Anthropology
Archaeology
Arts
Botany
Geology
Zoology

 

National Museum Geological Collection

Panimula

Isa sa pangunahing layunin ng dibisyon ng Heolohiya ng Pambansang Museo ay magsagawa ngmasusi at sistematikong pag-aaral tungkol sa mga bato, mineral at fossil para sa pagpapalaganap ng kaalaman at pagtataguyod ng ikauunlad ng siyensiyang pangkalikasan. Ito ay naglalayon rin na magtatag at magpanatili ng sapat na koleksyon ng mga bato, mineral at fossil mula sa Pilipinas sa pamamagitan ng pangongolekta, pakikipagpalitan at donasyon.Ang mga bato ang pangunahing materyal na bumubuo sa mundo o sangkalupaan. Ang arkitektura ng ating planeta ay bunga ng pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng bato, ang posisyon at direksyong kanilang pinanigan at prosesong pinagdaanan nito. Isinasalarawan ng mga dalubhasa sa pag-aaral ng mundo na ang bato ay kombinasyon ng dalawa o maraming mineral. Ang mga halimbawa ng bato ay serpentinite, diorite, gabbro, schist at tektite.
Ang mga mineral ay natural na materyal na nabuo sa mundo. Sila ay hindi nabuo ng hayop, halaman o tao. Bukod-doon, ang mga mineral ay nagtataglay ng pisikal na katangian at binubuo ng mga sangkap na kemikal. Ang ore ay isang mineral o kombinasyon ng mga mineral na may kahalong gangue (mineral na walang importansya) na sa pananaw ng mga minero ay pwedeng pagkakitaan at sa pananaw naman ng mga metallurgist (dalubhasa sa mga metal) ay pwedeng isaayos at pagkakitaan. Ang mga halimbawa ng mineral ay luzonite, azurite, at marcasite.

Ang mga fossil ay labi o bakas ng mga organismo (hal. hayop at halaman). Sila ay natagpuang preserbado sa mga suson ng bato. Ang fossil ay pwedeng buo o parte ng organismo tulad ng kabibe o dahon o pwede rin namang bakas ng hayop. Ang bakas na fossil ay ang tanda na naiwan sa suson ng bato na nagpapahiwatig ng mga aktibidades ng organismo. Ang mga halimbawa ng fossil ay kahoy na naging bato, elepante, bagang ng rhinoceros at ammonite.

Ang mga mahahalagang bato, mineral at fossil ay matatagpuan sa mga outcrops, burol at bundok; sa mga guhong dalisdis at lambak; sa mga lugar ng konstruksyon; sa gilid ng daan; sa mga baybay ng sapa at ilog; at sa tambak ng mga bato sa mga minahan.

Dalawang importanteng bagay ang kailangang tandaan kapag nangongolekta ng mga bato, mineral at fossil, ang pag-iingat ng talaan ng mga ispesimens at paggamit ng wastong kagamitan sa pagkuha ng mga ispesimens. Ang mga wastong kagamitan ay binubuo ng martilyong pambato, pait na bakal, nagpapalaking salamin, kumpas, guwantes, salamin sa mata, plastik, permanenteng panulat, notbuk at librong pamatnubay. Ang tala ng mga nakolektang ispesimens ay binubuo ng pangalan, uri at eksaktong lugar na pinagkuhanan o pinanggalingan ng mga ispesimens at kung maaari ay maikling pagsasalarawan ng naturang lugar.

Ang pag-sasaayos, pag-oorganisa at pagtatago ng ispesimens ay isang masusing paraan at sistema. Pagkatapos kolektahin, ang ispesimen ay nililinis sa pamamagitan ng sepilyo o iskoba upang alisin ang nakadikit na lupa o dumi at pagkatapos ay ibinabanlawan ng tubig na galing sa gripo at pinatutuyo sa hangin. Kung ang koleksyon ay mga fossils, makabubuting isang taong sanay sa ganitong gawain ang magsagawa ng maingat na paglilinis at pagsasaayos o pagkukumpuni, kung kinakailangan. Ang mga nakolektang ispesimens ay isinasaayos sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng magkakatulad na pangalan at uri. Ang ispesimen ay minamarkahan sa pamamagitan ng paglalagay ng puting pinturang pambato sa isang sulok nito. Pagkatuyo, ang numero ayon sa sistema ng pag-aaccession ng museo ay isinusulat dito. Pinapahiran din ang numero ng barnis o pampakintab sa kuko para maiwasan ang pagniniklap. Matapos linisin, uriin at markahan, ang mga ispesimens ay inilalagay sa mga kahon na may hati at itinatago sa kabinet ayon sa kani-kanilang klasipikasyon.


Mga Bato

Gabbro
Matiko Creek, Sapang Maasin Quezon, Palawan. Bulacan, Antique, Iloilo, Aklan, Agusan del Norte, Marinduque, Zambales at Camarines Sur.

GabbroAng gabbro ay plutonic na katumbas ng volcanic na basalt. Ito ay isinasalarawan ng kanyang abo, itimang abo at itim na kulay na may bahid ng asul at berde. Ito ay may butil-butil na kayarian at magaspang na kristal. Ang ispesimeng ito ay may habang 9.8 sentimetro, lapad na 7.35 sentimetro at kapal na 3.3. sentimetro.

Ang gabbro (na malamang na nagmula sa wikang Latin na glaber na ang ibig sabihin ay makinis) ay kadalasang may susun-suson na struktura na nagpapakita ng salit-salitang suson ng putian at itimang kulay ng mga mineral. Ang bawat suson ay may kapal na ilang metro hanggang isa o dalawang sentimetro at naobserbahan na ang mga suson ay nakaayos tulad ng patung-patong na platito. Kung ang bato ay naapektuhan ng paggalaw ng mundo tulad ng pagkabaluktot at pagkahati, ang suson ay tatagilid ng matarik. Ang gabbro ay nabubuo bilang stock, sill at dike.

Ang igneous na batong ito na may Accession No. na NMR-2930 ay isa sa maraming bato na nagpapakita ng naiibang komposisyon ng mineral. Ito ay nakolekta sa Matiko Creek, Sapang Maasin Quezon, Palawan noong Nobyembre 4, 1997. Ang iba pang lugar sa Pilipinas kung saan makakakita ng gabbro ay Bulacan, Antique, Iloilo, Aklan, Agusan del Norte, Marinduque, Zambales at Camarines Sur.

Tektites
Cagayan Valley, Pangasinan, Rizal, Bicol, Iloilo at Agusan.

TektiteAng tektites ay may sukat na mula sa pinakamaliit na butil at ang pinakamalaki ay umaabot sa kilo-kilong bigat. Karamihan sa tektites ay kayumanggi ang kulay sa tumatagos na liwanag at itim naman kapag tinatamaan ng liwanag. Ang iba ay oliva ang pagkakayumanggi at ang iba naman ay nagpapakita ng iba’t ibang uri ng luntiang kulay. Karamihan sa mga ito ay may hugis globo at ang iba ay nagpapakita ng iba’t ibang hugis gaya ng palapad hanggang pabilog, bilohaba (hugis itlog), parang patak ng luha (teardrop) at dumbbell na kumakatawan sa iba’t ibang kondisyon ng kalaputan o kalagkitan noong ito ay mabuo. Ito ay babasaging kristal na posibleng nagmula sa kalawakan o bunga ng isang malakas na pagbabanggaan.

Ang tektites na nagmula sa Pilipinas ay tinatawag na rizalites. Ito ay tinatawag na ‘Tae ng Bituin’ sa lokal na lenggwahe. Ito rin ay nagpapakita ng iba’t ibang uri ng hugis at sukat. Sa panlabas na itsura, ang kulubot, uka, hukay at butas na anyo ay pangkaraniwan.

Humigit-kumulang, ang edad ng tektites sa Pilipinas ay nahahalintulad sa ibang uri ng tektites na nakuha sa Australian Strewn Tektite Field na umaabot ng halos 710, 000 taon. Sakop ng Austalian Strewn Field ang mga bansang Pilipinas, China, West of Madagascar at iba’t ibang panig ng Timog-silangang Asya.

Ang mga tektites ay matatagpuan halos sa lahat ng kapatagan at lambak sa buong Pilipinas. Ang mga lugar na kinakitaan ng napakaraming ganitong klaseng babasaging bagay ay ang parte ng Cagayan Valley, Pangasinan, Rizal, Bicol, Iloilo at Agusan.

Noong unang panahon, ginagamit ng mga unang tao ang bagay na ito bilang anting-anting o agimat at ang iba naman ay bilang isang kagamitan o adorno. Noong 1926, natagpuan ni Bayer ang itim na bagay na ito sa isang prehistoric iron age site na may edad na 200 B.C. Sa Cagayan Valley, ang mga ito ay natagpuan sa mga batong may edad na Pleystosin (isang milyong taon) kasama ng mga labi ng elepante, rhinoceros at mga kagamitang yari sa bato.

Sericite Schist
Paukan Creek, Mansalay, Mindoro Oriental. Camarines Norte at Palawan.

Sericite SchistAng sericite schist ay isinasalarawan ng kanyang nangingintab na abuhing ginintuang kulay. Ito ay nagtataglay ng katamtaman at magagaspang na mga butil at schistosity na lubos ang pagkadibelop. Pwede rin itong magkaroon ng maliliit na taluktok at ukit na nagtataglay ng halinhinang suson ng mica na sumusunod sa orihinal na bedding. Ang batong inilalarawan dito ay may habang 15.2 sentimetro, lapad na 8.65 sentimetro at kapal na 7.75 sentimetro.

Ang salitang ‘schist’ ay nangangahulugan ng isang matibay na pagkakapangkat sa pagkabuo ng bato (schistosity o foliation). Ang lantad na schistosity ng lahat ng mga schists ay bunga ng oryentasyon ng mineral.

Ang schist ay may iba’t ibang uri o klase. Kung ang pagbabatayan ay ang mga mineral, ang schist ay maaring magtaglay ng isa o maraming uri ng mineral. Isang halimbawa ng schist na may isang uri ng mineral ay ang sericite schist.

Ang pinaka-dominanteng mineral sa sericite schist ay ang napakapinong puting mica.

Ang taliptip ng mica ay pwedeng nakahubog ng paliko, nakalupi, nakalukot at sobrang crenulated.

Ang metamorphic na batong ito na mayroong Accession No. na NMR-007 ay nakolekta sa Paukan Creek, Mansalay, Mindoro Oriental noong Abril 18, 1948. Ang iba pang lugar sa Pilipinas kung saan ito matatagpuan ay Camarines Norte at Palawan.

Diorite
Bo. Tagbac, Antipolo, Rizal. Palawan, Bulacan, Cebu, Surigao del Norte, Rizal, Nueva Vizcaya, Zamboanga City, Bohol, Agusan del Norte, Marinduque at Camarines Norte.

DioriteAng diorite (nagmula sa wikang Griyego na diorizein, na ang ibig sabihin ay makita ang kaibahan) ay makikita sa batik batik na itim at puting kulay nito na kung minsan ay may bahid ng berde at rosas. Ang mga butil ay magagaspang at malalaki. Ang struktura ay equigranular at porphyritic. Kung minsan, ang diorite ay foliated dahil sa di ayos na pagkakahanay ng mga mineral. Ang igneous na batong ito may habang 18.2 sentimetro, lapad na 11.25 sentimetro at kapal na 10.35 sentimetro.

Ang diorite ay binubuo ng mineral na plagioclase. Ito ay maaring magkaroon ng isa o maraming ferromagnesian na mga mineral tulad ng biotite, hornblende at augite.

Ang diorite ang plutonic na katumbas ng volcanic na mineral na andesite. Ang batong ito ay masasabing hindi pangkaraniwan dahil ito ay bihirang mabuo bilang isang malaking bato. Ito ay nadedeposito bilang stock, boss at dike.

Sa Pilipinas, ang diorite ay isa sa mga importanteng bato na nagtataglay o pinagkikitahan ng ibang mahahalagang deposito ng ore tulad ng ginto, pilak at tanso. Ito ay nanggaling sa Bo. Tagbac, Antipolo, Rizal. Ito ay may Accession No. na NMR-1144 at nakuha ng Pambansang Museo sa pamamagitan ng isang donasyon mula sa MMIC-Antipolo Site. Ang iba pang lugar sa Pilipinas kung saan makakakita ng diorite ay Palawan, Bulacan, Cebu, Surigao del Norte, Rizal, Nueva Vizcaya, Zamboanga City, Bohol, Agusan del Norte, Marinduque at Camarines Norte.

Serpentinite
Panitian, Quezon, Palawan. Mindoro Oriental, Zambales, Samar, Rizal, Antique, Camarines Norte, Aklan, Bohol, Tarlac, Marinduque, Leyte, Agusan del Norte, Surigao del Norte at Cebu.

SerpentiniteLahat ng serpentinites ay malambot, malaki, mabigat, siksik at ang pagkakabuo ay pino. Ang igneous na batong ito ay may habang 10.6 sentimetro, lapad na 8.6 sentimetro at kapal na 7.1 sentimetro. Ito ay may berde hanggang berdehang dilaw na kulay at mayroong katamtamang dulas kapag hinipo. Ang berdeng kulay ng lahat ng serpentinites ay buhat sa tinataglay na iron ng mga orihinal na mineral, na tumitingkad habang dumadami. Ang mga talc carbonates ay karaniwang kasamahan ng serpentine.

Tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan, ang serpentinite ay binubuo halos ng mineral na serpentine. Ang plutonic na bato ng serpentinite ay walang katumbas na batong volcanic. Marahil dahil sa ang mga batong ito ay nagmula sa napakalalim na parte ng mundo at ang paggalaw nito ay hindi nakararating sa ibabaw tulad ng daloy ng lava, sila ay nadedeposito bilang stocks, dikes at lenses.

Ito ay may Accession No. na NMR-3010 at nakolekta sa Panitian, Quezon, Palawan noong Oktubre 22, 1999. Ang iba pang lugar sa Pilipinas kung saan makakakita ng serpentinite ay Mindoro Oriental, Zambales, Samar, Rizal, Antique, Camarines Norte, Aklan, Bohol, Tarlac, Marinduque, Leyte, Agusan del Norte, Surigao del Norte at Cebu. Ang serpentinite ay pwedeng hatiin at pakintabin para gawing pampalamuti o adorno.


Mga Mineral

Luzonite
Lepanto Mines sa Mankayan, Benguet.

LuzoniteIlan sa pagkakakilanlan ng Luzonite ay ang pagkakaroon ng itimang kulay at malametal na kinang nito. Ito ay may sukat na 97 milimetrong haba, 71 milimetrong lapad at 62 milimetrong kapal at may bigat na 467.6 gramo. Hinalaw ang pangalan nito sa isla ng Luzon kung saan ito unang natuklasan. Ito ay naiulat na matatagpuan lamang sa 2 minahan; sa Lepanto Mines sa Mankayan, Benguet at sa abandonadong Lobo Mines sa Batangas.

Ang Luzonite ay isa sa maituturing na ‘di pangkaraniwang ores ng tanso’ at napag-alaman na may kaugnayan sa isa pang uri ng ore ng tanso na tinatawag na enargite. Sa Lobo Mines, ang luzonite ay may kaug-nayan sa mga mineral na chalcocite (isa ring uri ng ore ng tanso) at tetrahedrite (ore ng tanso at pilak). Ito ay lumilitaw bilang isang balatok (vein type deposit) na nabuo sa lava na may basaltic hanggang andesitic na sangkap. Ito ay may kaugnayan sa aktibong bulkanismo sa panahon ng Late Miocene hanggang Early Pliocene ( halos 5 milyong taon na ang nakakaraan).

Ang ispesimen na ito ay nanggaling sa Lepanto Mines sa Mankayan, Benguet. Ito ay nakuha ng Pambansang Museo sa pamamagitan ng isang donasyon noong Setyembre 10, 1982 at nakatala bilang NMM-278. Sa kasalukuyan, ito ay nakatanghal sa hanay ng mga mineral sa eksibisyon ng Heolohiya.

Azurite
Sipalay, Negros Occidental. Zambales, Marinduque, Cebu, Negros Occidental, Negros Oriental, Nueva Vizcaya, Isabela at Mindoro.

AzuriteAng azurite ay makikilala sa tinding pagka-asul na kulay nito, kinang na parang sa baso at pagbubula sa hydrochloric acid. Ito ay madaling madurog at mayroong conchoidal na tipak. Ito ay may timbang na 3.7-3.8 at tigas na 3.5-4 sa Moh’s Scale of Hardness. Ang pangalang azurite ay tumutukoy sa kanyang kulay. Ang mineral na ito ay may habang 11.5 sentimetro, lapad na 10.3 sentimetro at kapal na 7.55 sentimetro.

Ang azurite ay ore ng tanso pero hindi karaniwan na carbonate ng tanso kung ikukumpara sa malachite, ang berdeng carbonate ng tanso, pero pareho sila ng pinagmulan at asosasyon.

Ang azurite, ang asul na carbonate ng tanso, ay may komposisyon na Cu(CO3)2(OH)2 kung saan ang 55.1 porsiyento ay binubuo ng tanso. Ito ay natagpuan na may asosasyon sa iba pang oxidized na tansong mineral sa pook ng weathering ng bato o deposito ng tanso.

Ang pangunahing gamit nito (bilang ore ng tanso) ay sa industriya ng elektrikal bilang daluyan ng koryente at mga kagamitang elektrikal. Ito rin ay madalas na ginagamit bilang panghalong sangkap sa mga metal. Ang asin ng tanso ay ginagamit sa iba’t ibang industriya bilang pamatay ng mikrobyo, at sa fungicide sa paggawa ng kemikal, pag-iimprenta, pagkukulay ng mga tela. Ang azurite ay pwede ring hatiin at pakintabin para gawing pandekorasyon.

Ang mineral na ito ay matatagpuan sa Zambales, Marinduque, Cebu, Negros Occidental, Negros Oriental, Nueva Vizcaya, Isabela at Mindoro. Ang ispesimen na ito ay nanggaling sa Sipalay, Negros Occidental. Ito ay nakuha ng Pambansang Museo sa pamamagitan ng isang donasyon mula sa Maricalum Mining Corp. noong Marso 18, 1996. Ito ay may Accession No. NMM-632.

Marcasite
Brgy. Narra, San Marcelino, Zambales.

marcasiteAng marcasite (FeS2) ay may kabit-kabit o tusuk-tusok na porma na may mga hiblang nagsasanga. Ito ay may kulay na maputlang tansong dilaw hanggang putian at nagpapakita ng kinang ng metal kapag itinapat sa ilaw. Ito ay may tigas na 6-6.5 sa Moh’s Scale of Hardness at timbang na 4.9. Ang mineral na marcasite ay may habang 14.45 sentimetro, lapad na 14.1 sentimetro at kapal na 7.8 sentimetro.

Ang marcasite ay isang iron sulphide na katulad ng pyrite, ang pinakamarami at kalat na sulphide mineral na matatagpuan kung saan makakakita ng deposito ng mga metal. Ito ay masasabing mas malambot kung ikukumpara sa pryrite dahil ito ay

madaling masira, bukod pa sa hindi ito karaniwan. Ito ay nabubuo sa mababang temperatura (mas mababa sa 450o sentigrado) na nanggaling sa asidong solusyon at matatagpuan sa mga mabababaw na deposito (madalas sa batong sedimentary tulad ng limestone, yeso at luwad) bilang isang kristal, concretions o kaya ay kapalit ng fossils.

Ang marcasite ay bahagyang pinagkukunan ng asupre. Pwede rin itong hatiin at pakintabin para gawing palamuti at dekorasyon.

Ang ispesimen ay nakolekta sa Brgy. Narra, San Marcelino, Zambales. Ito ay nakuha ng Pambansang Museo sa pamamagitan ng isang donasyon mula sa Benguet Corp.-DCO noong Disyembre 16, 1996 at mayroong Accession No. na NMM-714. Ang pangalang ‘marcasite’ ay galing sa wikang Arabo na ginamit noon para sa mineral na pyrite.


Mga Labi ng Buhay

Stegodon luzonensis
Solana, Cagayan at Rizal, Kalinga Apayao.

Stegodon luzonensisAng fossil ay isang molar o bagang ng Stegodon. Ang ispesimen ay kanang bahagi ng unang bagang na may pitong palupo. Ang hulihang palupo ay sinadyang putulin upang makita ang loob nito. Ito ay may haba na 16.74 sentimetro, may lapad na 6.63 sentimetro, may kapal na 8.51 sentimetro at may bigat na isang kilo.

Ang mga Stegodon ay kaanib sa pamilyang ‘Stegodontidae’ na angkan ng ‘Proboscidea’, kung saan ang pamilya ng mga elepante ay kaanib din. Ang katangiang panlabas ng mga ito ay ang pagkakaroon ng mahaba, nababaluktot at malaman na nguso (sobrang paghaba ng ilong). Ang mga Stegodon ay mas malaki ang bungo at may mababang tuktok ang ngipin kumpara sa kasalukuyang elepante.

Si G. Sylvio M. Lopez, isang dalubhasa ng mga ‘fossil’ sa Pambansang Museo ang nakakita nito. Ito ay natagpuan sa tining ng abong galing sa bulkan na may edad na gitnang Pleystosin na kung tawagin ay talampas ng Awidon. Ito ay natagpuan noong Agosto 1973 sa hangganan ng Solana, Cagayan at Rizal, Kalinga Apayao.

Elephas sp
Sitio Bitoguan, Brgy. Jelicuon, Cabatuan, Iloilo.

Elephas spAng hugis tatsulok na ispesimen ay isang bagang ng Elephas. Ang Elephas ay elepante na kaanib sa pamilyang ‘Elephantidae’. Ang ispesimen ay may labingtatlong suson na bumubuo ng isang kumpletong bagang. Ito ay may haba na 24.3 sentimetro, may lapad na 6.53 sentimetro at may kapal na 2.67 hangang 13.71 at may bigat na 1,800 na gramo.

Ang fossil na ito ay pinaniniwalaan na may edad na gitnang Pleystosin o 750,000 taon. Ito ay nakuha ni Dr. Felipe Landa Jocano sa isang mabatong dalisdis sa probinsiya ng Iloilo sa Sitio Bitoguan na sakop ng Barangay Jelicuon sa bayan ng Cabatuan. Ito ay natagpuan sa batuhan na kinabibilangan ng batong buhangin at batong graba. Tinatawag itong ‘Cabatuan Formation’ ng mga heolohista alinsunod sa pangalan ng bayan kung saan ito ay magandang nakahantad.

Ang pagkakatuklas ng fossil na elepante sa ating bansa ay napakahalaga dahil ito ang nagpapatunay na noong unang panahon ay nagkaroon ng tulay-lupa sa pagitan ng Pilipinas at mga karatig bansa. Ang tulay-lupa ang nagsilbing daan kung saan ang malalaking hayop na ito ay nakarating sa Pilipinas.

Petrified Wood
Bagong Bantay, Quezon City. Cagayan, Kalinga Apayao, Pangasinan, Bulacan, Bataan, Iloilo, Bohol, La Union, Rizal, Marinduque, Manila, Agusan del Norte, Negros Occidental, Legaspi City, Cavite, Semirara Island at Zambales.

Petrified woodAng kahoy na nagiging bato ay nabubuo kapag ang mga mineral na natunaw ng tubig sa ilalim ng lupa ay pinapalitan ang istruktura ng nabulok na kahoy ng mga nabaong puno. Ang sistema o paraan ng pagiging bato ng kahoy ay nangyayari ng paunti-unti. Ang natunaw na mineral ay unti-unting pumapasok sa matigas na bahagi ng puno. Sa paglipas ng panahon, ang selula ng kahoy ay napapalitan ng mineral. Ang fossil ay literal na nagiging bato. Kung ito ay nangyari ng paunti-unti, ang pinong bahagi ng mga himaymay ng puno ay napepreserba. Sa ibang kaso, ang detalye ay pinung-pino na kahit na ang kaanyuan ng selula ay napepreserba subalit ang kulay pa rin ng pumalit na mineral ang nakukuha. Ang ispesimeng ito ay may habang 34 sentimetro, lapad na 16.8 sentimetro at kapal na 7.2 sentimetro.

Hindi karaniwan sa isang organismo ang maging fossil. Kadalasan, kapag ang isang organismo ay namatay, ito ay kinakain o nabubulok. Ang mabilis na pagkakabaon sa suson ng sediment ang nakakapagpahinto ng pagkasira ng organismo.

Ang resulta ng pag-aaral ng mga dalubhasa sa fossil ay may malaki at importanteng papel sa pagsasaliksik botanikal. Ito ay nagsisilbing direktang ebidensya ng buhay noong unang panahon dahil ang mga kahoy na naging bato (preserbadong kahoy) na natagpuan sa alinmang suson ng bato ay kumakatawan sa ilang halaman na nabuhay noong panahong iyon.

Ang ispesimeng ito na may Accession No. na NMP-209 ay nakolekta sa Bagong Bantay, Quezon City noong Agosto 1973. Ang iba pang lugar sa Pilipinas kung saan pa makakakuha ng kahoy na naging bato ay sa Cagayan, Kalinga Apayao, Pangasinan, Bulacan, Bataan, Iloilo, Bohol, La Union, Rizal, Marinduque, Manila, Agusan del Norte, Negros Occidental, Legaspi City, Cavite, Semirara Island at Zambales. Ang kahoy na sobrang silicified ay pwedeng hatiin at pakintabin pero ito ay nangangailangan ng tanging kagamitan. Ang pinakintab na bahagi ng punong naging bato ay kadalasang ipinagbibili sa tindahan ng mga antigo.

Rhinoceros philippinensis
kuta ng Bonifacio.

Ammonites
sapa ng Tignoan, Mansalay, isang bayan sa isla ng Mindoro.timog ng look ng Mansalay malapit sa Colasi Pt. sa timog silangang Mindoro.

AmmoniteAng ammonite ay posil o labi ng talukap/balat ng nalipol na malaking pangkat ng moluska na kasamahan ng nabubuhay na Chambered Nautilus. Ang mga ito ay ilan lamang sa pangkat na natipon ng Pambansang Museo noong Abril 1948 sa sapa ng Tignoan, Mansalay, isang bayan sa isla ng Mindoro. Kasama ito bilang isa sa mga pinakamatandang batong may posil sa kapuluan ng Pilipinas. Nasasaklaw nito ayon sa nakuha ng resulta mula sa labas at loob ng laboratoryo, ang kalagitnaang panahong Jurassic na 160-175 milyong taon nang nakaraan.

Ang unang palatandaan ng panahon ng mesozoic sa Pilipinas ay ang pagkakatuklas sa ammonites ni Ginoong Hollister ng National Development Company Petroleum Survey, noong 1940, mula sa lantad na timog ng look ng Mansalay malapit sa Colasi Pt. sa timog silangang Mindoro. Tinawag itong Mansalay formation mula sa isang distrito ng Mansalay kung saan ito natagpuan.

Ang ammonite ay isa sa pinaka-mahalaga at kapaki-pakinabang na posil hindi lamang dahil ito ang palatandaang posil (index fossil) na kilala sa Pilipinas ngunit ito ay magagamit din upang liwanagin ang lumipas na kaugnayan heograpiko ng Pilipinas sa ibang lugar. Bahagi man ng lupang Asya o hindi ang Pilipinas, malinaw na ipinakikita na bahagi ng Kapuluan ay walang alinlangang nasa ilalim ng dagat (Dagat Pasipiko) sa panahon nang pagbubuo nito.

Ang paglitaw ng posil Jurassic sa paligid ng Mansalay, Oriental Mindoro ay naiulat ng iba’t ibang may-akda tulad nina Hayasaka, 1943; De Villa, 1944; Rivera, 1954; Kobayashi, 1957; Teves, 1957; at Sato, 1961.