Author: National Museum of the Philippines

Trowel Tuesday- Kuweba o Yungib sa Sinaunang Kasaysayan ng Pilipinas

Sa pagtatapos ng #BuwanNgWikangPambansa, aming itinatampok ngayong #TrowelTuesday ang kuweba o yungib at ang kahalagahan nito sa arkeolohiya.  

Ang salitang kuweba o kweba (Filipino, na hango sa salitang Español na cueva, ay kasingkahulugan ng yungib (Filipino) o lungib (Bikol Central/Cebuano) na isang natural na lukab o butas sa ilalim ng lupa, o sa gilid ng bangin o burol. Gayundin ang kahulugan ng terminong *liaŋ na nagmula sa pamilya ng mga wikang Proto-Malayo-Polynesian. Ang liyang na malawakan ang paggamit sa mga isla sa Timog-Silangang Asya at Pasipiko ay binibigkas sa Pilipinas bilang liyāŋ (Isneg), liyáŋ (Bontok), liyaŋ (Batad sa Ifugao at Manobo sa Kanlurang Bukidnon), at liaŋ (Maranao).   

Malaki ang ginampanan at malawak ang naging sakop ng mga kuweba sa sinaunang kasaysayan ng tao. Sa pag-usbong ng mga ninuno ng sinaunang tao halos tatlong milyong taon na ang lumipas hanggang sa mga nagdaang siglo, ang mga yungib, batong kanlungan, at umbok ng bato ay naging lubos na kapaki-pakinabang. Ang mga ito ay nagsilbi nilang tirahan, himlayan, at pook-panseremonya ayon sa arkeologong si Wilfredo Ronquillo sa kanyang sanaysay noong 1995.

Sa Callao Cave Complex sa Lambak ng Cagayan, nahukay ang 67,000-taong mga labi ng isang bagong tuklas na uri ng tao—ang Homo luzonensis, mga fossil ng tatlong bagong tuklas na endemikong sarihay ng buot o daga na namuhay hanggang 4,000–2,000 taong nakalipas, pati na rin ang 3,500-taong rock art

Sa Tabon Cave Complex sa Quezon, Palawan naman nakita ang tinatayang 47,000-taong labi ng Homo sapiens na pinakamatanda sa bansa, lithics o mga kagamitang bato, at ang mayamang tradisyon ng paglilibing sa banga na may kasamang palayok, mga kagamitang yari sa metal at kabibe, at mga palamuting bubog at bato. Mga palayok-panlibing na antropomorpiko (mala-tao) naman na may detalyadong disenyo ang nadatnan ng mga arkeologo sa Yungib Ayub sa Sarangani. 

Mahalagang pangalagaan ang mga kuweba, hindi lamang para sa mga kasalukuyang anyong-buhay na sumasalalay sa mga ito, kundi para rin sa hinaharap, at nakalipas na maaari pang mabunyag sa pananaliksik sa mga ito.

#Yungib 
#Kuweba
#MuseumFromHome
#NationalMuseumPH

Teksto mula kay Marian Reyes. Mga poster likha ni Timothy James Vitales | NMP Archaeology Division

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas

Araw ng mga Bayani

Sa pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani, itinatampok namin ang likha ng printmaker na si Leonilo O. Doloricon (1957-2021) mula sa National Fine Arts Collection na pinamagatang “Pwersa sa Produksyon A/P” (1995). 

Ang likhang “Pwersa sa Produksyon A/P” ay isang print na ginawa sa pamamagitan ng rubbercut na nilikha ni Doloricon noong 1995. Ang “A/P” sa dulo ng pamagat ay nangangahulugang “Artist’s Proof” na ginagamit ng mga printmaker bilang isang working trial at limitado lamang ang bilang nito sa bawat edisyon ng print. 

Makikita sa likhang ito ang imahe ng mga tinaguriang bayani sa makabagong panahon na patuloy sa paghubog ng kasaysayan para sa isang malayang Pilipinas. Sila ang pwersa ng produksyon sa bansa na binubuo ng mga manggagawa sa iba’t ibang industriya tulad ng agrikultura, agham, teknolohiya, produksyon, at iba pa. 

Noong 2017 ay nagkaroon si Doloricon ng eksibisyon sa National Museum of Fine Arts kung saan itinampok niya ang limampung (50) limited edition prints na kumakatawan sa mga likha niya simula 1987 gamit ang iba’t ibang proseso ng printmaking tulad ng woodblock, linocut, rubbercut at lithograph. Kasama sa mga itinampok na print ang “Pwersa sa Produksyon A/P” (1995). Lahat ng limampung print na nasa eksibisyon ay ipinagkaloob ni Doloricon sa Pambansang Museo bilang “Gift to the Nation”.

Si Leonilo “Neil” O. Doloricon (1957-2021) ay ipinanganak noong Disyembre 1, 1957, sa Esperanza, Agusan del Sur. Siya ay isang pintor, printmaker, editorial cartoonist, propesor at social critic. Isa siya sa mga naging haligi ng social realism sa sining biswal sa bansa na nagtatampok ng mga likha na patungkol sa kalagayang panlipunan. Noong 1976, kasama siya sa mga bumuo ng Kaisahan, isang grupo ng mga social realists sa bansa. Isa din siya sa mga bumuo sa Concerned Artists of the Philippines noong 1983 at tumayong lider nito mula 2017 hanggang 2021. Naging editorial cartoonist din siya para sa pahayagang The Manila Times at Malaya Business Insights. Bukod dito, naging guro siya sa College of Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas at nagsilbing dekano nito mula 1998 hanggang 2001.

Bilang isang visual artist, lumahok siya sa maraming eksibisyong pansining sa bansa at maging sa labas tulad sa siyudad ng Berlin, Moscow, New York, Kuala Lumpur, Tokyo at San Diego. Noong 1990, natanggap niya ang CCP Gawad para sa Sining Biswal at Thirteen Artists Award mula sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. 

Pumanaw si Propesor Doloricon kamakailan lamang noong ika-16 ng Hulyo 2021.

Tunghayan ang obrang ito sa inyong pagbisita sa National Museum of Fine Arts! Bukas ang ating museo mula Martes hanggang Linggo, mula alas-9 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi. 

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang website ng Pambansang Museo sa www.nationalmuseum.gov.ph. Maari nyo ring makita ang birtwal na eksibisyon sa link na https://www.nationalmuseum.gov.ph/nmfa360/HTML5/NMFA360.html

Nagbibigay-pugay ang inyong Pambansang Museo ng Pilipinas sa lahat ng mga bayani ng bayan. Isang makahulugang padiriwang ng Pambansang Araw ng mga Bayani sa lahat!

#NeilDoloricon
#ArawngmgaBayani
#NationalHeroesDay
#NationalMuseumPH

Teksto mula sa NMP-FAD

Litrato kuha ni Bengy Toda

© National Museum of the Philippines (2022)

Art Stroll Sunday Feature – “Ilocos Caravan” (1974)

Ngayong #ArtStrollSunday ay tampok namin para sa inyo ang “Ilocos Caravan” (1974) ni Hugo Yonzon Jr., mula sa Philippine Center New York Collection (PCNY)!

Ang likhang sining na ito naglalarawan ng tradisyonal na karwahe o karitela na hinihila ng kalabaw at may dalang iba’t-ibang katutubong produkto na gawa mula sa lalawigan ng hilagang Luzon. Ang mga mangangalakal, karaniwang isang pamilya na naninirahan rin sa karitela, ay palipat-lipat na naglalako sa mga lugar na lulan ang mga produkto na yari sa rattan at kawayan na mga buslo, kabinet, upuan, kuna, duyan, sombrero, walis, at iba pa. Ang pamilya ng mga nagtitinda ay karaniwang tumatagal ng ilang buwan sa paglalako na binabagtas ang lansangan mula sa hilagang lalawigan hanggang makarating sa Maynila upang ibenta ang kanilang mga paninda. Ang tradisyonal na mobile tindahan na ito ay halos hindi na nakikita sa mga lansangan ngayon.  Madalas ang mga namimili ay nagtitingin na lamang ng mga paninda mula sa mga online store.

Nagtapos si Yonzon sa University of the Philippines School of Fine Arts noong 1947. Sa simula, nagtrabaho siya bilang isang ilustrador, kartunista, at litratista para sa iba’t ibang mga proyekto sa advertising. Nakilala siya bilang isang modernong post-war artist na ang interes ay maglarawan ng mga pang araw-araw na pamumuhay at kulturang Pilipino sa iba’t ibang istilo at pamamaraan. Idinaos niya ang kaniyang unang solong eksibisyon sa Solidaridad Gallery noong 1971. Kabilang sa kaniyang mga namumukod-tanging gawa ang 21-talampakan na likhang-sining para sa Philippine Pavilion sa New York World’s Fair noong 1964. Noong 1977 naman ay binuo niya ang Tuesday Portrait Club kasama sina Cesar Legaspi, Onib Olmedo, at limang iba pang alagad ng sining. 

Ang Ilocos Caravan ay bahagi ng Philippine Center New York Collection. Ito ay kasalukuyang naka eksibit sa Gallery XXVII-XXVIII, ika-apat na palapag ng Pambansang Museo ng Sining.

Maaaring tingnan ang 360 digri virtual tour ng PCNY Core Collection of 1974: A Homecoming Exhibition sa link na ito:  https://www.nationalmuseum.gov.ph/pcny360/HTML5/pcny360.html

#ArtStrollSunday
#HugoYonzonJr
#MuseumFromHome
#BuwanNgWika
#NationalMuseumPH

Teksto at larawan mula sa NMP FAD

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas

CASA ROCHA: “BALAY NA TISA SA BOHOL”

Para sa ating #BuiltTraditionThursday samahan niyo kaming tuklasin ang katangi-tanging domed ceiling ng isang bahay na kilala sa tawag na Casa Rocha at tinaguriang Balay na Tisa sa Sitio Ubos, Lungsod ng Tagbilaran sa isla ng Bohol. Makalipas ang 191 taon, ito ngayon ay itinuturing na pinakamatandang nabubuhay na bahay sa lalawigan. 

Noong 2019, ang Casa Rocha ay isa sa limang (5) pamanang bahay sa Sitio Ubos na sama-samang idineklara ng Pambansang Museo ng Pilipinas bilang isang Important Cultural Property (ICP). Kalaunan, sa pamamagitan ng Panel of Experts Resolution No. 2-2020, ang Casa Rocha ay inakyat sa pinakamataas na pagkilala bilang isang National Cultural Treasure (NCT) ayon sa pagiging halimbawa ng isang natatanging bagay na makabuluhan sa kaysasayan ng bansa.

Ang dalawang palapag na bahay ay itinayo sa isang 951 metro kuwadradong ari-arian sa makasaysayang lugar ng Sitio Ubos na pinaniniwalaang lumang pantalan ng Tagbilaran, kung saan naganap ang mga pangkabuhayang kalakalan. Sa ngayon, ang nasabing bahay ay nanatiling nakatayo sa orihinal nitong lokasyon na higit kumulang 600 metro lamang ang layo mula sa kasalukuyang commercial district ng lungsod ng Tagbilaran. 

Ang Casa Rocha kasama ang apat (4) pang idineklarang mga pamanang bahay ay matatagpuan sa kahabaan ng Calle Franklin, isang maliit na kalsadang nagdurugtong sa Butalid Causeway na nag-uugnay sa pangunahing isla ng Bohol sa isla ng Panglao. Sa Kanluran nito ay ang Casa Rocha-Suarez na itinayo ni Julian Rocha, isang mayamang mangangalakal at ninuno ng angkan ng mga Rocha. Sa Silangan naman nito ay ang bahay ng mga Hontanosas na kalapit ng bahay ng mga Yap na pag-aari ng isang pamilyang politiko. Samantala, ilang distansya ang layo sa tawid ng Calle Franklin ay matatagpuan naman ang bahay ng mga Beldia, na katulad ng Casa Rocha ay kakaiba sa buong lalawigan ng Bohol ayon sa aklat na Casa Boholana. Ito ay sa kadahilanang ang dalawang bahay na ito ay itinuturing na mga natatanging halimbawa ng istraktura na may upturned roof na isang kapansin-pansing katangian ng isang oriental na arkitektura.   

Sa limang bahay na ito, pinaniniwalaang ang Casa Rocha ang pinakamatandang nakaligtas na bahay sa lalawigan ng Bohol. Bukod dito, ang arkitektura nito ay sumasalamin sa kahulugan ng Arquitectura Mestiza na ayon kay Ignacio Alzina isang Heswita noong 1668 ay isang paraan ng pagtayo ng bahay gamit ang natural na bato sa ibabang palapag at ang mas magaan na kahoy para sa itaas na palapag. 

Katulad ng ibang mga bahay, ang Casa Rocha ay sinasalamin ang istilo ng disenyo ng mga may-ari nito. Hindi tulad sa karamihan ng mga Bahay na Bato na walang setback sa harapan, mapapansing ang Casa Rocha ay mayroong isang metrong setback mula sa kalsada. Pagpasok sa bakod ay bubungad ang mga bato na gawa sa coral na bumubuo sa pader ng silong. Nakakatuwa namang makita na isa sa mga ito ay may nakaukit na 1831 na pinaniniwalaang taon ng pagkabuo ng bahay. Samantala ang kahoy na pader ng ikalawang palapag ay nakahanay sa pader ng silong, pagpapahiwatig ng kawalan ng volada.  

Ang gitnang pasukan ng silong ay nakapasok paloob kung saan napapangalagaan nito ang papasok na dobleng kahoy na pinto laban sa panahon. Sa itaas naman nito ay ang nakapaloob na balkonahe na nakadugtong sa sala. Samantala, sa Silangang bahagi ng bahay ay matatagpuan ang kahoy na hagdanan patungo sa pangunahing pasukan ng ikalawang palapag. Ang hagdan na ito ay pinalamutian ng newel post na nilagyan ng ukit na bulaklak. Mula naman sa landing bubungad ang isang dobleng pinto na gawa sa kahoy at may mala-bughaw na kulay. Ito ay pinalamutian ng maliliit na pabilog na mga detalye at tuktukan na gawa sa tanso. Ang pangunahing pintuang ito ay pinalilibutan ng kahoy na hamba. Matatagpuan sa itaas nito ay ang dalawang pabilog na pangalawang seradura na may bulaklaking detalye. Ang mga pang dekorasyon na kandadong ito ay makikita rin sa mga bukana ng cuarto at comedor, bagaman mga mala-kabibeng disenyo ang itinampok sa halip.

Matatagpuan rin sa buong kabahayan ang mga kahoy na corbel na may disenyong kahawig ng mga alon ng karagatan. Marahil ang mga disenyong ito ay simbolikong representasyon ng kaugnayan ng Casa Rocha sa tubig, bilang ang Sitio Ubos ay kalapit ng Panglao Channel. 

Gayunpaman, ang pinakamamanghang katangian ng Casa Rocha ay ang simple ngunit hindi inaasahang simboryo na matatagpuan sa kisame ng sala. Ang pambihirang elementong ito sa isang bahay ay gawa sa mga table ng kahoy na pinalamutian ng kahoy na trim na may trefoil arch na disenyo, na matatagpuan rin sa senepa ng bahay. Nakukuha ng domed ceiling na ito ang interes ng sinumang bisita hindi lamang sa pagiging kakaiba kundi dahil na rin sa nakakatuwang tunog na ibinibigay nito. 

Samantala, ang comedor na nagsisilbing tulay na nagdurugtong sa kusina at pangunahing bahay ay napaka-utilitarian at simple lamang na halos walang dekorasyon. Ang pagkawalan nito ng kisame ang naglantad sa rafter-type na framing ng bubong. Ang praktikal na disenyong ito naman ay ipinagpatuloy sa kusina. Hindi tulad ng pangunahing bahagi ng bahay na may silong na gawa sa coral na bato, ang bahagi ng comedor at kusina ay sinusuportahan ng mga trosong poste at may bukas na silong. 

Matapos ang pagbili ng Pambansang Museo ng Pilipinas sa Casa Rocha noong Oktubre 2019, ang kagawaran ay kasalukuyang nagsasagawa ng mga panimulang gawain para sa nararapat at tamang konserbasyon ng bahay. Ang hakbang na ito ay bilang paghahanda sa hinaharap na extensyon ng #NationalMuseumBohol. Ito, kasama ang mga dating pagsisikap na interbensyon na pinasimulan ng mga lokal na stakeholder ay inaasahang magsilbing simula para sa mga natitirang pang pamanang bahay sa Sitio Ubos. 

Mga salita ni Ar. M. Belgica

Mga guhit at larawan ng AABHD at NM Bohol

References

Akpedonu, E., & Saloma, C. (2011). Casa Boholana: Vintage Houses of Bohol. Ateneo de Manila University Press.

Panel of Experts Resolution No. 2-2020, National Museum of the Philippines (2020)

Ika-96 na Anibersaryo ng Kapanganakan ni Pambasang Alagad ng Sining 
August 18, 1926 – June 24, 2002

Nasaan si Mang Larry? Tulungan ninyo kaming hanapin si Mang Larry sa obrang ito!

Bilang pagdiriwang sa araw ng ika-96 na anibersaryo ng kapanganakan ng Pambansang Alagad ng Sining (PAS) sa Sining Biswal na si Lauro “Larry” Alcala, itinatampok namin ang kaniyang ilustrasyon na “Slice of Life: Shoe Shopping,” mula sa Pambansang Koleksyon ng Sining.

Mahusay na inilarawan ni Alcala gamit ang tinta at gouache (opaque watercolor) sa Bristol board ang mga nakakatawang eksena sa isang tindahan ng sapatos. Makikita ang mga batang naglalaro sa loob ng tindahan, isang batang babae na umiiyak at pinapadyak ang kaniyang mga paa, at bata na nagsusukat ng sapatos na pang matanda, at ang iba ay nakikipaglaro sa ibang mga bata habang ang kanilang mga ina ay abala naman sa pamimili. Sa gitnang bahagi ay inilalarawan naman ang mga kababaihang pinagkakaguluhan ang mga bagsak presyong paninda.  

Ang obrang ito ay kabilang sa serye niyang “Slice of Life” na lumabas sa Weekend Magazine ng Daily Express mula 1980-1986. Ang mga Pilipinong sumusubaybay sa “Slice of Life” ay pinagkakaabalahang hanapin ang karikatura ni Mang Larry na nakatago sa kaniyang komposisyon ng mga pigura at bagay.

Ipinagkaloob ang “Shoe Shopping” sa Pambansang Museo ng Pilipinas noong 2020. Ang likhang-sining na ito, na natapos ni PAS Alcala noong 1981, ay nagsisilbi ring isang malikhaing pag-alala sa kultura ng pamimili ng Pilipino apat na dekada na ang nakaraan, kung saan sinasadya ang pagpunta ng mga mamimili sa mga tindahan. Ngayon, sa panahon ng pandemya, marami ang mas pinipiling mag “online shopping” upang panatilihing ligtas ang kanilang sarili mula sa COVID-19.

Isinilang si Alcala sa araw na ito noong 1926 sa Daraga, Albay, kina Ernesto Alcala at Elpidia Zarate. Kinilala siya kalaunan bilang Dean of Philippine Cartoonists. Noong 1950, nag-aral siya ng kursong Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Mula 1951 hanggang 1981 ay nagsilbi siyang guro sa Kolehiyo ng Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas. Siya ang naging tagapangulo ng Departamento ng Komunikasyong Biswal kung saan niya itinatag ang kurso sa disenyo ng pangkomersyo. Bukod sa pagiging isang guro, siya rin ay naging pangulo at tagapayo ng Samahang Kartunista ng Pilipinas, at Bise Presidente ng Society of Philippine Illustrators and Cartoonists.

Sumakabilang buhay si PAS Alcala noong ika-24 ng Hunyo 2002. Taong 2018, siya ay idineklarang Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal.

Maaari ninyong tingnan ang iba pa niyang likhang-sining, ang “Barrio Wedding” sa pamamagitan ng pag click sa link na ito: https://bit.ly/3vAb8JB. Para sa mga gustong bumisita sa #NationalMuseumPH, kami ay bukas mula Martes hanggang Linggo, 9:00 AM hanggang 6:00 PM.

Litrato at teksto mula sa Fine Arts Division

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas

Ibalong Festival sa Bikol

Ngayong #BuwanNgWika, itinatampok ng #NationalMuseumPH ang isang makulay na pagdiriwang mula sa Katimugang Luzon – ang Ibalong Festival sa Lungsod ng Legazpi sa Albay, Bicol.

Ang salitang ‘ibalong’ ay tumutukoy sa isang sinaunang pook-panirahan sa Bicol. Ayon sa mga mananaliksik, ang naturang lugar ay bahagi ngayon ng bayan ng Magallanes na matatagpuan sa lalawigan ng Sorsogon. Ipinagdiriwang ang Ibalong na hango sa isang epikong may kaparehong ngalan, bilang paggunita sa kasaysayan at pagkilala sa aspetong kultural ng rehiyon. Itinatampok sa epiko ang kuwento ni Ibalon at ng tatlong magigiting na bayani na sina Baltog, Handyong, at Bantong. Ayon sa kuwento, kinalaban nila ang halimaw na may isang mata, higanteng pating na lumilipad, buwaya, at iba pang mga nakakatakot na nilalang; iniligtas din nila ang mga tao sa malaking baha. 

Ang epiko ay sinasabing nilapatan ng titik ni Padre Jose Castano, isang misyonerong Franciscano, at ibinigay sa isang makatang manlalakbay na si Cadundung. Sinasabing maaaring may 400 talata ang orihinal na epiko, subalit ito ngayon ay naging anim na lamang. Nagtatapos ito sa pagpatay ni Bantong sa isang nilalang na kalahating tao at kalahating halimaw.

Ang paglalahad ng epikong ito ay binibigyang-buhay sa pamamagitan ng makukulay na kasuotan at palamuti na itinatanghal sa parada sa mga lansangan at nilalahukan ng parehong kalalakihan at kababaihan. Maliban sa parada, ginaganap din ang patimpalak para sa Mutya ng Ibalong. 

Ang rehiyon ay madalas dalawin ng bagyo at iba pang mga panganib na dulot ng kalikasan, kung kaya’t itinuturing din ang pagdiriwang na pagkilala sa katibayan at katatagan ng mga Bikolano.

Dalawang taong nahinto ang pagdaraos ng kapistahan dahil sa pandemyang dulot ng Covid-19. Ngayong taon, bagama’t inaasahang isagawa ito simula ika-10 hanggang ika-21 ng Agosto, ito ay muling ipagpapaliban nang dahil sa muling pagtaas ng kaso sa lalawigan. Gayunpaman, inaanyayahan namin kayo na bisitahin ang National Museum – Bicol Regional Museum sa Daraga, Albay, katabi ng Cagsawa Ruins na bukas mula 9 ng umaga hanggang 5 ng hapon.

#PyestangIbalong
#Bicol
#PhilippineFestivals

Teksto at poster mula sa NMP Sangay ng Etnolohiya. Pasasalamat sa Kagawaran ng Turismo sa Rehiyon ng Bikol para sa larawan. 

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas