CASA ROCHA: “BALAY NA TISA SA BOHOL”

Para sa ating #BuiltTraditionThursday samahan niyo kaming tuklasin ang katangi-tanging domed ceiling ng isang bahay na kilala sa tawag na Casa Rocha at tinaguriang Balay na Tisa sa Sitio Ubos, Lungsod ng Tagbilaran sa isla ng Bohol. Makalipas ang 191 taon, ito ngayon ay itinuturing na pinakamatandang nabubuhay na bahay sa lalawigan. 

Noong 2019, ang Casa Rocha ay isa sa limang (5) pamanang bahay sa Sitio Ubos na sama-samang idineklara ng Pambansang Museo ng Pilipinas bilang isang Important Cultural Property (ICP). Kalaunan, sa pamamagitan ng Panel of Experts Resolution No. 2-2020, ang Casa Rocha ay inakyat sa pinakamataas na pagkilala bilang isang National Cultural Treasure (NCT) ayon sa pagiging halimbawa ng isang natatanging bagay na makabuluhan sa kaysasayan ng bansa.

Ang dalawang palapag na bahay ay itinayo sa isang 951 metro kuwadradong ari-arian sa makasaysayang lugar ng Sitio Ubos na pinaniniwalaang lumang pantalan ng Tagbilaran, kung saan naganap ang mga pangkabuhayang kalakalan. Sa ngayon, ang nasabing bahay ay nanatiling nakatayo sa orihinal nitong lokasyon na higit kumulang 600 metro lamang ang layo mula sa kasalukuyang commercial district ng lungsod ng Tagbilaran. 

Ang Casa Rocha kasama ang apat (4) pang idineklarang mga pamanang bahay ay matatagpuan sa kahabaan ng Calle Franklin, isang maliit na kalsadang nagdurugtong sa Butalid Causeway na nag-uugnay sa pangunahing isla ng Bohol sa isla ng Panglao. Sa Kanluran nito ay ang Casa Rocha-Suarez na itinayo ni Julian Rocha, isang mayamang mangangalakal at ninuno ng angkan ng mga Rocha. Sa Silangan naman nito ay ang bahay ng mga Hontanosas na kalapit ng bahay ng mga Yap na pag-aari ng isang pamilyang politiko. Samantala, ilang distansya ang layo sa tawid ng Calle Franklin ay matatagpuan naman ang bahay ng mga Beldia, na katulad ng Casa Rocha ay kakaiba sa buong lalawigan ng Bohol ayon sa aklat na Casa Boholana. Ito ay sa kadahilanang ang dalawang bahay na ito ay itinuturing na mga natatanging halimbawa ng istraktura na may upturned roof na isang kapansin-pansing katangian ng isang oriental na arkitektura.   

Sa limang bahay na ito, pinaniniwalaang ang Casa Rocha ang pinakamatandang nakaligtas na bahay sa lalawigan ng Bohol. Bukod dito, ang arkitektura nito ay sumasalamin sa kahulugan ng Arquitectura Mestiza na ayon kay Ignacio Alzina isang Heswita noong 1668 ay isang paraan ng pagtayo ng bahay gamit ang natural na bato sa ibabang palapag at ang mas magaan na kahoy para sa itaas na palapag. 

Katulad ng ibang mga bahay, ang Casa Rocha ay sinasalamin ang istilo ng disenyo ng mga may-ari nito. Hindi tulad sa karamihan ng mga Bahay na Bato na walang setback sa harapan, mapapansing ang Casa Rocha ay mayroong isang metrong setback mula sa kalsada. Pagpasok sa bakod ay bubungad ang mga bato na gawa sa coral na bumubuo sa pader ng silong. Nakakatuwa namang makita na isa sa mga ito ay may nakaukit na 1831 na pinaniniwalaang taon ng pagkabuo ng bahay. Samantala ang kahoy na pader ng ikalawang palapag ay nakahanay sa pader ng silong, pagpapahiwatig ng kawalan ng volada.  

Ang gitnang pasukan ng silong ay nakapasok paloob kung saan napapangalagaan nito ang papasok na dobleng kahoy na pinto laban sa panahon. Sa itaas naman nito ay ang nakapaloob na balkonahe na nakadugtong sa sala. Samantala, sa Silangang bahagi ng bahay ay matatagpuan ang kahoy na hagdanan patungo sa pangunahing pasukan ng ikalawang palapag. Ang hagdan na ito ay pinalamutian ng newel post na nilagyan ng ukit na bulaklak. Mula naman sa landing bubungad ang isang dobleng pinto na gawa sa kahoy at may mala-bughaw na kulay. Ito ay pinalamutian ng maliliit na pabilog na mga detalye at tuktukan na gawa sa tanso. Ang pangunahing pintuang ito ay pinalilibutan ng kahoy na hamba. Matatagpuan sa itaas nito ay ang dalawang pabilog na pangalawang seradura na may bulaklaking detalye. Ang mga pang dekorasyon na kandadong ito ay makikita rin sa mga bukana ng cuarto at comedor, bagaman mga mala-kabibeng disenyo ang itinampok sa halip.

Matatagpuan rin sa buong kabahayan ang mga kahoy na corbel na may disenyong kahawig ng mga alon ng karagatan. Marahil ang mga disenyong ito ay simbolikong representasyon ng kaugnayan ng Casa Rocha sa tubig, bilang ang Sitio Ubos ay kalapit ng Panglao Channel. 

Gayunpaman, ang pinakamamanghang katangian ng Casa Rocha ay ang simple ngunit hindi inaasahang simboryo na matatagpuan sa kisame ng sala. Ang pambihirang elementong ito sa isang bahay ay gawa sa mga table ng kahoy na pinalamutian ng kahoy na trim na may trefoil arch na disenyo, na matatagpuan rin sa senepa ng bahay. Nakukuha ng domed ceiling na ito ang interes ng sinumang bisita hindi lamang sa pagiging kakaiba kundi dahil na rin sa nakakatuwang tunog na ibinibigay nito. 

Samantala, ang comedor na nagsisilbing tulay na nagdurugtong sa kusina at pangunahing bahay ay napaka-utilitarian at simple lamang na halos walang dekorasyon. Ang pagkawalan nito ng kisame ang naglantad sa rafter-type na framing ng bubong. Ang praktikal na disenyong ito naman ay ipinagpatuloy sa kusina. Hindi tulad ng pangunahing bahagi ng bahay na may silong na gawa sa coral na bato, ang bahagi ng comedor at kusina ay sinusuportahan ng mga trosong poste at may bukas na silong. 

Matapos ang pagbili ng Pambansang Museo ng Pilipinas sa Casa Rocha noong Oktubre 2019, ang kagawaran ay kasalukuyang nagsasagawa ng mga panimulang gawain para sa nararapat at tamang konserbasyon ng bahay. Ang hakbang na ito ay bilang paghahanda sa hinaharap na extensyon ng #NationalMuseumBohol. Ito, kasama ang mga dating pagsisikap na interbensyon na pinasimulan ng mga lokal na stakeholder ay inaasahang magsilbing simula para sa mga natitirang pang pamanang bahay sa Sitio Ubos. 

Mga salita ni Ar. M. Belgica

Mga guhit at larawan ng AABHD at NM Bohol

References

Akpedonu, E., & Saloma, C. (2011). Casa Boholana: Vintage Houses of Bohol. Ateneo de Manila University Press.

Panel of Experts Resolution No. 2-2020, National Museum of the Philippines (2020)