NMP, BSP, NAGLUNSAD NG PANIBAGONG TAMPOK

Noong 14 Agosto 2025, inilunsad ng Pambansang Museo ng Pilipinas (NMP) at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang bago nitong magkatuwang na eksibisyon na 𝐊𝐮𝐥𝐭𝐮𝐫𝐚. 𝐊𝐚𝐩𝐢𝐭𝐚𝐥. 𝐊𝐚𝐬𝐚𝐥𝐮𝐤𝐮𝐲𝐚𝐧: 𝐂𝐨𝐧𝐭𝐞𝐦𝐩𝐨𝐫𝐚𝐫𝐲 𝐀𝐫𝐭 𝐟𝐫𝐨𝐦 𝐭𝐡𝐞 𝐁𝐚𝐧𝐠𝐤𝐨 𝐒𝐞𝐧𝐭𝐫𝐚𝐥 𝐧𝐠 𝐏𝐢𝐥𝐢𝐩𝐢𝐧𝐚𝐬 𝐂𝐨𝐥𝐥𝐞𝐜𝐭𝐢𝐨𝐧.

Tampok dito ang mga kontemporaryong likhang-sining mula sa koleksyon ng BSP, mula sa mga artista gaya nina Pambansang Alagad ng Sining Benedicto Cabrera, Onib Olmedo, Brenda Fajardo, Antipas Delotavo, and Edgar Talusan Fernandez. Lalong naging espesyal ang pagtitipon dahil sa presensya ng ilan sa mga artistang tampok sa eksibisyon tulad nina Charlie Co, Junyee, Imelda Cajipe-Endaya, Demi Padua, Joey Cobcobo, Leonard Aguinaldo, Gerardo Tan, Melvin Culaba, at ng mga kinatawan nina Renato Habulan (ang kanyang anak na si Mayumi) at Emmanuel Garibay (ang kanyang anak na si Jeudi).

 

Dumalo sa paglulunsad sina BSP Governor Eli M. Remolona Jr., mga kasapi ng Monetary Board, at iba pang mga opisyal ng Bangko Sentral. Naroon din sina dating BSP Governor Amando M. Tetangco Jr., ang maybahay ng yumaong BSP Governor Nestor A. Espenilla, Jr., na si Bb. Tess Espenilla, at si dating Central Bank Governor Jaime C. Laya, na nagbigay ng isang maikling lektura ukol sa BSP art collection. Sinaksihan din ng mga opisyal ng NMP ang paglulunsad kabilang na sina Board of Trustees Chairman Andoni Aboitiz, Director-General Jeremy Barns at mga kasapi ng Board of Trustees na sina NCCA Chairman Victorino Mapa Manalo, G. Carlo Ebeo at G. Jose Carlos Garcia-Campos. Marami ring mga pinuno ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan ang dumalo sa programa. 

Pinasalamatan naman ni Chairman Aboitiz ang BSP sa muling pakikipagtulungan nito sa Pambansang Museo at pinuri ang bagong bukas na eksibisyon bilang patunay sa patuloy na pakikiisa ng BSP sa hangarin ng NMP na ilapit at ipakilala ang ating kultura at sining biswal sa mas nakararaming Pilipino.

Nauna nang nagsagawa ng espesyal na media preview noong 5 Agosto para sa nasabing eksibisyon, na pinangunahan ni BSP Deputy Governor Bernadette Romulo-Puyat at NMP Director-General Jeremy Barns.
Ang 𝐊𝐮𝐥𝐭𝐮𝐫𝐚. 𝐊𝐚𝐩𝐢𝐭𝐚𝐥. 𝐊𝐚𝐬𝐚𝐥𝐮𝐤𝐮𝐲𝐚𝐧 ay bukas sa publiko hanggang Nobyembre 2027, at matatagpuan sa Gallery XVIII at XIX, 3/F, National Museum of Fine Arts. Bukas ito araw-araw, mula 9:00 ng hapon, hanggang 6:00 ng gabi. LIBRE ang pagpasok!