Author: National Museum of the Philippines

World Elephant Day: Lena Shoal Shipwreck Elephant Tusks

Sa pagdiriwang ng World Elephant Day, tampok ng inyong #NationalMuseumPH ang mga elephant tusks na nakuha mula sa lumubog na barko sa Lena Shoal. 

Ang lumubog na barkong-kalakal na ito ay hindi sinasadyang natuklasan ng mga maninisid sa Lena Shoal na matatagpuan sa hilagang kanluran ng Busuanga Island, sa hilagang Palawan. Naglalaman ito ng napakarami at iba’t ibang mga arkeolohikal na kagamitan gaya ng mga Asian seramikang mula sa China, Thailand, Vietnam, at Myanmar gayundin ang mga piraso ng tin, mga glass beads, mga tansong pulseras, mga gong, at mga organikong materyales. Sa ginawang pagsusuri sa istilo ng mga seramikang tradeware na natagpuan ay tinatayang naglayag ang nasabing barkong-kalakal sa pagitan ng huling bahagi ng ika-15 hanggang unang bahagi ng ika-16 na daantaon.

Kabilang din sa mga natagpuan sa nasabing kargamento ay mga ivory tusks o garing. Sa panahong iyon ay hindi pa ipinagbabawal ang pagpaslang sa mga elepante para kunin ang kanilang mga tusks at karaniwan lamang ang pangangalakal nito. Tanyag ang paggamit ng garing sa mga sinaunang lipunan bilang palamuti, alahas, armas, mga kagamitang relihiyoso, at mga pigurin. Isang kamangha-manghang halimbawa nito ay ang Butuan Ivory Seal na natagpuan sa isang shell midden site sa Ambagan, Butuan City at tinatayang mula pa sa ika-10 hanggang ika-13 dantaon. Idineklara itong Pambansang Yamang Kalinangan o National Cultural Treasure.

Mataas ang pangangailangan sa garing sa pagitan ng ika-16 hanggang ika-17 daantaon dahil ginagamit itong kasangkapan sa paggawa ng mga imahen at iba pang mga gamit pandebosyon ng mga Katoliko. Ang Kalakalang Galyon sa pagitan ng Maynila at Acapulco ay nagpaigting sa produksyon ng mga kagamitang panrelihiyon na gawa sa garing sa Pilipinas na siya namang dinadala sa Mexico at sa mga kolonya sa timog Amerika. Higit pa rito, ang Maynila ay naging pangunahing sentro ng kalakalang panrehiyon ng marami pang mga luxury goods.

Ang pataas nang pataas na pangangailangan para sa garing ay nagdulot sa mabilis na pagkaubos ng populasyon ng mga African at Asian na elepante. Kalaunan ay ikinabahala rin ito ng mga kinauukulan sa buong daigdig at nagbunsod upang matigil ang kalakalan ng garing upang mailigtas ang mga elepante mula sa pagkaubos.

Artikulo mula sa Maritime and Underwater Cultural Heritage Division.

#WorldElephantDay
#LenaShoalShipwreck
#Ivorytusks

Pagpupugay para sa ika-108 na kaarawan ni MB Yabing Masalon Dulo

Sa paggunita sa ika-108 taong kapanganakan ni Manlilikha ng Bayan Yabing Masalon Dulo ngayong ika-8 ng Agosto, itinatampok ng #NationalMuseumPH ang ilan sa kaniyang mga likhang-kamay na sumasalamin sa kaniyang mapangathang kaisipan at kahusayan sa paglikha ng tradisyonal na habing abaka o ikat ng mga Blaan—ang tabih

Si Fu Yabing ay nagmula sa grupong Blaan at isinilang sa Barangay Landan sa bayan ng Polomolok, lalawigan ng Timog Cotabato noong ika-8 Agosto 1914. Siya ay kinilala bilang Manlilikha ng Bayan noong 2016.

Ang pagsasalin ng kaalaman sa paglikha ng tabih na sumasalamin sa kulturang Blaan ay bahagi ng katungkulan ni Fu Yabing bilang isang #ManlilikhaNgBayan, alinsunod sa mandatong nakasaad sa R.A. Bilang 7355 o Manlilikha ng Bayan Act. Sa pakikipagtulungan sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, inumpisahang itatag ang MB Yabing Masalon Dulo Cultural Center sa Barangay Landan noong 2021 at nilalayong mapasinayaan sa taong 2023. Ito ay nagsisilbing pook pangkaalaman kung saan maaaring matutunan ang iba’t ibang proseso ng paghahabi ng tabih—magmula sa pagkalap ng mga hilaw na materyal hanggang sa paghahabi—paghahabi ng gintlo, at paglikha ng iba pang kinaugaliang sining katulad ng mga gawang abaloryo at burdang Blaan.

Kaakibat ng pangangalaga at pagpapalaganap ng kaalaman ukol sa mga pamanang tradisyon at pangkulturang materyal, isinalin ng Kalihiman ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan sa Pambansang Museo ng Pilipinas ngayong taon ang dalawang mabal tabih, kabilang ang tabih fuleh, mula sa pamilya ni MB Yabing Masalon Dulo. Ang tabih fuleh ay nangangahulugang, “pulang palda” o “pulang tela” na makikilala sa mga guhit o linyang kulay pula. Ang natural na pulang pangkulay na ginamit para rito ay hango sa mga halamang apatot (Morinda sp.) at sfang (Caesalphinia sp.). Bahagi ito ng espesyal na koleksyon ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan (GAMABA) na matatagpuan sa Pambansang Museo ng Antropolohiya sa Maynila.

Ang iba pang nilikha ni MB Yabing Masalon Dulo ay matutunghayan sa NMP Eastern Northern Mindanao para sa pagtatanghal ng Lumad Textiles: Artistry and Identity.

#MBYabingMasalonDulo

#GAMABA

#NationalMuseumPH

Akda at paskil mula sa Sangay ng Etnolohiya–Pambansang Museo ng Pilipinas, at Konsehong Tagapagpatupad/ Kalihiman ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan–Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas

Pagsasalin sa mga Karaniwang Termino sa Heolohiya

Ngayong #BuwanNgWikangPambansa, ating alamin ang mga lokal na pagsasalin ng ilan sa mga karaniwang termino sa heolohiya. Kung inyong matatandaan, aming ibinahagi sa inyo, na ang salitang DIGNAYAN ang salin sa Filipino ng geology kung kaya’t ito ang pamagat ng serye na aming inilunsad noong nakaraang taon (https://bit.ly/3ACgXtv).

Ang mga salitang aming isinalin ngayon ay mga pangkaraniwang termino na madalas mababasa sa mga libro at artikulong tumatalakay sa dignayan o heolohiya. Para sa aming mga mananaliksik ng #NationalMuseumPH, mainam na maging pamilyar kami sa mga lokal na salin ng mga salitang ito upang maging mas madali ang aming pagsusuri sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nakamamanghang malaman na halos isa lang ang salitang ginagagamit sa bansa para sa bato ngunit iba’t iba naman ang para sa bundok. May iba pa ba kayong alam na mga terminong pandignayan? Ibahagi sa amin ang lokal na pagsasalin ng mga terminong ito sa comment section sa ibaba.

Teksto at kaakibat na imahen mula sa Dibisyon ng Dignayan at Palyontolohiya
Kasama ang mga kawani ng Pambansang Museo mula sa Ilocos, Iloilo, Butuan, at Zamboanga

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas

Manlilikha ng Bayan Alonzo Saclag ika-80 Anibersaryo ng Kapanganakan

Sa pagpapanatili ng kultura, mahalaga na patuloy na kilalanin ng tao ang kanilang sarili bilang bahagi ng isang komunidad. Kabilang dito ang pagtiyak na ang mga kaugalian at tradisyon ay patuloy na isinasagawa at naipapasa mula sa isang henerasyon patungo sa susunod na salinlahi. Ito ay naghihikayat sa isang indibidwal na ituring ang kanyang sarili bilang bahagi ng pangkat, kasama ng kanilang pamanang pangkultura/pangkalinangan. 

Ito ang buong buhay na naging adbokasiya ng Manlilikha ng Bayan na si Alonzo Saclag, na kinilala noong 2000 para sa kanyang kadalubhasaan at pagkakaroon ng mataas na kasanayang teknikal sa tradisyonal na pagtatanghal ng sining ng mga Kalinga, gayundin ang kanyang aktibong pagsisikap na maipasa ang kaalamang ito sa mga kabataan. Para kay MB Saclag, ang nakababatang henerasyon ay kailangang maunawaan at pahalagahan ang kanilang mga tradisyonal na tuntunin at paniniwala. Ang Pambansang Museo ng Pilipinas ay nagbibigay-pugay kay MB Alonzo Saclag sa pagdiriwang ng kanyang ika-80 anibersaryo ng kapanganakan sa araw na ito. 

Bilang tagapagtaguyod ng pamanang pangkultura/pangkalinangan ng mga Kalinga, hinimok niya ang kanyang komunidad na panatilihin ang kanilang intangible knowledge at mga materyal na kultura sa mga nagdaang taon. Isa rito ay ang gong o gangsa na sinikap niyang buhayin ang paggamit. Bago siya ginawaran bilang Manlilikha ng Bayan, ibinigay niya ang isang set ng gangsa/gangha sa Pambansang Museo ng Pilipinas noong 1994. Binubuo ito ng anim na gong na may iba’t ibang laki at kapal; ang bawat gong ay isa-isang tinutugtog ng mga kalalakihan nang may iba’t ibang kumpas. Sa mga Kalinga ng Lubuagan, mayroong dalawang pamamaraan sa pagtugtog nito: pattong o tadok, at tuppaya. Sa pattong, ang gangsa ay hinahawakan ng kaliwang kamay habang ang musikero ay hinahampas ito ng patpat gamit ang kanang kamay habang sumasayaw. Sa tuppaya, ang musikero ay makikitang nakaluhod habang pinapatugtog ang gangsa. Ang mga ito ay pamanang ipinapasa sa mga susunod na salinlahi at lubhang kinakailangang instrumentong pangmusika sa mahahalagang pagdiriwang tulad ng kapanganakan, kasal, tagumpay sa buhay, digmaan at bodong/kasunduang kapayapaan. 

Ang koleksiyong ito ni MB Alonzo Saclag ay itatampok sa bagong eksibisyon na “Anito: Paniniwala, Tradisyon, at Kabilang Buhay sa Hilagang Luzon” sa Pambansang Museo ng Antropolohiya (NMA). Alamin ang buhay at mga gawa ni MB Alonzo Saclag sa pagbisita sa Bulwagan ng Manlilika ng Bayan sa 3F ng NMA.  

#ManlilikhaNgBayan
#GAMABA
#AlonzoSaclag
#Gong
#BuwanNgWika

Teksto at poster mula sa NMP Sangay ng Etnolohiya 

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas

Manlilikha ng Bayan Lang Dulay

Ang Pambansang Museo ng Pilipinas ay nagbibigay-pugay kay Manlilikha ng Bayan Lang Dulay at sa kaniyang ambag sa pagpapanatili at pagsusulong ng pamanang pangkalinangan ng mga Tboli sa Timog Cotabato. Sa kabila ng pagbabago ng pamamaraan at mga kagamitan sa paghahabi dulot ng komersalisasyon ng t’nalak, hindi tumigil si MB Lang Dulay sa paghabi ng tradisyonal na disenyong mas mahirap gawin. 

Bilang Manlilikha ng Bayan, kumakatawan si Lang Dulay sa iilang mga bihasang manghahabi sa Lawa ng Sebu, kung saan siya isinilang. Naging bihasa siya sa humigit-kumulang na isang daang mga disenyo hango sa kapaligiran, katulad ng bulinglangit (ulap), bangkiring (buhok na tumatabing sa noo), kabangi (paru-paro), mga buwaya, at mga bulaklak na matatagpuan sa kabundukan at batis. Ang kanyang t’nalak ay naglalarawan ng kahusayan na makikita sa pagkapino at pagkakapantay-pantay ng mga hibla, masinsin na pagkakahabi, ang katiyakan ng mga anyo at dibuho, kromatikong integridad ng mga kulay, at pagpapanatali ng kabuuang anyo ng kanyang t’nalak.

Bago ang taong 1960, ang t’nalak ay tradisyonal na ginagamit bilang kumo (seremonyal na kumot), teduyung (saya) at k’gal saro at sawal taho (damit ng mga kalalakihan), at bahagi ng bride wealth sa tradisyonal na kasunduan sa pag-aasawa.

Ilan sa mga nilikha niya bago siya pumanaw noong 2015 ay nasa pangangalaga ng Pambansang Museo ng Pilipinas. Kasalukuyan itong makikita sa Bulwagan ng Manlilikha ng Bayan sa Pambansang Museo ng Antropolohiya sa Maynila at sa “Lumad Textiles: Artistry and Identity” sa NMP Eastern Northern Mindanao Regional Museum sa Lungsod ng Butuan.

#ManlilikhaNgBayan
#GAMABA

#LangDulay

#BuwanNgWika

Teksto at poster mula sa NMP Sangay ng Etnolohiya

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas

Music and rhythms among the Negritos

If you could express your feelings by breaking out in a song, what genre would that song take?

For the Negritos, music is such an inherent part of their life that songs are usually sung, even as they engage in their daily routine, to express feelings of joy, love, and sorrow. As we cap off the celebration of the #LinggoNgMusikangPilipino, the #NationalMuseumPH brings you the different types of music among the Negritos.

The music of the Negritos is usually characterized by singing either in a repetitive tone or an improvised one, with impromptu lyrics being thought of based on the feelings evoked in the song. The amba, a song that conveys happiness, has a sweet-sounding melody that is repeated from memory but can be enriched by singing in varying intonations for select parts. Usually sung at weddings, it is set to the rhythm of clapping hands or flat gongs.

On the other hand, sorrow and grief are expressed through the undas. As the community sings the undas, they come towards the bereaved and lay offerings on the bow and arrow beside him. Even just a few grains of rice can be given, signifying the simple and communal life of the Negritos.  

Love is expressed through the uso or the aliri. Uso is a courtship song characterized by a four-count beat and sung alternately by a man and woman. Four dancers clap to the first and third beat during the song’s duration while two players beat the gongs. Likewise, the love song aliri is sung alternately by the two genders. However, in reality, its practice is not bound to this form. Single or married, anyone can sing the parts for the man or woman, even while doing daily activities such as walking, working, or idling. 

Aside from the gong, other musical instruments played by the Negrito are the bangsi (long reed mouth flute), kulibao / barimbo (Jew’s harp), tabung-tabung / kabong-bong / kabubung (bamboo zither), tibawa / pattanggo (clapper), and guitar. Visit the 360 virtual tour of the “Biyay: Tradition, Ecology and Knowledge among the Philippine Negrito Communities” Gallery and learn more about the material culture of the Negritos: http://pamana.ph/ncr/manila/NMA360.html

#NegritoCommunities

#PhilippineTraditionalMusic 

#MuseumFromHome 

Text and poster by the NMP Ethnology Division

© 2022 National Museum of the Philippines