Philippine National Herbarium Collection
Mga Lumot
Ang dagat at pampang ang tinutubuan ng mga lumot-dagat. Dito, ang pula at kayumangging lumot ang nakararaming ‘photosynthetic organism’ samantalang ang berdeng lumot naman ang gumagawa nito sa tabang na tubig. Lahat sila ay matatagpuan sa tubig-tabang at sa dagat. Ang ibang berdeng lumot ay matatagpuan din sa lupa. Pinaniniwalaang ay ang berdeng lumot ang simula ng mga halaman sa lupa sapagka’t sila’y nagtataglay ng parehong katangian tulad ng ‘chlorophyll a’ at ‘b’ at ‘starch’ ang kanilang reserbang pagkain. Iba’t ibang uri ng pag-ikot ng buhay (life cycle) ang makikita sa iba’-ibang miyembro ng mga grupo ng lumot. Ang kanilang katawan na tinatawag na ‘thallus’ ay walang tunay na ugat, puno at dahon.
Ang lumot ang mahalagang pinagkukunan ng pagkain sa maraming bahagi ng mundo (halimbawa’y ‘kelps’, ‘sea lettuce’). Nagbibigay din sila ng ‘salts’, bitamina at mineral. Ang ‘kelps’ ang pinanggagalingan ng ‘alginates’ na ginagamit na pampalapot at ‘stabilizer’ ng pagkain, damit, pampaganda, papel at mga gamot. Ginagamit din silang pampataba ng lupa at sa paggawa ng ‘agar’. Ang ‘agar’ na siyang ginagamit sa paggawa ng mga kapsula ng gamot at bitamina, base ng mga pampaganda, materyal para sa paggawa ng ngipin at ‘culture medium’ para sa bakteria, ay maaaring ang pinakamahalagang gamit ng lumot.
Sargassum cristaefolium
Ang katawan ay madilaw na kayumanggi, mga 30-50 cm ang taas, tumutubo mula sa maliit na ‘discoid holdfast’ at lumalago sa ‘subtidal’ na batuhan. Ang kanyang puno ay ‘cylindrical’, maikli, 2-3 mm ang haba at 2 mm ang diametro na nagkakaroon ng ilang sanga na makinis, ‘cylindrical’ at napisa nang bahagya. Ang susunod na mga sanga ay salitan ang tubo, maraming sanga at dahon, ‘vesicles’ at ‘receptacles’. Ang dahon ay pahaba (oblong-elliptic) o korteng binaligtad na itlog (obovate), nakatuping parang libro (conduplicate) sa dulo, may matalas na ngipin sa gilid, hugis kalso ang puno at nawawala ang ‘midrib’ sa bandang ibaba. Ang ‘vesicles’ ay pabilog o ‘obovate’, may mga pakpak na korteng tainga sa gilid at may maikling tangkay. Ang ‘receptacles’ ay ‘cylindrical’, nagsasanga ng dalawa, may ngipin na parang kulugo, 4-5mm ang haba, 1 mm ang diametro at pabilog ang mga kumpol.
Ang ‘species’ na ito ay matatagpuan sa mga dalampasigan sa buong Pilipinas. Ito ay pinanggagalingan ng ‘alginic acid’ na ginagamit sa industriya ng gamot at sa pampataba ng lupa at kilala sa pangalang ALGA-FER.
CRYPTONEMIACEAE
Halymenia durvelliaei Bory de Saint-Vincent
Ang katawan ay malapad, hanggang 17 m ang haba at nakakapit sa pamamagitan ng ‘discoid holdfast’. Ang unang pagsasanga ay parang galamay, ang pangalawa ay salit-salitan at paliit nang paliit hanggang sa dulo. Matingkad na pula ang kulay nito at parang gulaman (mucilaginous) ang hipo.
Ang species na ito ay tumutubo sa mga batuhan sa ‘subtidal’ na lugar. Ito ay pinagkukunan ng ‘carrageenan’ o gulaman at ginagamit ding pangkulay ng pagkain.
RHODOMELACEAE
Acanthopora spicifera (Vahl) Boergesen
Ang katawan ay makatas, kumakalat, hanggang 15 cm ang taas, maluwag ang pagsasanga, may maliit na ‘discoid holdfast’; ang sanga ay natatakpan ng makapal na paikot na maliliit na mga sanga na may maikling tinik, isang katangian ng species na ito. Ang makunat (cartilaginous) na katawan na mapusyaw hanggang matingkad na kayumanggi kapag nasikatan ng araw ay nagiging dilaw o rosas sa madilim na lugar. Ito’y tumutubo sa iba’t ibang kondisyon mula sa maputik hanggang sa mabuhangin at mabatong lugar sa bahaging lumulubog sa tubig kapag ‘high tide’.
Ito ang natatanging pinagkukunan ng pinakamahalagang carrageenan, ang LAMBDA.
Mga Pako at Kahalintulad Nito
Ang mga pako, tulad ng mga halamang may buto, ay mayroon ding sistema ng daluyan ng tubig at pagkain. Ang pagkakaiba nga lamang ay ang pagkakaroon ng pako ng ‘spores’ na siyang nagsisilbing paraan ng kanilang pagpaparami. Ang mga pako ay mayroong malinaw na salitan ng pagbabagong-anyo sa kanilang buhay, ang ‘sporophyte’ o ang nagtataglay ng spore at ang ‘gametophyte’, ang nagtataglay ng mga ‘gametes’. Ang ‘sporophyte’ ay malalaki at ito ang mga halamang nakikita natin sa gubat. Ang ‘gametophyte’ ay napakaliit, kung minsa’y makikita lamang sa ilalim ng mikroskopyo at ito ang pinanggagalingan ng babae o lalaking ‘gamete’.
Isa sa pinakamahalagang pako na pangkabuhayan ay ang Azolla, isang ‘species’ na kumukuha ng oxygen sa hangin at tumutubo sa mga palayan ng Asya. Ang iba pang ‘species’ ay ginagamit na palamuti, materyal para sa mga yaring kamay o kaya’y kinakain.
Tinatayang mayroong 10,000 ‘species’ ng mga pako sa buong mundo at 1,199 ‘species’ ang matatagpuan sa Pilipinas. Sa mga ito, halos 30% ay dito lamang makikita.
79 ‘species’ naman o 26% ng mga ‘species’ na dito lang makikita ay nakilala lamang mula sa isang koleksyon at hindi na muling natagpuan. Sa nababawasang yaman ng ating kagubatan na tinitirahan ng mga halamang ito, hindi katakataka na ang mga halamang ito na mayroon lamang nag-iisang koleksyon ay tuluyan nang nawala.
Nitò (Luzon at Visayas); Didit (Batanes); Naúli (Mindanao)
Ang puno nito ay baging na lumalago sa mga masukal na lugar at ang dahon ay parang galamay o kaya ay ‘pinnate’, na ang pinakadulo ay hiwa-hiwa. Ang mga ‘fertile’ na dahon ay mas makitid kaysa sa mga ‘sterile’ at ang mga ‘spikes’ ay 1.0 to 10 mm ang haba.
Ang Lygodium ay isa sa pinakamatandang ‘genera’ ng pako at ito’y nag-umpisa pa noong Mesozoic Era, halos 225 milyong taon na ang nakararaan.
Ang tatlong pinakamalaganap na species ng Lygodium ay ang L. japonicum (Thunb.) Sw., L. flexuosum Sw. at L. circinnatum (Burm.) Sw na napakahalagang materyales para sa mga yaring kamay ng Pilipinas. Batay sa species at edad ng halaman pag ito’y kinolekta, ang matibay na baging nito ay may iba’t ibang kulay, mula sa kulay-dayami hanggang sa matingkad na itim at ito ay kaakit-akit na pantali sa mga kasangkapang yari sa ratan o kawayan. Ang mga basket, sombrero, pitaka, sinturon at iba pang maliliit na bagay na yari sa nito o kakombinasyon ng iba pang materyal gaya ng ratan at dayami ay papular sa mga turista. Ang iba’t-ibang katutubo at mga tao sa Palawan ay gumagamit din ng nito upang; pantali ng baboy damo, kaluban ng itak (bangkurong) at sa paggawa ng sinturon (ambalad) at pulseras (bingkis). Ang nito ay ginagamit ding panggamot. Sa Ifugao, halimbawa, ang maliit na bola ng dahon at baging ay kinakagat upang ipanggamot sa sakit ng ngipin; at sa Zamboanga naman, ang mga ugat ay inilalaga at iniinom upang hindi tumalab ang lason ng kagat ng ahas. Sa Tsina, ang halaman ay ginagamit na pampadura at sa Dutch Indies, ang ugat at dahon ay itinatapal para sa mga sakit sa balat tulad ng buni. Ito ay gamot din ng mga nanganganak.
Sa 25 ‘species’ ng Lygodium sa buong mundo, pito ang matatagpuan sa Pilipinas, sa mga lantad na lugar at sa loob ng kagubatang mababa at katamtaman ang taas. Walang species ang dito lamang matatagpuan sa Pilipinas subali’t sila’y kalat sa buong bansa.
Selaginella tamariscina Pakong-tulog (Tagalog)
Gayang ipakahulugan ng pangalan nito, ang ‘species’ na ito ay kadalasang tuyong tingnan at ang ‘microphylls’ ay nakabaluktot paitaas. Ito ay muling nanariwa kapag ibinalik sa tubig. Ang halamang ito ay maliit at ang mga dahan ay nakatungkos at tuwid. Ang karaniwang tawag dito ay pakong-tulog.
Ang erbaryo ang lagayan ng mga koleksyon ng mga halaman mula sa bansa at sa ibang bayan bilang kapalit o bigay na ispesimen na galing sa ibang erbaryo. Isa sa pinakamahalagang ispesimen sa koleksyong botaniko sa PNH ay ang koleksyon ni Maximo Ramos (Ramos 13602, PNH52334) ng Selaginella tamariscina (Beauv.) Spring. Ang koleksyong ito ang isa sa pinakamatanda kung hindi man pinakamatandang koleksyon ng isang Pilipinong kolektor na nasa PNH ngayon. Kinolekta ito ni Ramos sa Rizal, Luzon noong Agosto, 1911. Bagama’t nagsimula bilang kolektor ng mga halaman sa erbaryo ng Bureau of Science noon pa mang 1904, karamihan sa kanyang mga koleksyon ay ginawang kasama ng mga banyagang kolektor kung kaya’t sila ang mga kinilalang kolektor sa mga tatak ng erbaryo. Halimbawa, siya’y kasama sa ekspedisyon sa Lamao Forest Reserve sa Bataan noong 1904 at ang nakalagay lamang sa tatak ng erbaryo ay ‘kolektor ni Ahern’. Kaya’t ang koleksyon ng Selaginella cupressina (Willd.) Spring sa Rizal noong 1905 ng kolektor ni Ahern 2689 (PNH63719) ang maaaring pinakamatandang koleksyon ng pako ni Ramos sa PNH!
Sa pagkasunog ng erbaryo ng Bureau of Science noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig, karamihan sa mga koleksyon sa Pilipinas noong bago magkadigma ay natupok. Sa kabutihang-palad, ang mga kaparis (duplicates) na ispesimen na naipadala sa iba’t ibang erbaryo sa buong mundo dahil sa masigasig na programa ng pagpapalitan ng mga erbaryo noong panahon ng mga Amerikano ay ibinalik sa Pilipinas. Sa ngayon, ang pinakamatandang ispesimen ng pako na nakolekta sa Pilipinas sa PNH ngayon ay ang koleksyon ni Merrill at Topping noong 1904 kahit na may mga ispesimen pa rin tayo ng pako na nakolekta noong mga 1800 sa Borneo at mga kalapit bansa.
Ang gamot na galing sa Selaginella tamariscina (Beauv.) Spring ay ginagamit sa ubo, sakit sa tumbong at mga sakit ng matatanda. Sapagka’t ang halaman ay parang hind namamatay, ito ay pinaniniwalaang nagpapahaba ng buhay. Sa Tsina, ito’y ginagamit sa panggagamot ng ‘amenorrhea’ at pagdudugo sa dumi.
Mga Halaman May Buto
Ang mga halamang may buto ay nahahati sa dalawang grupo, ang ‘gymnosperms’ (‘pines’, ȁycads’, ‘ginkgo’, ‘yew’, ‘alder’) at angiosperms o mga halamang namumulaklak (saging, damo, mangga, orkidyas). Karamihan sa mga ‘gymnosperms’ ay matatagpuan sa malalamig na lugar samantalang ang mga halamang namumulaklak ay matatagpuan sa halos lahat nang lugar. Ang mga ‘angiosperms’ ay may bulaklak at may butong nasa loob ng bunga. Ang pagkakaroon ng bunga ng mga ‘angiosperms’ ang dahilan ng kanilang malawakang pagkalat kung ihahambing sa ibang grupo ng halaman. Ang pagkalat ng mga bunga ay nagagawa sa pamamagitan ng hangin, hayop at tubig. Ang pagpapabunga naman ay nagaganap sa pamamagitan ng paglipad ng ‘pollen’ mula sa ‘anther’ at ang pagdapo nito sa ‘stigma’ ng bulaklak. Ang mga tumutulong sa pagpapabunga ay hangin, tubig, mga insekto at iba pang hayop.
Ang mga halamang may buto ang pinakamahalagang halamang pangkabuhayan. Sila ang pinagkukunan ng pagkain (bigas, mais, prutas, gulay) at mga gamot. Binabawasan nila ang polusyon sa hangin sa pamamagitan ng pagbabago nito upang maging ‘oxygen’ at tubig.
Tinatayang may 235,000 ‘species’ ng mga halamang namumulaklak ang nailarawan at napangalanan na sa ngayon. Mga 8,000 ‘species’ naman ang matatagpuan sa Pilipinas.
Vanda ssanderiana
Waling-Waling
Ito ay sa Pilipinas lamang matatagpuan, sa mga mababang lugar ng Mt. Apo at Cotabato sa Mindanao, tumutubo sa mga sanga ng kahoy lalo na sa mga ‘dipterocarp’ na may 30 m o higit pa ang taas.
Ito ay kinikilalang pinakamagandang orkidya sa Pilipinas at hinahangad sa mga lokal at dayuhang pamilihan. Dahil sa labis na pangongolekta, ito ay pinaniniwalang wala na sa kanyang likas na tinutubuan bagkus ito ay pinararami ng mga nag-aalaga ng halaman. May balak na gawing pambansang bulaklak ng Pilipinas ang waling-waling.
Rafflesia speciosa
Uruy; Kalo Posong (Posong’s hat)
Ito ay isang ‘parasite’ sa Tetrastigma, mga halamang-baging na kahoy (woody vine) na kasama sa pamilya Vitaceae. Ang Rafflesia ay isang ‘genus’ na may 13 ‘species’ at ito ay matatagpuan sa Southeast Asia. Malalaki ang mga bulaklak nito at ang pinakamalaki ay ang R. arnoldii, matatagpuan sa Borneo at Sumatra at may diametro na halos isang metro. Ang bulaklak ng Rafflesia ay kulay mamula-mulang-kayumanggi, may 5 parang talulot (perigones) na may iba-ibang disenyo ng puting kulugo. Ang isang katangian ng Rafflesia ay ang amoy nito kapag namumulaklak na kahalintulad sa nabubulok na karne at nakaaakit sa mga langaw na siyang nagsisilbing katulong sa pagpapabunga. Ang bulaklak ng Rafflesia ay maaaring babae o lalaki lamang. Ito ang pinakamalaking bulaklak sa bansa.
Ang pagkatuklas kamakailan lamang sa Rafflesia sa Panay ay nakatawag ng pansin sa mga pahayagan, radyo at telebisyon dahil sa ganda nito at kakaibang katangian. Ito’y unang nakita sa mababa at katamtamang taas ng mga bundok ng Panay ng isang grupo na nangangalaga ng kalikasan at umaakyat ng bundok, ang ‘Antique Outdoors (TAO)’ at ipinaalam ito sa isang botaniko sa Pambansang Museo. Ang kasalukuyang pinagtutubuan nito sa Panay ay sa mga bangin na bahagi ng dating kagubatan at napapaligiran ng mga kagubatang kinaingin na.
Itong bagong ‘species’ ng Rafflesia ay inilarawan at pinangalanan ni Dr. Julie F. Barcelona, isang botaniko sa Pambansang Museo sa tulong ng isang kasamahan sa Pamantasan ng Pilipinas sa Los Baños. Ito ang ikatlong ‘species’ ng Rafflesia sa Pilipinas at at ang lahat nang ‘species’ na ito ay dito lamang matatagpuan sa Pilipinas. Ang isang ‘species’, ang R. manillana, ay unang natuklasan sa Mt. Makiling sa Laguna at inilarawan noong 1841. Ito’y naiulat ding natagpuan sa Samar, Leyte at Mt. Isarog sa Bicol. Ang pangalawa, ang R. schadenbergiana ay kilala lamang mula sa ‘type specimen’ at ito’y nakolekta sa Mt. Apo sa Davao noong 1882 at inilarawan noong 1885. Mula noon ay wala nang ibang nakolektang ispesimen kahit na may mga ulat din mula sa kalapit na Mt. Matutum.
Phoenix loureiroi
Voyavoy (Ivatan)
Maliit, nag-iisa at tuwid na palmera, 2 m ang taas. Ang puno ay 15 cm ang diametro at may mga labi ng pinagtubuan ng dahon. Ang dahon ay nasa dulo, siksik at umaarko, at may mahahabang tinik sa gilid ng tangkay. Ang ‘leaflets’ ay matigas, tuwid, 30 cm ang haba, berde at matulis ang dulo. Ang kumpol ng bulaklak ay hanggang 30 cm ang haba at ang mga bulaklak ay maliliit at kulay gatas. Ang bunga ay mabilog, 1 cm ang diametro, at kulay pula kung hinog.
Ito ay sa Batanes Islands lamang matatagpuan at ito’y tumutubo sa mga sukal at lantad na damuhan. Itinatanim din ito sa mga hardin at pinaparami sa pamamagitan ng buto.
Ang dahon nito ay ginagamit ng mga Ivatan sa paggawa ng pantakip sa ulo (vacul) at kapote. Ginagawa rin itong basket at iba pang yaring-kamay. Dahil sa labis na pangongolekta at madalas na sunog sa damuhan, ang halamang ito ay nanganganib na tuluyang mawala.
Senna alata
Akapulko
Ito ay isang palumpong (shrub), nagsasanga at tumataas ng 3 m o higit pa. Ang dahon ay ‘pinnate’ at 60 cm ang haba. Ang ‘leaflets’ ay 16-28, bilugang pahaba, 5-15 cm ang haba at may maikling tulis sa dulo. Ang kumpol ng bulaklak ay may habang 50 cm. Ang bulaklak ay dilaw, 4 cm ang diametro at nasa puno ng mga parang dahong 2.5-3 cm ang haba. Ang bunga ay tuwid, matingkad na kayumanggi o itim kung hinog at 15 x 15 cm ang lapad. Ang mga bunga ay may pakpak sa dalawang tabi at nagtataglay ng 50-60 buto.Ito ay matatagpuan sa lahat ng dako ng Pilipinas na nagalaw na (disturbed areas), sa mababa at katamtamang taas na lugar. Ito ay tumutubo sa mga lugar tropiko at nagmula sa tropikong Amerika at ito ay ginagamit bilang palamuti o halamang-gamot.
Ang akapulko ay isa sa mahalagang halamang-gamot ng Pilipinas. Ito’y ginagamit sa paggamot ng mga kagat na may lason at mga sugat. Ang dahon ay ginagamit na pampurga at gamot sa buni at iba pang sakit sa balat. Ang pinaglagaan ng dahon at bulaklak ay ginagamit sa brongkitis, asma at sugat sa bibig. Ang buto ay ginagamit ding pampaalis ng bulate. Kabilang sa mahalagang sangkap ng alkapulko ay ‘chrysophamic acid’ at ‘tannin’ na nasa dahon at ‘oxymethyl anthraquinone’ sa bunga.
Mimosa pudica
Makahiya
Ito ay matatagpuan sa buong Pilipinas sa lantad at tiwangwang na lupa, sa mababa at katamtamang taas. Ito ay nagbuhat sa Timog Amerika at naging damo ng tropiko.
Ang buong halaman ay may ‘hydrocyanic acid’ samantalang ang dahon at katawan ay nagtataglay ng ‘mimosides’ at ‘memosides’: (glycosides), ‘resins’, ‘saponins’ at ‘tannins’. Ang ugat ay pampaihi at ginagamit laban sa dysenterya, dysmenorya, asma at iba pang sakit. Ang dahon ay ginagamit laban sa pagtatae at dysenterya, pamamaga at sakit ng mga balakang at pantog.
Mga Halamang Nagiging Sanhi ng Allergy
Sa mga halamang nabubuhay sa paligid natin, mahalagang makilala ang mga halamang may mga ‘pollen’ na nadadala ng hangin. Pag sila ay nagsasabog ng ‘pollen’, ang mga ito ay kumakalat sa himpapawid at nagdudulot ng paghihirap sa mga may sakit na ‘allergy’. Ang mga ito ay nagkakaroon ng ‘asthma’, ‘rhinitis’, ‘alveolitis’, ‘conjunctivitis’ at ‘dermatitis’.
Ang halimbawa ng ilang halaman na nagdudulot ng ‘allergy’ ay ang mga uray (Amaranthus spinosus L.), ‘tridax’ (Tridax procumbens L.) at buntot-pusa [Pennisetum polystachyon (L.) Schult].
Sa mga halamang nagtataglay ng ‘cones’, ang ‘pollen grains’ nito ay nabubuo sa ‘sporangia’ ng mga ‘cones’ na lalaki. Sa mga halamang namumulaklak naman, ang ‘pollen grains’ ay nasa ‘anther’. Karamihan sa mga bulaklak na mayroong ‘pollen’ na nadadala ng hangin ay may mahahaba at umiindayog na ‘anther’ upang sila’y makagalaw nang husto sa hangin.
Ang anyo ng mga ‘pollen grains’ ay mailalarawan upang makilala ang mga ito. Halimbawa, ang ‘pollen grains’ ng ‘foxtail’ (Pennisetum polystachyon (L.) Schult) ay ‘monoporate’. Ang balat nito ay mukhang makinis sa ilalim ng light microscope’ pero kung titingnan sa ilalim ng ‘scanning electron microscope’, ito ay nahahati sa mga ‘frustillae’. Ang ‘pollen grain’ ng makahiya (Mimosa pudica L. ) ay isang ‘tetrad’ at ang balat ng bawat butil ay ‘areolate’. Ang ‘pollen grain’ ng uray (Amarabthus spinosus L.) ay maraming butas sa balat.
Sa kabutihang-palad, ang mga ‘pollen grains’ na nagdudulot ng ‘respiratory allergy’ ang siya ring ginagamit sa pagsusuri ng balat (diagnosis) at paggagamot (immunotherapy) nito. Dalisay, malinis at tuyong ‘pollen’ ang kailangan ng industriya ng gamot. Sa pamamagitan ng isang proyektong pananaliksik na sinusuportahan nang National Research Council of the Philippines, ang mga halamang nagdudulot ng ‘allergy’ ay maaring alagaan upang makagawa ng mga produktong galing sa ‘pollen’. Ito’y makatutulong upang madagdagan ang kinikita nating dolyar kung ang sarili nating mga ‘pollen’ ay ikokomersiyo dito.
AMARANTHACEAE
Amaranthus spinosus L.
Isang tuwid na ‘shrub’ na maraming matulis na tinik sa mga sanga at sa mga kumpol ng bulaklak. Ang mga dahon ay may mahahabang tangkay, korteng ‘ovate–lanceolate’, matulis ang dulo, alun-alon ang gilid. Ang mga bulaklak ay nakakumpol, ‘axillary’ o ‘terminal panicles’, ang bawa’t ‘panicle’ ay binubuo ng masinsing babae o lalaking ‘spikes’; ang bawa’t kumpol ng bulaklak ay may tinik, bawa’t ‘floret’ ay may 5 ‘tepals’, 1 ‘tepal’ na may mahabang tinik at 5 ‘stamens’, ‘stamens dorsifixed’, ‘dorsiventral’, maikli ang ‘ovary’, ‘styles’ 3, baluktot kung magulang na. Ang buto ay isang ‘utricle’, korteng itlog, pag hinog na ay nabibiyak sa bandang ibaba, ang kulay ay makintab na itim o kayumangging-itim.
Ito’y tinatawag na uray (Tagalog), kolitis(Bisaya), ‘spiny amaranth’, ‘pigweed’ (English). Ito ay nagsasabog ng ‘polen’ sa pamamagitan ng hangin at mga insekto. Ito’y namumulaklak mula Hunyo hanggang Enero.
Ang ‘polen grain’ ay simple, ang butas ay nakakalat sa buong balat, hanggang 40 ang dami ng butas, natatakpan ng laman na maraming maliliit na tinik. Ang balat ay may maliliit na butas at maliliit na tinik.
COMPOSITAE / ASTERACEAETridax procumbens Linn.
‘Annual’ o ‘perennial’ na damo. Ang katawan ay nakadapa o gumagapang. Ang mga dahon ay matingkad na berde, simple, ‘opposite’, ang gilid ay may mga ngipin. Ang mga bulaklak ay may mahabang tangkay. ‘head’ o ‘radiate type of capitulum’, binubuo ng ‘ray florets’ at ‘disk florets’; iilan ang ‘ray florets’, ‘pistillate’, ‘fertile’ ang ‘corolla’ ay makitid na tubo, matingkad o mapusyaw na dilaw ang ‘ligule’, 2-‘lipped’, ang labi na nasa labas ay malaki, maliit ang nasa loob; ang ‘disk floret’ ay ‘bisexual’ at ‘fertile’, ang ‘corolla’ ay magkakarugtong at korteng imbudo ang lalamunan, maikli ang tubo at 5 bahagi ang ‘limb’; ang mga ‘anthers’ ay mahaba, makitid ang ‘style’, mabalahibo sa itaas. Ang bunga ay ‘achene’, ‘oblong’, maraming ‘pappus’ at malabalahibong ‘bristles’.
Kilala sa tawag na ‘wild daisy’, ‘tridax’, ‘coat button’ (English). Ito’y namumulaklak sa buong taon, mula Enero hanggang Disyembre. Karaniwang matatagpuan na damong ligaw sa mga parang.
Ang ‘pollen grain’ ay simple, 3-‘colporate’, bilog ang hugis. Ang ‘aperture’ ay binubuo ng ‘colpus’ at butas na bilog; ang ‘colpus’ ay maikli, ang laman ay may maliit na ‘granules’; ‘os’ (‘outline’ ng butas), ‘lalongate’ (‘transversally elongated’). Ang balat ay natatakpan ng mahahaba at matutulis na tinik.
GRAMINEAE / POACEAEPennisetum polystachyon (Linn.) Schult.
‘Annual grass’ at masinsing nakabungkos. Ang mga dahon ay simple, ‘alternate’, pahaba ang hugis, makinis o mabalahibo. Ang kumpol ng bulaklak ay isang masinsing korteng silindrong ‘spike’, mamula-mulang lila sa dulo, madilaw na berde sa gitna, berde sa ibaba; ang kulay ay nagbabago mula sa mamulamula hanggang ‘orange brown’, ‘grayish brown’ kung matanda na; ang ‘spikelet’ ay binubuo ng 2 ‘sessile’, ‘bisexual florets’, na bawa’t isa ay may tatlong ‘dorsifixed stamens’. Ang bunga ay isang ‘caryopsis’.
Tinatawag na ‘foxtail’ (English), buntot pusa (Tagalog), ikug-kuting (Bisaya). Ito’y namumulaklak mula Oktubre hanggang Abril. Dinala dito bilang damong-ligaw, ito ay laganap sa mga sinasakang bukid at mga parang. Ito ay kalat sa Pilipinas at Timog-Silangang Asia.
Ang ‘pollen grain’ ay simple, isa ang butas; ang butas ay bilog, makapal ang balat, nakausli. Ang balat ay anyong makinis sa ilalim ng ‘light microscope’, ‘frustillate’ (circular o polygonal areas surrounded by grooves) sa ilalim ng ‘scanning electron microscope’.
Mga Halamang Singaw
Maaaring sila’y mukhang halaman subali’t ang mga halamang-singaw ay mas malapit ang relasyon sa hayop kaysa halaman. Kaiba sa mga halaman, na ang iniimbak na pagkain ay ‘starch’, ang reserbang pagkain ng halamang-singaw ay ‘glycogen’ at ang kanilang balat ay nagtataglay ng ‘chitin’ kapareho ng mga alimasag at insekto. Sila ay dumarami sa pamamagitan ng ‘spores’ na tinatangay ng hangin. Ang mga ‘spores’ na ito ay lumalaki at nagiging ‘hyphae’ na kapag dumami ay tinatawag na ‘mycelium’. Sapagka’t hindi sila gumagawa ng kanilang sariling pagkain sa pamamagitan ng ‘photosynthesis’, sila’y kumukuha ng pagkain sa pinagtutubuan nilang halaman bilang ‘parasites’, mula sa patay na organikong materyal bilang ‘saprophytes’ at sa pakikipagtulungan sa mga lumot (algae) sa anyong ‘lichen’.
Ang halamang-singaw, katulad ng ‘bacteria’, ang pangunahing tagabulok ng mga bagay na may buhay. Sila ang sumisira ng mga organikong materyal at ibinabalik nila ito sa lupa upang magamit muli. Sila ay mahalaga sa industriya ng gamot sapagka’t sila ang pinagkukunan ng mga ‘antibiotics’ kagaya ng ‘penicillin’ at ‘cyclosporine’. Ang ‘cylosporine’ ay ginagamit upang mabawasan ang pagkakataong tanggihan ang isang ‘organ’ na isinalin (organ transplant). May mga ‘species’ ng halamang-singaw na kinakain at mga piling pagkain pa, subali’t ang iba ay nakalalason (Amanita). Ang iba naman ay mga peste at ‘parasite’ sa hayop at tao, at dahilan ng alipunga, buni at balakubak. Sila ay nagiging dahilan din ng kanser katulad ng ‘aflatoxin’ sa mani.
GANODERMACEAE
Ganoderma lucidum (Leys.) Karst.
Ang kanyang katawan ay matagal ang buhay, matigas, mistulang patungan at kulay mamumulang-kayumanggi. Ang tangkay at ibabaw niya ay nababalutan ng matigas at makintab na bagay na parang kandila. Ito ay ginagamit ng mga mahilig sa sining at kalikasan na pampalamuti.
Isa sa pinakapangkaraniwang dahilan ng pagkabulok ng kahoy dito sa Pilipinas. Ang Ganoderma lucidum na matatagpuan sa buong bansa. Kilala sa Silangan bilang pampalusog ng katawan, ang Ganoderma ay ginagamit ding panggamot. Ito ay kasalukuyang pinag-aaralan ng mga siyentipiko at ginagamit sa Pilipinas sa anyong tabletas o pulbos. Ito ay ginagamit para sa insomnia, asma, ulser, mataas na presyon ng dugo, almoranas at sakit sa puso. Ito ay ginagamit din sa paggawa ng mga produktong pampaganda tulad ng sabon, ‘lotion’, ‘toothpaste’, ‘cream’ at ‘moisturizer’.
Auricularia auricula-juaeTaingang-daga (Luzon); Dulunggan sa kahoy (Iloilo); Tainga ka amo (Antique)
Ang katawan nito ay mamula-mulang kayumanggi hanggang matingkad na kayumanggi, korteng tainga at mabalahibo. kapag ibinabad sa tubig, ito’y magbabalik sa dati niyang laki at hugis. Ito ay matatagpuan sa buong kapuluan na tumutubo sa mga putol, tumumba at patay na sanga ng kahoy. Makikita ito sa buong taon subali’t mas marami ito mula Mayo hanggang Setyembre. Sa mga gubat na maraming natumbang kahoy, ito ay makokolekta nang maramihan.
Ang ‘species’ na ito ay papular na pagkain at isinasama ng mga Pilipino at Intsik sa pagluluto ng sabaw at gulay.
