museum of the Philippines

Pagbati sa ika-98 na Kaarawan ni MB Magdalena Gamayo

Isang masayang pagbati kay Manlilikha ng Bayan Magdalena Gamayo sa kaniyang ika-98 na kaarawan!

Si MB Magdalena Gamayo, tubong Pinili, Ilocos Norte, ay ipinanganak noong 13 Agosto 1924. Sa kabila ng kawalan ng pormal na pagsasanay, natuto siyang maghabi ng abel (hinabing telang Iloko) noong siya ay dalaga pa lamang, sa edad na 16 sa pamamagitan lamang ng pagmamasid. Ilan sa mga kilalang disenyong makikita sa mga gawa ni MB Magdalena Gamayo ay ang kusikos (ipu-ipo), na kaniyang paborito; sinan-sabong (bulaklak), na itinuturing na isa sa mga pinakamahirap gawin; marurup (milky way); at sinan-paddak ti pusa (bakas ng paa ng pusa).

Dahil sa tagal ng kaniyang karanasan sa paghahabi, nasaksihan ni MB Magdalena Gamayo ang mga pagbabago sa kasanayang ito. Noong siya ay nagsisimula pa lamang maghabi, nakasanayan niyang magbalunbon ng sarili niyang mga sinulid mula sa bulak at patibayin ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapahid ng pagkit (beeswax) sa mga hibla. Ngunit kinalaunan ay napilitan siyang kumuha ng mga komersiyal na sinulid mula sa mga lokal na manininda buhat nang paghina ng pangangailangan sa mga lokal na produkto. Sa kabila nito, ang sining ng paghahabi ng abel ay nanatiling matatag pa rin, dala na rin ng malaking ambag ni MB Magdalena Gamayo, na siyang ipinagmamalaki ng rehiyon ng Ilocos.

Patunay sa kaniyang higit na 80 taong karanasan sa paghahabi ng abel, siya ay pinarangalan bilang #ManlilikhaNgBayan noong 2012. Ang pagkilalang ito ay hindi lamang dahil sa kaniyang mataas na antas na kaalaman sa kasanayan ng paghahabi, bagkus ay gayundin sa kaniyang pagsusumikap na maingatan at patuloy na maipasa sa mga susunod na henerasyon ang tradisyong ito. Noong 2016, itinayo ang House of Inabel bilang pagbibigay-pugay sa mga kontribusyon ni MB Magdalena Gamayo sa larangan ng sining at kultura. Bukas ito sa para mga kababaihan mula sa kanyang komunidad na nais matuto at magsanay ng sining ng paghahabi ng abel. Ang ilan sa kanyang mga hinabing tela ay tampok sa Bulwagan ng Manlilikha ng Bayan sa Pambansang Museo ng Antropolohiya sa Maynila at sa Ilocos Regional Museum sa Vigan City, Ilocos Sur.

#MagdalenaGamayo
#AbelIloko
#NationalMuseumPH
#GAMABA

Akda at paskil mula sa Sangay ng Etnolohiya–Pambansang Museo ng Pilipinas at Konsehong Tagapagpatupad/ Kalihiman ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan–Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas

World Elephant Day: Lena Shoal Shipwreck Elephant Tusks

Sa pagdiriwang ng World Elephant Day, tampok ng inyong #NationalMuseumPH ang mga elephant tusks na nakuha mula sa lumubog na barko sa Lena Shoal. 

Ang lumubog na barkong-kalakal na ito ay hindi sinasadyang natuklasan ng mga maninisid sa Lena Shoal na matatagpuan sa hilagang kanluran ng Busuanga Island, sa hilagang Palawan. Naglalaman ito ng napakarami at iba’t ibang mga arkeolohikal na kagamitan gaya ng mga Asian seramikang mula sa China, Thailand, Vietnam, at Myanmar gayundin ang mga piraso ng tin, mga glass beads, mga tansong pulseras, mga gong, at mga organikong materyales. Sa ginawang pagsusuri sa istilo ng mga seramikang tradeware na natagpuan ay tinatayang naglayag ang nasabing barkong-kalakal sa pagitan ng huling bahagi ng ika-15 hanggang unang bahagi ng ika-16 na daantaon.

Kabilang din sa mga natagpuan sa nasabing kargamento ay mga ivory tusks o garing. Sa panahong iyon ay hindi pa ipinagbabawal ang pagpaslang sa mga elepante para kunin ang kanilang mga tusks at karaniwan lamang ang pangangalakal nito. Tanyag ang paggamit ng garing sa mga sinaunang lipunan bilang palamuti, alahas, armas, mga kagamitang relihiyoso, at mga pigurin. Isang kamangha-manghang halimbawa nito ay ang Butuan Ivory Seal na natagpuan sa isang shell midden site sa Ambagan, Butuan City at tinatayang mula pa sa ika-10 hanggang ika-13 dantaon. Idineklara itong Pambansang Yamang Kalinangan o National Cultural Treasure.

Mataas ang pangangailangan sa garing sa pagitan ng ika-16 hanggang ika-17 daantaon dahil ginagamit itong kasangkapan sa paggawa ng mga imahen at iba pang mga gamit pandebosyon ng mga Katoliko. Ang Kalakalang Galyon sa pagitan ng Maynila at Acapulco ay nagpaigting sa produksyon ng mga kagamitang panrelihiyon na gawa sa garing sa Pilipinas na siya namang dinadala sa Mexico at sa mga kolonya sa timog Amerika. Higit pa rito, ang Maynila ay naging pangunahing sentro ng kalakalang panrehiyon ng marami pang mga luxury goods.

Ang pataas nang pataas na pangangailangan para sa garing ay nagdulot sa mabilis na pagkaubos ng populasyon ng mga African at Asian na elepante. Kalaunan ay ikinabahala rin ito ng mga kinauukulan sa buong daigdig at nagbunsod upang matigil ang kalakalan ng garing upang mailigtas ang mga elepante mula sa pagkaubos.

Artikulo mula sa Maritime and Underwater Cultural Heritage Division.

#WorldElephantDay
#LenaShoalShipwreck
#Ivorytusks

Pagpupugay para sa ika-108 na kaarawan ni MB Yabing Masalon Dulo

Sa paggunita sa ika-108 taong kapanganakan ni Manlilikha ng Bayan Yabing Masalon Dulo ngayong ika-8 ng Agosto, itinatampok ng #NationalMuseumPH ang ilan sa kaniyang mga likhang-kamay na sumasalamin sa kaniyang mapangathang kaisipan at kahusayan sa paglikha ng tradisyonal na habing abaka o ikat ng mga Blaan—ang tabih

Si Fu Yabing ay nagmula sa grupong Blaan at isinilang sa Barangay Landan sa bayan ng Polomolok, lalawigan ng Timog Cotabato noong ika-8 Agosto 1914. Siya ay kinilala bilang Manlilikha ng Bayan noong 2016.

Ang pagsasalin ng kaalaman sa paglikha ng tabih na sumasalamin sa kulturang Blaan ay bahagi ng katungkulan ni Fu Yabing bilang isang #ManlilikhaNgBayan, alinsunod sa mandatong nakasaad sa R.A. Bilang 7355 o Manlilikha ng Bayan Act. Sa pakikipagtulungan sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, inumpisahang itatag ang MB Yabing Masalon Dulo Cultural Center sa Barangay Landan noong 2021 at nilalayong mapasinayaan sa taong 2023. Ito ay nagsisilbing pook pangkaalaman kung saan maaaring matutunan ang iba’t ibang proseso ng paghahabi ng tabih—magmula sa pagkalap ng mga hilaw na materyal hanggang sa paghahabi—paghahabi ng gintlo, at paglikha ng iba pang kinaugaliang sining katulad ng mga gawang abaloryo at burdang Blaan.

Kaakibat ng pangangalaga at pagpapalaganap ng kaalaman ukol sa mga pamanang tradisyon at pangkulturang materyal, isinalin ng Kalihiman ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan sa Pambansang Museo ng Pilipinas ngayong taon ang dalawang mabal tabih, kabilang ang tabih fuleh, mula sa pamilya ni MB Yabing Masalon Dulo. Ang tabih fuleh ay nangangahulugang, “pulang palda” o “pulang tela” na makikilala sa mga guhit o linyang kulay pula. Ang natural na pulang pangkulay na ginamit para rito ay hango sa mga halamang apatot (Morinda sp.) at sfang (Caesalphinia sp.). Bahagi ito ng espesyal na koleksyon ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan (GAMABA) na matatagpuan sa Pambansang Museo ng Antropolohiya sa Maynila.

Ang iba pang nilikha ni MB Yabing Masalon Dulo ay matutunghayan sa NMP Eastern Northern Mindanao para sa pagtatanghal ng Lumad Textiles: Artistry and Identity.

#MBYabingMasalonDulo

#GAMABA

#NationalMuseumPH

Akda at paskil mula sa Sangay ng Etnolohiya–Pambansang Museo ng Pilipinas, at Konsehong Tagapagpatupad/ Kalihiman ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan–Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas

Pagsasalin sa mga Karaniwang Termino sa Heolohiya

Ngayong #BuwanNgWikangPambansa, ating alamin ang mga lokal na pagsasalin ng ilan sa mga karaniwang termino sa heolohiya. Kung inyong matatandaan, aming ibinahagi sa inyo, na ang salitang DIGNAYAN ang salin sa Filipino ng geology kung kaya’t ito ang pamagat ng serye na aming inilunsad noong nakaraang taon (https://bit.ly/3ACgXtv).

Ang mga salitang aming isinalin ngayon ay mga pangkaraniwang termino na madalas mababasa sa mga libro at artikulong tumatalakay sa dignayan o heolohiya. Para sa aming mga mananaliksik ng #NationalMuseumPH, mainam na maging pamilyar kami sa mga lokal na salin ng mga salitang ito upang maging mas madali ang aming pagsusuri sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nakamamanghang malaman na halos isa lang ang salitang ginagagamit sa bansa para sa bato ngunit iba’t iba naman ang para sa bundok. May iba pa ba kayong alam na mga terminong pandignayan? Ibahagi sa amin ang lokal na pagsasalin ng mga terminong ito sa comment section sa ibaba.

Teksto at kaakibat na imahen mula sa Dibisyon ng Dignayan at Palyontolohiya
Kasama ang mga kawani ng Pambansang Museo mula sa Ilocos, Iloilo, Butuan, at Zamboanga

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas

Manlilikha ng Bayan Alonzo Saclag ika-80 Anibersaryo ng Kapanganakan

Sa pagpapanatili ng kultura, mahalaga na patuloy na kilalanin ng tao ang kanilang sarili bilang bahagi ng isang komunidad. Kabilang dito ang pagtiyak na ang mga kaugalian at tradisyon ay patuloy na isinasagawa at naipapasa mula sa isang henerasyon patungo sa susunod na salinlahi. Ito ay naghihikayat sa isang indibidwal na ituring ang kanyang sarili bilang bahagi ng pangkat, kasama ng kanilang pamanang pangkultura/pangkalinangan. 

Ito ang buong buhay na naging adbokasiya ng Manlilikha ng Bayan na si Alonzo Saclag, na kinilala noong 2000 para sa kanyang kadalubhasaan at pagkakaroon ng mataas na kasanayang teknikal sa tradisyonal na pagtatanghal ng sining ng mga Kalinga, gayundin ang kanyang aktibong pagsisikap na maipasa ang kaalamang ito sa mga kabataan. Para kay MB Saclag, ang nakababatang henerasyon ay kailangang maunawaan at pahalagahan ang kanilang mga tradisyonal na tuntunin at paniniwala. Ang Pambansang Museo ng Pilipinas ay nagbibigay-pugay kay MB Alonzo Saclag sa pagdiriwang ng kanyang ika-80 anibersaryo ng kapanganakan sa araw na ito. 

Bilang tagapagtaguyod ng pamanang pangkultura/pangkalinangan ng mga Kalinga, hinimok niya ang kanyang komunidad na panatilihin ang kanilang intangible knowledge at mga materyal na kultura sa mga nagdaang taon. Isa rito ay ang gong o gangsa na sinikap niyang buhayin ang paggamit. Bago siya ginawaran bilang Manlilikha ng Bayan, ibinigay niya ang isang set ng gangsa/gangha sa Pambansang Museo ng Pilipinas noong 1994. Binubuo ito ng anim na gong na may iba’t ibang laki at kapal; ang bawat gong ay isa-isang tinutugtog ng mga kalalakihan nang may iba’t ibang kumpas. Sa mga Kalinga ng Lubuagan, mayroong dalawang pamamaraan sa pagtugtog nito: pattong o tadok, at tuppaya. Sa pattong, ang gangsa ay hinahawakan ng kaliwang kamay habang ang musikero ay hinahampas ito ng patpat gamit ang kanang kamay habang sumasayaw. Sa tuppaya, ang musikero ay makikitang nakaluhod habang pinapatugtog ang gangsa. Ang mga ito ay pamanang ipinapasa sa mga susunod na salinlahi at lubhang kinakailangang instrumentong pangmusika sa mahahalagang pagdiriwang tulad ng kapanganakan, kasal, tagumpay sa buhay, digmaan at bodong/kasunduang kapayapaan. 

Ang koleksiyong ito ni MB Alonzo Saclag ay itatampok sa bagong eksibisyon na “Anito: Paniniwala, Tradisyon, at Kabilang Buhay sa Hilagang Luzon” sa Pambansang Museo ng Antropolohiya (NMA). Alamin ang buhay at mga gawa ni MB Alonzo Saclag sa pagbisita sa Bulwagan ng Manlilika ng Bayan sa 3F ng NMA.  

#ManlilikhaNgBayan
#GAMABA
#AlonzoSaclag
#Gong
#BuwanNgWika

Teksto at poster mula sa NMP Sangay ng Etnolohiya 

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas

Manlilikha ng Bayan Lang Dulay

Ang Pambansang Museo ng Pilipinas ay nagbibigay-pugay kay Manlilikha ng Bayan Lang Dulay at sa kaniyang ambag sa pagpapanatili at pagsusulong ng pamanang pangkalinangan ng mga Tboli sa Timog Cotabato. Sa kabila ng pagbabago ng pamamaraan at mga kagamitan sa paghahabi dulot ng komersalisasyon ng t’nalak, hindi tumigil si MB Lang Dulay sa paghabi ng tradisyonal na disenyong mas mahirap gawin. 

Bilang Manlilikha ng Bayan, kumakatawan si Lang Dulay sa iilang mga bihasang manghahabi sa Lawa ng Sebu, kung saan siya isinilang. Naging bihasa siya sa humigit-kumulang na isang daang mga disenyo hango sa kapaligiran, katulad ng bulinglangit (ulap), bangkiring (buhok na tumatabing sa noo), kabangi (paru-paro), mga buwaya, at mga bulaklak na matatagpuan sa kabundukan at batis. Ang kanyang t’nalak ay naglalarawan ng kahusayan na makikita sa pagkapino at pagkakapantay-pantay ng mga hibla, masinsin na pagkakahabi, ang katiyakan ng mga anyo at dibuho, kromatikong integridad ng mga kulay, at pagpapanatali ng kabuuang anyo ng kanyang t’nalak.

Bago ang taong 1960, ang t’nalak ay tradisyonal na ginagamit bilang kumo (seremonyal na kumot), teduyung (saya) at k’gal saro at sawal taho (damit ng mga kalalakihan), at bahagi ng bride wealth sa tradisyonal na kasunduan sa pag-aasawa.

Ilan sa mga nilikha niya bago siya pumanaw noong 2015 ay nasa pangangalaga ng Pambansang Museo ng Pilipinas. Kasalukuyan itong makikita sa Bulwagan ng Manlilikha ng Bayan sa Pambansang Museo ng Antropolohiya sa Maynila at sa “Lumad Textiles: Artistry and Identity” sa NMP Eastern Northern Mindanao Regional Museum sa Lungsod ng Butuan.

#ManlilikhaNgBayan
#GAMABA

#LangDulay

#BuwanNgWika

Teksto at poster mula sa NMP Sangay ng Etnolohiya

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas