National Museum Zoological Collection
Panimula
Ang Pilipinas ay tirahan ng iba’t-ibang pambihirang hayop na hindi makikita sa ibang bahagi ng daigdig kundi dito lamang sa Pilipinas. Ilan sa mga kakaibang hayop na ito ay pinangangambahang mawala samantalang ang iba naman ay tuluyan nang naubos at di na makikita pa sa ilang. Ang Pambasang Museo ay may malaking koleksyon ng mga hayop mula sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas upang magkaroon ng talaan ng iba’t-ibang hayop sa Pilipinas. Ang mga hayop na ito na nakalap at nakolekta sa mga nagdaang dekada ay naging bahagi na ng ating ‘natural history’. Ang ilang halimbawa ng hayop na kabilang sa “guide” na ito ay lubhang luma na na maaaring nakolekta pa noong unang bahagi ng 1900. Ang ‘Zoology Reference Collection’ ng Pambansang Museo ay may 337,983 na nakatalang ispesimen na hayop. Ang mga sumusunod ay ang Ibon na may 19,465 na bilang; ang Mamal na may bilang na 4,342; ang Carsinolohiya (Krustasiya) ay 56,321; ang Herpetolohiya (reptilia at ampibia) naman ay 5,087; ang Insekto ay 43,600; ang Kongkolohiya (Shells) ay 153,831; ang mga Uod-dagat ay 8,957; ang Korals ay 5,252; ang Ekinolohiya (starfish at mga kauri nito) ay 22,467; ang Isda ay 16,461; at ang Spongha ay 2,200.
Ang mga ibon at mamal na mga ispesimen ay maaaring ma-preserbang balat na pinalamanan ng bulak o kaya ay ma-preserba sa pamamagitan ng pagbabad sa alcohol, karamihan ng pinag-aaralang ispesimen ng mga hayop ay nakapreserba sa pamamagitan ng pagbabad sa ‘ethyl alcohol’. Ang mga ispesimen naman na ginagamit para ipakita sa publiko ay nakapreserba sa pamamagitan ng paglagay ng bulak sa tinanggal na laman nito, at inaayos ayon sa natural na gawi ng hayop. Ang mga naka-preserba naman sa alcohol ay nakalagay sa mga bote at nakaayos sa lalagyang bakal o kahoy. Ang mga ispesimen na ito ay palagiang tinitignan kung ligtas sa mga amag at mga peste. Ang mga ito rin ay nakasulat sa katalogo ng Pambansang Museo at may mga nakakabit na pangalan ang mga ito gamit ang 𠆊id-free’ na papel. Ang mga basang ispesimen naman ay ginagamitan ng ‘tracing paper’ at sinisimulan ng pangalan gamit ang tintang di natutunaw sa alcohol. Ang ‘Reference Collection Area’ ay dapat naka-air-condition para maiwasan ang pagtaas ng temperatura ng lugar na ito at para maiwasan rin ang paglaganap ng amag at pagdami ng peste na magiging sanhi ng pagkasira ng mga ispesimen at ‘label’ nito.
Karamihan ng hayop na kasama sa gabay na ito ay pambihira dahil sa kanilang maliit na populasyon katulad ng pilandok, tandikan at ang ‘living fossil’ na glypheid. Ang ibang hayop tulad ng pambansang agila, tamaraw, baboy damo, pawikan, at iba pa ay nanganganib nang mawala dahil sa paghuli at sa pagsira ng kagubatan o dagat na kanilang tirahan.
Ang mga hayop na nabangit dito sa gabay ay nakaayos ayon sa panahon ng kanilang pagkakakilanlan.
Ang koleksyon ng ispesimeng-hayop na nakadeposito dito sa Pambansang Museo ay matibay na patunay na ang mga naturang hayop ay nabubuhay at matatagpuan sa Pilipinas. Sana ang kaalaman ukol sa mga hayop ng Pilipinas ay magbunsod sa isang resonableng pag-iingat ng mga Pilipino sa mga pambihirang hayop na ito.
Neoglyphea inopinata
Living Fossil Glypheid
Ang “Living Fossil Glypheid” ay isang mabilis na hayop sa dagat, lumalakad at kumakapit sa mga masangang bagay. Kung buhay, ang mata nito ay may nagliliwanag na ‘translucid orange’ at maaaninag na matinding kulay berdeng metal na dagling nawawala kapag patay na. Ito ay may sukat na 115 hanggang 123 milimetro.
Ang ‘glypheid’ na ito ay kabilang sa pangkat ng mga hayop na nabuhay noong panahon ng ‘Jurassic’ at inakalang naglaho sa umpisa ng panahong ‘Eocene’. Salungat sa sinasabi ng iba, ang grupo ng hayop na ito ay hindi nawala sa nakaraang 60 milyong taon bagkus ay kasalukuyan pa palang nabubuhay.
Ang Neoglyphea inopinata lamang ang tanging “living fossil” sa Pilipinas na matatagpuan sa isang malalim na ‘channel’ sa may Lubang Island mga 180 hanggang 200 metro ang lalim. Hindi pa gaanong napag-aaralan ang pambihirang hayop na ito dahil sa lalim ng tirahan nito. Sa kasalukuyan ay posibleng marami pang ganitong uri ng hayop sa maliit na lugar nitong ginagalawan subalit kailangan pa ng ibayong pag-aaral.
Ang ‘Jurassic species’ na ito ay nakolekta sa Lubang Island sa pamamagitan ng ‘beam trawl’. Ang kauna-unahang ‘glypheid’ ay nakolekta ng ‘Albatross steamship’, isang ‘oceanographic vessel’, noong ika-17 ng Hulyo taong 1908. Ito rin ang nagbunsod upang magkaroon ng ekspedisyon ang mga Pranses upang pag-aralan ang ‘living fossil’ na ito. Ang kauna-unahang ispesimen na ito ay isinantabi muna habang hindi pa natutukoy at nabibigyan ng pangalan sa loob ng 67 taon hanggang sa ito ay ipakita kay Michèle de Saint Laurent na kasalukuyang nag-aaral ng Thalassinids sa National Museum of Natural History at kay Jacques Forest ng Musèum National d` Histoire Naturelle. Noong ika-9 ng Hunyo taong 1975, inihayag ni Propesor P.P. Grasse sa Academie des Sciences ang paunang deskripsyon ng naunang ‘glypheid’, ang koleksyon ng ‘Albatross’ na kung saan nakuha ang pangalan nitong Neoglyphea inopinata.
Ang ekspedisyon (MUSORSTOM) ay isinagawa sa Maynila, Pilipinas noong Marso taong 1976 upang mangalap ng bagong “living fossil” sakay ng Vauban, isang sasakyang oseanograpiko. Ang MUSORSTOM ay nag-galadgad (trawl) sa eksaktong lugar kung saan nakolekta ang unang ‘glypheid’. Gamit ang galadgad, 9 na Neoglyphea inopinata ang nakolekta. 7 lalaki at 2 bata pa (juvenile) at lahat ay ipreneserba sa alcohol upang pag-aralan.
Banagan(Tagalog; Ilonggo; Cebuano)
Painted Crayfish, Marine Crayfish or Spiny Lobster
Ang magandang banagan na ito ay may katawan na umaabot ng 30 sentimetro ang haba at tumitimbang ng 950 gramo. Ang bilugang ‘carapace’ o ang matigas na balat nito ay kulay asul na napapalamutian ng mga puting linya at may kulay itim na mga tinik. Ang tiyan ay may kulay puting guhit sa likod at naliligiran ng asul sa bandang ibaba ng bawat segmento. Ang unang antena, paang panglakad at panglangoy ay may mahahabang guhit na puti. Ang buntot na mangasul-ngasul at napapalamutian ng puting guhit ay ginagamit sa mabilis na pagtakas.
Sari-sari ang kinakain ng banagan tulad ng isda, kabibe, at iba pang hayop-dagat na mahuhuli nito. Bago ito magluno (pagpapalit ng balat) ay kumakain ito ng marami upang makapag-ipon ng taba sa katawan. Sa panahon ng pagluluno ay hindi na ito kumakain. Ang mga pansipit nito ay ginagamit sa paghuli at paghawak ng pagkain. Ang pagkaing tulad ng ‘shells’ na may matitigas na balat ay unti-unting kinakagat sa gilid hanggang lumitaw ang malambot na parte.
Ang pagpapareha ay ginagawa tuwing tag-araw ilang oras pagkatapos ng pagluluno ng babaeng banagan na nasa hustong gulang habang malambot pa ang balat nito. Inililipat ng lalaking banagan ang punla (sperm) sa ‘sperm sac’ ng babae sa pagitan ng pinakapuno ng dalawang huling pares ng paa. Ginagawa lamang ito sa loob ng 5 minuto. Ang punla ay nananatili sa ‘sperm sac’ hanggang sa muling pagluluno. Ang babaeng banagan ay naglalabas ng mga itlog upang i-‘fertilize’ ng punla. Ang mga itlog na ito ay dala-dala ng babaeng banagan nakakabit sa kaniyang ‘swimmerets’ hanggang sa mabuo ang mga ‘embryo’ at mamisa.
Ang banagan ay matatagpuan sa mabato at tagong lugar ng bahura (reefs) kung saan malalakas ang agos ng tubig. Ito ay karaniwang nahuhuli sa pamamagitan ng ‘lobster pot’ o bubo na pinapainan ng talangka o alimasag o kaya ay sa pamamagitan ng sibat kapag sumisisid. Sa panahong walang buwan, ito ay pinupulot lamang ng mga mangingisdang nagkakapandra (lokal na bersyon ng paninisid na kagat ang ‘hose’ na may hangin at konektado sa kompresor na nasa bangka. Gumagamit sila ng lente upang makuha ang atensyon ng banagan at mahuli ito. Ang banagan ay nabibili sa palengke at restawran sa mataas na presyo. Ang iba ay iniluluwas sa Amerika at Hapon na walang ulo. Ang ‘lobster farming’ ay hindi pa matagumpay sa Pilipinas subalit ginagawa na sa ibang bansa.
Paru-paro
Swallowtail Butterfly
Ang paru-parong ‘swallowtail’ ay may dalawang porma at nahahati sa dalawang grupo. Ang tinatawag na ‘Blue patched’ o ‘spring form’ na may kulay bughaw sa hulihang pakpak at ang ‘Green patched’ o ‘summer form’ na may kulay luntian o berde sa hulihang pakpak. Ang babaeng paru-paro ay may malalaking batik na pula at mas mahabang buntot kaysa sa lalaking paru-paro.
Ang paru-parong ito ay mula sa Pamilya ng Papilionidae at matatagpuan lamang sa Hilagang Luzon sa parteng Mountain Province. Ang Papilio chikae ang pinakamakulay at kinahuhumalingang paru-paro ng maraming kolektor at ‘hobbyist’. Ito ang itinuturing na pinakamahal na paru-paro sa Pilipinas. Bukod sa angkin nitong ganda, isa ito sa pinakamahirap hulihing paru-paro bagay na ikinatataas ng uri nito. Kalimitan itong matatagpuan sa mga gilid ng bangin at tuktok ng bundok ng Baguio City at Bontoc. Ang paru-parong ito ay maaaring alagaan at paramihin sa pamamagitan ng pagtatanim ng halamang pinagkukunan nito ng pagkain.
Ginagamit ang ‘butterfly net’ sa paghuli ng paru-paro. Ang nahuling paru-paro ay pinipisil ng bahagya sa katawan at inilalagay sa ‘paper triangle’ upang hindi masira ang pakpak. Kung ito naman ay i-didisplay ito ay inilalapat sa ‘mounting board’ sa pamamagitan ng paglalagay ng aspileng pang insekto at pinatutuyo ng humigit kumulang isang linggo. Pagkatapos ay maaari na itong ilagay sa kahon at lagyan ng pinulbos na PDB (paradichlorobenzene) o naptalina upang huwag sirain ng insekto.
Glory of the Sea
Glory of the Sea. Conus gloriamaris Chemnitz, 1777
Ang Glory of the Sea o Conus gloriamaris ay nagtataglay ng nakamamatay na lason. Mayroon itong kakaibang bahagi na tinatawag na ‘specialized radula system’ na ginagamit na panusok sa kaaway. Meron itong ngipin at panusok. Kapwa ‘mollusks’ din ang nais nitong kainin. Kailangan ang ibayong pag-iingat kapag hinawakan ang buhay na gloriamaris.
Ang sihe na ito ay matatagpuan sa buong Kanlurang Pacifico. Sa kasalukuyan, ang mga siheng ito ay matatagpuan lamang sa Pilipinas, Solomons at new Guinea. Sa Pilipinas, ito ay makikita sa Bohol, Cebu, Corregidor, at Negros sa malalalim na bahagi ng dagat.
Kung titingnan ang pambihira at sikat na siheng ito, masasabing ito ay pangit dahil sa mga marka nito sa palibot ng kanyang katawan. Kalimitan ay may basag at bitak pa ito. Naging tanyag lamang ito marahil dahil sa mga kakaibang kuwento tungkol dito.
Unang natukoy ang ganitong uri ng siheng noong taong 1977 at nakilala naman mula sa 2 dosenang ispesimen sa loob ng ilang daang taon kaya ito naging pambihira. Dagdag pa dito ang mga maling kwento at mataas nitong presyo na siyang nagpasikat dito. Noong taong1896, nagkaroon ng maling pahayag tungkol sa isang dakilang kolektor ng ‘cone shells’ na si Chris Hwars, isang Danish, na bumili ng isa nito noong taong 1792 sa isang ‘auction’ at agad itong binasag upang maging mas mahal ang nauna na nitong pag-aari na gloriamaris. Isa pang maling kwento ay ang pagkakatuklas ng 2 ispesimen sa Bohol, Pilipinas ni Hugh Cuming noong taong 1837. Ilang taon naman ang lumipas at may ulat na isang matinding lindol ang lumamon sa ‘living gonads’ ng bagong ‘extinct’ na siheng ito, bagay na nakapagpataas ng presyo nito. Nitong taong 1962, isang ispesimen ang naibenta sa halagang $2,000. Ngunit sa pag-gamit ng ‘scuba gear’ at sa pagkakatuklas ng ilang daang ispesimen sa British Solomon Islands nitong mga huling taon, ang reyna ng siheng ito ay naibaba sa estado na karaniwan (moderately common).
Dahil sa lalim ng pinagkukunan ng siheng ito, ang ‘dredge’, galadgad, at ‘tow-net’ ay ginagamit sa pagkolekta. Isang paraan din ng pagkolekta ay ang ‘SCUBA diving’.
Kabayo-kabayohan
Hedgehog Seahorse
Ang kabayo-kabayohan ay kakaibang isda na may ulo na kahawig ng sa kabayo at ang katawan ay makitid na may buntot sa dulo. Sa halip na kaliskis, ang katawan nito ay napapalibutan ng tinatawag na ‘rings of dermal body plates’. Ito ay may karaniwang laki na 5.3 hanggang 16 sentimetro.
Ito ay lumalangoy ng patayo (vertical) habang iginagalaw ang palikpik sa likod at tagiliran, isang paraan na kakaiba sa ibang isda. Ginagamit nito ang kaniyang buntot sa pagkapit sa isang bagay. Ito ay may kakayahang magpalit ng kulay na naaayon sa kaniyang kapaligiran, isang katangiang ginagamit sa pag-iwas sa kaaway at sa paghahanap ng pagkain. Dahil dito mahirap makita ang kabayo-kabayohan. Nakatira ang kabayo-kabayohan sa maputik o kaya ay sa mabuhanging ilalim ng dagat o di kaya ay sa bahura. Kalimitang kinakain nito ay mga maliliit na organismong nakalutang sa dagat, maliliit na anak ng isda at iba pang mga hayop-dagat na walang buto (invertebrates).
Isa pang kakaiba sa kabayo-kabayohan ay ang paraan ng panganganak. Ang lalaking kabayo-kabayohan ang siyang nanganganak sa pamamagitan ng ‘brood pouch’ o lalagyanan sa kanilang tiyan. Ang babaeng kabayo-kabayohan ay nangingitlog sa ‘pouch’ ng lalaking kabayo-kabayohan hanggang ang mga ito ay ma-‘fertilize’ at mabuo. Ibinabaluktot ng buntis na kabayo-kabayohan ang kanyang ‘pouch muscles’ hanggang lumabas ang mga batang kabayo-kabayohan.
Ang Hippocampos spinosissimus ay matatagpuan sa Sri lanka, Malaysia, Indonesia, Vietnam, Pilipinas (Cavite, Bohol), Taiwan, at Australia.
Ang ganitong uri ng kabayo-kabayohan ay ginagamit sa medisina. Ang tuyong kabayo-kabayohan ay kinakain ng mga Intsik bilang gamot na pampalakas. Inaalagaan rin ito sa akwaryum. Sa kasalukuyan ay bumubuo ng panukala (policy) para sa pangangalaga ng mga kabayo-kabayohan. Ang mga ahensyiang iminungkahi bilang miyembro ng Technical Working Group (TWG) para sa pangangalaga ng kabayo-kabayohan ay ang mga sumusunod: Project Seahorse (HARIBON), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), National Museum (NM), Silliman University (SU), Mindanao State University-Naawan (MSU-Naawan), Kabang Kalikasan ng Pilipinas (KKP), UP-Marine Science Institute, UP-Visayas, SEAFDEC at DENR-PAMB.
Paru-parong Isda
(Tagalog)
Butterflyfish
Ang mga paru-parong isda ay maliit ang ulo at mahaba ang bibig na may maliliit na ngipin. Ang malapad na hugis ng kanilang katawan ay nakakatulong sa kanilang mabilis na paggalaw. Ang palikpik sa gilid (pectoral and pelvic fins) naman ang nagkokontrol kapag nakahinto sa gitna ng tubig. Ang malapad na ‘dorsal fins’ at ‘anal fins’ naman ay nakakatulong sa pagbalanse sa mabilis na pag-ikot. Matitingkad ang kulay ng mga guhit at ‘ocelli’ – itim, dilaw, kulay kahel, at pula. Mas makulay ang mga lalaki kaysa sa babae.
Sila ay matatagpuan sa mga bahura at batuhan at gayundin sa tropikal at subtropikal na dagat ng East Coast Africa hanggang Tsina, Pilipinas, East Indies, at Australia. Makikitang lumalangoy at sumusuot sa mga koral habang naghahanap ng makakain. Dahil sa kanilang bilis madali nilang natatakasan ang ibang hayop na nangangain sa kanila. Kinakain nila ang mga maliliit na ‘crustaceans’ gaya ng hipon at talangka, mga bulati sa dagat, halamang dagat at iba pang maliliit na organismo. Nagpaparami sila sa mabababaw na dagat at nangingitlog sa malawak na karagatan.
Ang mga isdang ito ay karaniwang naaakit ng liwanag. Sa pamamagitan ng ‘dip net’, ang mga isdang ito ay mahuhuli sa pamamagitan ng pangingilaw sa karagatan sa mga gabing walang buwan. Ang mga isdang ito ay karaniwang inaalagaan sa mga akwaryum. Mahalaga rin ang mga ito bilang ‘pollution’ o ‘siltation indicator’. Ang pamamalagi nila sa dagat ay nangangahulugan ng malinis at malusog na bahura.
Palakang Palayan; Palakang Bukid
Brackishwater Frog
Ang mga palakang palayan ay may matabang katawan at maiikling binti. Ang nasa tamang gulang na palakang palayan ay may sukat na 46 hanggang 88 na milimetro mula dulo ng bibig hanggang dulo ng puwit. Ito ay may animo sobrang balat na pahaba sa likod. Patulis ang mga daliri at ang mga paa ay may ‘web’ tulad ng sa pato. Abuhin ang kulay nito o kaya’y kulay kape na may maiitim na marka. May isang pares ng maitim na batik sa gilid ng lalamunan at sa bandang ibaba ng katawan ay kulay puti.
Makikita ang palakang palayan sa palayan, lawa-lawaan, ‘ditches’ at ‘mangrove swamps’. Nakakaya nitong mabuhay sa tubig-alat at tabang. Ang kinakain nito ay mga insekto, maliliit na talangka, at iba pang mga hayop na walang buto (invertebrates). Nangingitlog ito sa tubig-tabang (ponds) tuwing Pebrero o Marso hanggang sa tag-ulan ng Septyembre.
Mahalaga ang mga palakang palayan sa ating kapaligiran. Hindi man kagandahan ang anyo, ang mga palakang palayan tulad ng ibang palaka ay nakakatulong sa pagkontrol ng pagdami ng populasyon ng mga insekto na kalimitang peste sa pananim at tao. Nagsisilbi rin itong pagkain ng ibang hayop sa bukid at pati na rin ng tao dahil sa masarap nitong laman na kalimitang mabibili sa palengke. Kalimitan itong makikita kung saan may tubig tulad ng kanal sa mga sakahan o damuhan sa paligid ng Maynila tulad ng Laguna, Cavite, Novaliches, Bulacan, at sa iba pang probinsiya. Makikita ito sa gabi sa pamamagitan ng pangingilaw gamit ang lente.
Pawikan
Green Turtle
Ang pawikan ay isang malaking pagong. Ang ‘carapace’ o matigas na balat sa likod nito ay may sukat na 90 hanggang 120 sentimetro ang haba. Ang bibig nito ay hindi baluktot at may tig-isang kuko sa bawat paa. Kulay ‘olive’ o ‘reddish brown’ na nahahaluan ng dilaw kapag ito ay buhay. Ang ‘flippers’ ay kulay itim na may halong ‘olive brown’ sa parteng itaas at dilaw sa bandang ibaba. Tinawag itong green turtle sa ingles dahil sa kulay berdeng taba sa katawan nito bunga ng halaman na kinakain nito.
Makikita ang pawikan sa karagatan ng buong Pilipinas at iba pang subtropikal na dagat. Naghuhukay ito sa buhangin kapag mangingitlog na at saka tinatabunan ang mga itlog. Ang mga itlog ay kusang napipisa at ang maliliit na pawikan ay isa-isang naglalakbay papunta sa dagat. Umaabot ng 100 ang itlog ng pawikan ngunit hindi lahat ay nabubuhay at umaabot sa gulang na sila ay mangingitlog na rin. Ang iba ay nakakain ng malalaking hayop habang naglalakbay sa dagat at ang iba naman ay kinakain habang itlog pa lang. Ang itlog ng pawikan ay masarap at sagana sa nutrisyon. Hindi lamang ibang hayop ang kumakain ng itlog ng pawikan, pati ang tao ay nangongolekta at kumakain nito.
Bagaman makikita sa buong kapuluan ng Pilipinas, ang pawikan ay pambihira dahilan sa pag-aabuso sa panghuhuli nito dahil sa malambot nitong karne at itlog. Ang iba ay pinapalamnan o ginagawang palamuti sa mga tindahan.
Noong taong 1980, itinatag ng dating Ministry of Natural Resources bilang Marine Turtle Sanctuaries ang Baguan, Turtle Island, Tawi-tawi; Bancauan, Mapun, Tawi-tawi; Halog, Tanobon, El Nido; Kota at Panata sa Palawan; at ang munisipalidad ng Caluya sa Antique. (Administrative Order Bilang 8 s. 1982, 34 s. 1982, at 518 s. 1984)
Sa kasalukuyan, ang Pawikan Conservation Project na itinatag ng PAWB-DENR noong 1998 upang maprotektahan ang itlog ng pawikan ang siyang kumokontrol sa pagkolekta ng itlog nito sa pamamagitan ng paglimita ng pagbibigay ng pahintulot at ang pamanahong pagkolekta ng itlog.
Buwaya
Philippine Crocodile
Ang Philippine crocodile ay medyo maliit sa sukat nitong umaabot sa 3 metro kumpara sa Crocodylus porosus. Ito ay kulay kape (dark brown) at puti ang tiyan. Meron itong itim na pahalang na guhit sa katawan at buntot. Mayroon itong anim na kakaibang kaliskis sa ibaba ng ulo. Ito ay may 22 hanggang 26 pahalang na kaliskis sa pagitan ng ‘pectoral collar’ at ‘cloaca’.
Naninirahan ito sa tubig-tabang tulad ng sapa at lawa. Ang pagkain nito ay pagong, ahas, palaka, insekto, at maliliit na mamal.
Ang buwaya ay maalaga sa kanilang mga anak. Tinatabunan ng buwaya ang kaniyang mga itlog ng mga halaman upang maprotektahan ito sa ibang hayop. Limang linggo pagkatapos ng pagtatalik, ang babaeng buwaya ay nangingitlog ng 30 hanggang 40 itlog.
Ang pambihirang ‘species’ na ito ay nanganganib na maubos. Matatagpuan ito sa mga isla ng Luzon, Mindoro, Masbate, Samar, Negros, Busuanga, Mindanao, at Jolo, Sulu. Nanganganib na maubos ang Philippine crocodile dahil sa patuloy na pagsira ng tirahan nito para sa kabuhayan ng tao at walang humpay na pagpatay sa mga ito dahil sa maganda nilang balat na ginagawang bag, sapatos, sinturon at iba pa. Dahilan dito, itinatag ang Crocodile Farming Institute (CFI) (na ngayon ay kilala sa tawag na Palawan Wildlife and Rescue Center) noong ika-20 ng Agosto 1987 sa Irawan, Puerto Princesa, Palawan upang mapigil ang mabilis na pagkaubos ng mga buwaya. Layunin ng CFI na pangalagaan ang dalawang uri ng buwaya sa Pilipinas na malapit ng maubos at makatulong sa kabuhayan ng mga mamamayan at sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagbuo ng isang teknolohiya sa malawakang pag-aalaga ng mga buwaya bilang isang uri ng pagkakakitaan. Sa CFI, ang pagpaparami ng buwaya ay ginagawa sa pamamagitan ng artipisyal na paraan. Ang lalaki at babaeng buwaya ay pinagpapares at binibigyan ng panahong maging pamilyar sa isa’t isa hanggang sa magbuntis. Pagkatapos ay kinokolekta ang itlog nito at inilalagay sa inkyubeytor upang mapisa. Ang alagang buwaya ay pinakakain ng karne at isda 2 beses sa isang linggo. Ang dami ng pagkain ay ayon sa haba at bigat ng buwaya. Sa ilalim rin ng programang ito, hinuhuli ang mga buwayang nakakapinsala sa buhay ng tao. Ang mga buwaya ay mahalaga sa takbo ng ating kalikasan at sa ekonomiya ng ating bansa dahil na rin sa mahal at matibay nilang balat at masarap na laman. Kailangan lamang ng pag-iingat kapag ang mga ito ay nakikita, at kung pababayaan lamang sila at hindi gagambalain ay hindi nila tayo sasaktan.
Agila ng Pilipinas
Philippine Eagle
Ang pambihirang agila na ito ang pinakamalaking agila sa Pilipinas. Ito ay may sukat na isang metro ang taas at ang lapad ng pakpak kapag nakabuka ay nasa 2 metro. Ang mga mata nito ay walong beses na mas malinaw kaysa mata ng tao. Maaari itong mabuhay mula 30 hanggang 60 taon.
Ang pambansang ibong ito ay matatagpuan lamang sa apat na isla ng Pilipinas: sa Luzon, Samar, Leyte, at Mindanao. Naninirahan ito sa kagubatan at gumagawa ng pugad sa sanga sa tuktok ng matataas na puno. Ang gubat na pinamumugaran nito ay umaabot sa 2,000 metro ang taas. Ang pagkain ng malaking ibon na ito ay pawang mga karne ng unggoy, ‘flying lemur’, iskwirel, ibon, ahas at paminsan-minsan ay paniki. Ang kulay ng balahibo nito ay nagsisilbing pangkubli upang hindi siya mapuna habang naghihintay ng hayop na kakainin niya.
Ang panahon ng pagpaparami (breeding season) ay naaayon sa rehiyon kung saan ito makikita. Sa Mindanao, ang pamumugad ay nagsisimula ng Septiyembre o Oktubre. Sa Luzon naman ay sa Disyembre at sa Samar ay Nobyembre. Ang paglilimlim ay umaabot ng 58 hanggang 60 araw. Ang ‘nestling period’ ay 4 hanggang 5 buwan. Ang batang agila ay umaasa sa magulang hanggang 17 buwan. Tuwing makalawang taon nangingitlog ang Pambansang agila at hanggang isang itlog lamang. Ang pugad nito ay gawa sa mga patpat at binubuo sa ibabaw ng sanga ng matataas na puno may 35 metro ang taas.
Sa kasalukuyan, ang agilang ito ay nabibilang sa pinakananganganib mawala na ‘species’ sa buong daigdig. Ang paghuli o pangangaso, at pagsira sa tirahan nito tulad ng pagtotroso at pagsunog sa kagubatan upang gawing lupang sakahan ang dahilan ng mabilis na pagkaubos ng pambansang ibon na ito. Upang mapangalagaan ang populasyon, ipinagbabawal ng Convention on International Trade of Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES) ang panghuhuli at pagbebenta nito. Bukod dito, isang ‘captive-breeding program’ ang itinatag sa ilalim ng pamamahala ng Philippine Eagle Foundation. Ang programang ito sa pamamagitan ng artipisyal na inseminasyon ay nakabuhay ng 10 ‘eaglets’ mula 1991.
Tandikan
Palawan Peacock-Pheasant
Ang lalaking tandikan ay kaiba sa babae. Meron itong makintab na kulay bughaw na palong. May 2 hanggang 3 tahid sa bawat paa. Ang mga palamuting kulay sa balahibo ay kalimitang makinang samantalang ang babae ay kulay kape lamang at walang tahid. Sa pagliligawan, ang mga lalaking tandikan ay nagsasayaw sa hawan na lugar at ang pinakamagaling magsayaw ang siyang papansinin ng babaeng tandikan.
Ang tandikan ay sa Palawan lamang matatagpuan. Mahirap makita ang ibon na to sa loob ng kagubatan dahil sa pagkamahiyain at maingat nito. Maingat at mabilis itong lumalayo kapag nakaramdam ng kaaway. Ang pagkain nito ay prutas, mga buto, insekto, at iba pang maliliit na hayop.
Ang tandikan ay isang ‘endangered species’. Nanganganib na maubos ang populasyon nito dahil sa pagsira sa kagubatan at ang panghuhuli ng tandikan upang ibenta sa mga tindahan ng mga inaalagaang hayop. Nakabilang rin ito sa Appendix I ng CITES kung saan ang pag-eeksport at pagbibenta ay mahigpit na ipinagbabawal, isang paraan upang mailigtas sa tuluyang pagkaubos ang magandang ibon na ito.
Baboy Damo
Palawan Bearded Pig
Ang baboy damo ng Palawan ay isang ‘subspecies’ ng Sus barbatus na makikita sa Malay Peninsula at Borneo. Ang kabuuang katawan nito ay kulay itim. Mayroon itong kulay dilaw sa magkabilang bahagi ng nguso. Ang ulo nito ay mahaba at payat at ang bahagi ng ilong ay pahaba. Mayroon itong magaspang na balbas sa madilaw na bahagi ng nguso.
Ang baboy damo ng Palawan ay karaniwang naglalagi sa primera at sekondaryang kagubatan at pati na rin sa parang. Kinakain nito ang mga nalaglag na bunga ng balete, ugat at halamang ugat tulad ng mais, gabi, kamote, ube, at kung minsan ay palay. Aktibo ito sa gabi ngunit makikita rin sa araw lalo na kapag malamig ang panahon. Umuungol ito na tulad ng sa karaniwang baboy kapag may kinakaing matigas na bahagi ng halaman. Ang babaeng baboy damo ay nanganganak ng 3 hanggang 11 biik. Karaniwan itong hinuhuli upang gawing pagkain o kaya ay pinapatay dahil sa paninira nila ng taniman na dating nasasakop ng kagubatabang kanilang tirahan. Isang ‘endemic’ na ‘species’, ang baboy damo ng Palawan ay kabilang sa listahan ng IUCN (World Conservation Union) bilang hayop na nanganganib maubos. Kabilang naman ito sa mga pambihirang hayop sa Philippine Red Data Book ng WCSP (Wildlife Conservation Society of the Philippines. Ang baboy damo ng Palawan ay pinangangambahang tuluyang mawala kapag ipinagpatuloy ang walang humpay na paghuli at pagpatay dito at pagsira sa kagubatan. Ang mabilis na pagkaubos ng lahat ng uri baboy damo ay isang indikasyon ng malubhang pagkasira ng ating kagubatan bunga ng pagtotroso at pagkakaingin, ang baboy damo ang karaniwang naiiwan kapag wala na ang ibang pang uri hayop.
Pilandok
Mouse-deer
Ang pilandok ay isa sa pinakamaliit na ‘hoofed animal’. Wala pang isang piye ang sukat nito kapag nakatayo. Bagamat may pagkakahawig sa usa, ang pilandok ay mas may relasyon sa baboy at kamel, sa baboy dahil sa hitsura ng paa nito at sa kamel naman dahil sa straktura ng bungo at ngipin nito.
Ang pilandok ang nag-iisang ‘species’ sa Pamilya ng Tragulidae na makikita sa Southern Indochina, Java at Borneo. Sa Pilipinas, ito ay matatagpuan lamang sa Balabac at iba pang maliliit na karatig isla tulad ng Ramos, Bangkalan at Bugsuk.
Sa gabi ito madalas na gumala at mangalap ng pagkain. Sa araw, ito ay nagtatago sa makakapal na sukalan subalit may pagkakataon ring lumalabas ito kapag araw. Prutas, damo, at iba pang halaman ang kinakain ng pilandok. Ang babaeng pilandok ay nagluluwal ng isa hanggang dalawang anak bawat pagbubuntis.
Bagamat karaniwan ito sa mga nabanggit na lugar ng Palawan, ang pilandok ay pinangangam-bahang maubos bunga ng walang patid na panghuhuli sa mga ito sa gubat. Ang ‘species’ na ito ay ibinilang sa kategorya na ‘vulnerable’ ngunit di maglalaong malipat ito sa kategorya ng ‘endangered species’ kapag ipinagpatuloy ang matinding pangangaso. Kasama ito sa Philippine Red Data List ng Wildlife Conservation Society.
Tamaraw o Timaraw
Tamaraw; Dwarf Water Buffalo
Ang tamaraw na tinatawag sa ingles na dwarf water buffalo ay may hawig sa kalabaw kaya lang ay mas maliit ito at ang sungay ay korteng titik “V” at mas maikli. Mas makapal ang kulay kape at itim na balahibo.
Ang tamaraw ang pinakamalaking mamal na katutubo dito sa Pilipinas at sa Mindoro lamang ito matatagpuan.
Tipikal na tirahan ng tamaraw ang damuhan na malapit sa gubat at may malapit na sapa o ilog na maiinuman at malulubluban. Kinakain nito ang iba’t ibang uri ng damo lalo na ang mga bagong tubo. Karaniwan itong makikitang nag-iisa maliban lamang kung panahon ng pagtatalik kung saan magkasama ang babae at lalaking tamaraw. Isa lamang ang iniaanak ng babaeng tamaraw tuwing makalawang taon. Sa gulang na 2 hanggang 4 na taon ay humihiwalay na ang mga batang tamaraw sa kanilang ina.
Agresibo at matapang, ang tamaraw ay may malakas na pang-amoy at nararamdaman nila ang kaaway kahit na isang milya ang layo nito.
Noong mga huling taon ng 1800’s ay karaniwan ng makikita ang tamaraw sa halos saang gubat sa isla ng Mindoro. Ngunit dahil sa pagtotroso, pangangaso, pagkalat ng epidemya na dala ng peste, pati na ang pagsulpot ng mga rancho at sakahan sa kagubatan ng Mindoro ay unti-unti nang nabawasan ang populasyon o bilang ng mga tamaraw.
Ngayon, isa ang tamaraw sa mga mamal sa buong mundo na pinangangambahang tuluyang mawala. Mula sa 10,000 na bilang noong mga taong 1900’s, ang populasyon ng tamaraw ay bumaba sa bilang na 200 hanggang 300 ulo na lamang. Upang mailigtas ang tamaraw sa tuluyan nitong pagkaubos, ang Tamaraw Conservation Program ay itinatag ng pamahalaan sa pakikiisa ng University of the Philippines sa Los Baños, Laguna, UPLB Foundation, Inc., at Lokal na Pamahalaan ng Occidental Mindoro. Layunin nitong makontrol ang mga naging sanhi ng mabilis na pag-unti ng populasyon ng tamaraw at mapataas sa tamang bilang ang populasyon nito. Layunin din ng programang ito na maprotektahan at buhayin ang natural na tirahan ng tamaraw sa Mindoro.
Malmag, Mamag (Mindanao); Mago (Samar); Magau (Leyte)
Philippine Tarsier
Ang Philippine tarsier na kalimitang pinagkakamalang maliit na unggoy ay ibang-iba sa unggoy. Bagamat parehong nagmula sa Order na Primate, ang tarsier ay mula sa Pamilya ng Tarsiidae samantalang ang unggoy naman ay mula sa Pamilya ng Cercopithecidae. Ang tarsier ay maliit at may malalaking mata na diretso ang tingin na animo’y nakatitig. Ang mga matang ito ay hindi naigagalaw kaya kinakailangan ng tarsier na iikot ang kaniyang ulo ng 180º upang makita ang bagay na nasa tagiliran. Mas aktibo sa gabi, ang mata ng tarsier ay sanay sa dilim, kaya’t sa gabi ay lumalaki ang ‘pupil’ ng mata nito na halos matakpan ang buong ‘iris’. Samantalang sa araw naman o kapag nasisinagan ng nakasisilaw na liwanag, ang ‘pupil’ ay lumiliit na halos isang maliit na guhit na lamang. Bukod sa kakaibang mata, ang tarsier ay may kakayahan ding iikot ang kaniyang ulo ng 360º, isang natatanging kakayahan na nagagamit nito sa paglilipat-lipat sa mga puno at paghahanap ng pagkain. Lubhang matalas ang pandinig ng tasier. Ang tenga nito ay nababaluktot at naigagalaw sa magkaibang direksiyon kapag natutuwa at naigagalaw papunta sa direksiyon na pinanggagalingan ng tunog. Ang mga braso at paa nito ay ginagamit sa pagkapit, pagtalon at paghawak. Mas mahaba ang binti kaysa sa braso nito. Ang mga daliri sa kamay at paa ay malapad na pabilog sa dulo. Mayroon itong mga kuko na malapad maliban sa pangalawa at pangatlong daliri sa paa na sa halip ay may matutulis na kuko. Pinaniniwalaang nakuha ang pangalang tarsier sa mahabang ‘tarsus’ nito na nakakatulong sa pagtalon. Ito ay may sukat na 15 hanggang 17 pulgada. Doble ang haba ng buntot kaysa sa katawan at walang balahibo maliban sa dulo na may ilang buhok na tumutubo.
Paborito nitong kainin ang mga buhay na insekto, maliliit na ‘vertebrates’ (tulad ng palaka, butiki at ibon) gagamba, bulati at ‘larva’ nito. Ang pagkamot, pagdila sa balahibo at pagkukuskos ng mukha sa sanga ay paraan upang mapanatili nitong malinis ang sarili. Ang tarsier ay nakikipagtalik lamang sa isa. Bandang Abril o Mayo ay panahon ng kanilang pagpaparami at sa panahong ito ay naglalabas sila ng kakaibang amoy na mahalaga sa kanilang pakikipagsalamuha at pakikipagtalik. Nag-uumpisa ang panliligaw kapag namamaga ang ari ng babaeng tarsier at nagbibigkas ng ng kakaibang tunog (vocalization) na sinasagot naman ng lalaki. Sa mga panahong ito ay inaamoy ng lalaking tarsier ang ari at ihi ng babae. Susunod na ang pagtatalik pagkatapos nito. Hanggang 6 na buwan ang pagbubuntis nito at nanganganak ng isa.
Kadalasang hinuhuli ng mga tao upang ibenta at gawing alaga, ang tarsier ay hindi nabubuhay ng matagal dahil nangangailangan ito ng mahalumigmig na kapaligiran. Nababalisa ito sa palagiang paghipo at panonood at namamatay ito sa matinding ‘psychological trauma’. Matatagpuan ang tarsier sa Mindanao, Bohol, Leyte at Samar. Ito ay ideneklarang ‘specially-protected species’ sa Pilipinas ng dating pangulo Fidel V. Ramos noong taong 1997.
