Manlilikha ng Bayan Alonzo Saclag ika-80 Anibersaryo ng Kapanganakan

Sa pagpapanatili ng kultura, mahalaga na patuloy na kilalanin ng tao ang kanilang sarili bilang bahagi ng isang komunidad. Kabilang dito ang pagtiyak na ang mga kaugalian at tradisyon ay patuloy na isinasagawa at naipapasa mula sa isang henerasyon patungo sa susunod na salinlahi. Ito ay naghihikayat sa isang indibidwal na ituring ang kanyang sarili bilang bahagi ng pangkat, kasama ng kanilang pamanang pangkultura/pangkalinangan. 

Ito ang buong buhay na naging adbokasiya ng Manlilikha ng Bayan na si Alonzo Saclag, na kinilala noong 2000 para sa kanyang kadalubhasaan at pagkakaroon ng mataas na kasanayang teknikal sa tradisyonal na pagtatanghal ng sining ng mga Kalinga, gayundin ang kanyang aktibong pagsisikap na maipasa ang kaalamang ito sa mga kabataan. Para kay MB Saclag, ang nakababatang henerasyon ay kailangang maunawaan at pahalagahan ang kanilang mga tradisyonal na tuntunin at paniniwala. Ang Pambansang Museo ng Pilipinas ay nagbibigay-pugay kay MB Alonzo Saclag sa pagdiriwang ng kanyang ika-80 anibersaryo ng kapanganakan sa araw na ito. 

Bilang tagapagtaguyod ng pamanang pangkultura/pangkalinangan ng mga Kalinga, hinimok niya ang kanyang komunidad na panatilihin ang kanilang intangible knowledge at mga materyal na kultura sa mga nagdaang taon. Isa rito ay ang gong o gangsa na sinikap niyang buhayin ang paggamit. Bago siya ginawaran bilang Manlilikha ng Bayan, ibinigay niya ang isang set ng gangsa/gangha sa Pambansang Museo ng Pilipinas noong 1994. Binubuo ito ng anim na gong na may iba’t ibang laki at kapal; ang bawat gong ay isa-isang tinutugtog ng mga kalalakihan nang may iba’t ibang kumpas. Sa mga Kalinga ng Lubuagan, mayroong dalawang pamamaraan sa pagtugtog nito: pattong o tadok, at tuppaya. Sa pattong, ang gangsa ay hinahawakan ng kaliwang kamay habang ang musikero ay hinahampas ito ng patpat gamit ang kanang kamay habang sumasayaw. Sa tuppaya, ang musikero ay makikitang nakaluhod habang pinapatugtog ang gangsa. Ang mga ito ay pamanang ipinapasa sa mga susunod na salinlahi at lubhang kinakailangang instrumentong pangmusika sa mahahalagang pagdiriwang tulad ng kapanganakan, kasal, tagumpay sa buhay, digmaan at bodong/kasunduang kapayapaan. 

Ang koleksiyong ito ni MB Alonzo Saclag ay itatampok sa bagong eksibisyon na “Anito: Paniniwala, Tradisyon, at Kabilang Buhay sa Hilagang Luzon” sa Pambansang Museo ng Antropolohiya (NMA). Alamin ang buhay at mga gawa ni MB Alonzo Saclag sa pagbisita sa Bulwagan ng Manlilika ng Bayan sa 3F ng NMA.  

#ManlilikhaNgBayan
#GAMABA
#AlonzoSaclag
#Gong
#BuwanNgWika

Teksto at poster mula sa NMP Sangay ng Etnolohiya 

© 2022 Pambansang Museo ng Pilipinas