Anthropology
Archaeology
Arts
Botany
Geology
Zoology

 

National Museum Visual Arts Collection

Ika-18 na Siglo

Ang mga pinakaluma sa koleksyon ay karaniwang may paksang panrelihiyon at binubuo ng mga imahen na gawa ng mga sinaunang Pilipino sa pag-uutos ng mga prayle. Ang mga nasa koleksyon ay lubhang mahahalaga.

Koronasyon ng Birhen (Icon)

Pinakikita dito si Birheng Maria na kinokoronahan ng Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo, na nasa pormang kalapati, bilang reyna ng langit at lupa.

Ang tema ay hinuwaran sa Ika-5 Misteryo ng Luwalhati at ng Litanya. Ito ay isa sa mga pinakalumang likhang sining sa koleksyon. Bilang pagbati kay Birheng Maria, ang tema ay ginamit sa titulong “Reyna de los Cielos”, na makikita sa tradisyong Santacruzan tuwing Mayo.

Isang bihirang likhang sining na ginawa sa primitibong pamamaraan. Ito ay tipikal ng panrelihiyong likha na maaaring mula pa noong ika-18 siglo para sa pambahay na debosyon.


Retablo (Altar)

Ito ay nakatayong istruktura na siksik ng mga palamuti at iba pang dekorasyon. Ito ay nagtataglay ng mga makakapal na bahagi sa ibaba’t itaas nito. Ang pangunahing sangkap ng mga daang-taong simbahan sa bansa ay ang retablo o altar.

Bukod rito, mayroon ding itong mga nitso na pinagluluklukan ng pintakasi ng bayan at iba pang mga santo na nanggaling sa kapatiran ng mga kaparian.

Higit sa lahat ang ginintuan at kinulayang istruktura ay punung-puno ng mga dekorasyong rosete, baging ng ubas, haliging “solomonic”, at mga kerubin na gawa ng mga katutubong manlililok.

Alagad ng Sining
Mga hindi kilalang manlililok sa Bohol, Panay, Cagayan, Cebu, Rehiyon ng Ilocos, At Bicol (Primitive School)


Ika-19 na Siglo

Noong mga huling panahon ng Kastila, ang pamamaraang Academism o sining pang salon ay pinangunahan nina Juan N. Luna at Felix Resurreccion Hidalgo, na ngayon ay kinikilalang mga maestro ng ika-19 na siglo.

Spoliarium
Juan Luna

Spolarium by Juan LunaPinakikita ng likhang ito ang isang madugong bahagi ng kasaysayang Romano, ang labanan ng mga gladiator. Ang Spoliarium ay isang salitang Latin na tumutukoy sa pinakailalim na palapag ng Koloseo ng Roma na kung saan dinadala ang mga namatay at naghihingalo pang gladiator. Dito rin sila hinuhubdan ng kanilang mga kagamitan.

Nasa sentro ng likhang ito ang mga nakahandusay na gladiator habang hinihila ng mga Romanong kawal. Sa kaliwang bahagi, makikita ang mga taong nagmamasid at naghihintay na kunin ang mga helmet at iba pang kagamitang panlaban ng mga gladiator. Kabaligtaran ng kaguluhan sa kaliwa, isang tahimik at malungkot na larawan naman ang makikita sa bandang kanan. Isang matandang lalaki ang may dalang sulo na animo hinahanap ang kanyang anak, habang isang babae naman ang nakahandusay at iniiyakan ang kanyang namatay na minamahal.

Ang Spoliarium ang pinaka-mahalagang likha ni Juan Luna, isang Pilipinong pintor na nakapag-aral sa Academia de Dibujo y Pintura sa Pilipinas at sa Academia de San Fernando sa Madrid, Spain. Sa sukat na 4.22 metro at 7.675 metro, ito ang pinakamalaking oleo-sa-canvas ng Pilipinas. Isang halimbawa ng makasaysayang likha, ito ay ginawa ni Luna noong 1884 bilang lahok sa prestihiyosong Exposicion de Bellas Artes (Madrid Art Exposition, Mayo 1884) at nagtamo ng Unang Gintong medalya.

Higanti ng Isang Ina
Jose Rizal

Pinakikita ng Higanti ng Isang Ina na gawa sa putik ang isang buwaya na sagpang ang isang tuta habang pilit na kinakagat ng inang aso ang buwaya upang masaklolohan ang tuta. Sa madaling salita, ang tuta ay simbolo ng nagdurusang anak-bayan habang ang inang aso ang naglalarawan sa inang-bayan, ang buwaya bilang simbolo ng mapang-aping dayuhan.

Bagamat napiit ang bayaning Jose Rizal sa Dapitan, Zamboanga, hindi niya inalintana ang hirap at lungkot doon. Nagawa pa niyang lumikha ng sining na nagpapakita ng kaapihan ng mga Pilipino sa kamay ng mga dayuhang Kastila. Higit sa lahat, naililok n’ya ang damdaming makabayan. Siya ang nanguna sa adhikaing kalayaan.

Nakaukit sa bandang ilalim ng likha ang mga katagang “Rizal Dapitan 1894”. Ang likhang ito ay isa sa mga mahahalagang yamang pangkalinangan ng bansa. Naisalin na rin ito sa likhang tanso.

Gov. Dasmariñas
Felix Hidalgo

Governor Dosmariñas by Felix HidalgoSa Gobernador Dasmariñas, naipakita ni Hidalgo ang kataasan ng simbahan sa pamahalaang Kastila. Bukod sa isang halimbawa ng makasaysayang likhang sining, pinakikita dito ang isang Dominikong prayle na nagdidikta kay Gobernador Dasmariñas upang pirmahan ang isang dokumento, na ipinapalagay ng mga historyador na nagbibigay pahintulot sa militar na tulungan ang hari ng Cambodia.

Noong panahon ng Kastila, ang mga prayle ang kinikilalang makapangyarihan sa pamahalaan. Wala pa noong pagkakabukod ang relihiyon at estado. Si Felix R. Hidalgo, kontemporaryo ni Juan Luna, ay isa sa mga gumamit ng sining biswal upang hubdan ng maskara at ipakita ang totoong anyo ng mga namumuno sa bansa.

Ang likhang sining na ito ay dating matatagpuan sa Palasyo ng Malakanyang.

Alagad ng Sining
Mga iba pang manlilikha ng panahon: Simon Flores, Fabian dela Rosa, Jose Pereira, Lorenzo Ma. Guererro, Miguel Zarragoza.


1900s

Noong panahon ng mga Amerikano, si Fernando C. Amorsolo, na kinilala bilang Unang Pambansang Alagad ng Sining, ay sumikat at nagtatag ng sarili niyang istilo na may paksang kabukiran, ginintuang sikat ng araw, at ang pamamaraan ng liwanag at dilim sa pagpinta.

Pagbaba mula sa Krus
Graciano T. Nepomuceno

Descention from the Cross by Graciano NepomucenoAng Pagbaba ni Hesus Mula sa Krus, na may istilong mataas na relyebe, ay hango sa orihinal na oleo-sa-canvas ni Reuben. Pinapakita dito ang pagbaba ng katawan ni Hesus mula sa krus sa pagtutulungan nina Jose ng Arimathea, kanyang mga alagad, at ni Birheng Maria. Kamangha-mangha sa likhang ito ay ang detalyadong pag-ukit ng mga pigura.

Ang relyebeng ito ay paglalarawan ng ika-13 Istasyon ng Krus na makikita sa lahat ng simbahang Katoliko. Ang Istasyon ng Krus ay naging paraan ng simbahan upang ipaabot sa masa ang mga pangyayari sa Biblia.

Si Graciano T. Nepomuceno ay isa sa mga pangunahing iskultor at santero noong unang bahagi ng 1900. Siya ang nanguna kay Guillermo Tolentino, Pambansang Alagad ng Sining, sa Unibersidad ng Pilipinas.

Alagad ng Sining
Mga iba pang manlilikha na ang gawa’y nasa koleksyon: Rafael Enriquez, Jorge Pineda, Victorio Edades, Vicente Rivera y Mir, Ramon Peralta, Teodoro Buenaventura, at Pablo Ocampo


1920s

Ang dekadang ito ay kinakitaan ng mga temang tungkol sa pang-araw-araw na pamumuhay, tanawin at still life gayon na rin ang simulain ng modernismo.

Bust of Aglipay by Guillermo TolentinoBusto ni Mons. G. Aglipay
Guillermo E. Tolentino

Ang Busto ni Mons. G. Aglipay ay nagpapakita ng kahusayan ni Guillermo Tolentino sa klasikong iskultura maging sa terra cotta o tanso, perpekto ang anatomya na may diin sa mga mata at karakter ng modelo. Mahalagang mapansin ang metikulosong detalye ng lupi at haplos ng abito at ang karakter na pagiging pinuno ng pigura.

Si Monsignor Gregorio Aglipay ay dating paring Katoliko na naging unang obispo ng Iglesia Filipina Independiente na kilala rin sa taguring Simbahang Aglipay.

Ang klasikal na istilo ng iskultura sa bansa ay pinangunahan ni Guillermo E. Tolentino. Pinagwagian niya ang adhikain ng mga klasikong manlilikha sa kabila ng ilang kritiko na pumapanig sa makabagong istilo ng sining biswal sa Pilipinas.


1930s

Simulain ng Modernismo at iba’t ibang sangay nito. Mga manlilikha na ang gawa ay nasa koleksyon Victorio Edades, Diosdado Lorenzo, Galo Ocampo, Carlos Francisco, Gabriel Custodio, Vicente Manansala, Ricarte Purruganan, Romeo Tabuena, at iba pa.


1942-1945

Natigil pansamantala ang mga gawaing sining nang panahon ng Hapon. Subalit, may ilang mga alagad ng sining na nakagawa pa rin ng mga likhang nagpapakita ng resulta ng digmaan. Mga manlilikhang ang gawa ay nasa koleksyon Dominador Castañeda, Demetrio Diego, Diosdado Lorenzo, Romeo Tabuena, Gene Cabrera at iba pa.


1946-1949

Nang umalis ang mga Hapon, nabuhay na muli ang sining. Iba’t ibang tema at istilo ang pinag-aralan at pinangunahan lalo na ng mga Filipinong galing sa ibang bansa.

Ang pamamaraang mural ay pinangunahan ni Carlos V. Francisco.
Itinatag ang Art Association of the Philippines (AAP) noong 1948.

Burning of Sto. Domingo by Fernando AmorsoloPagkasunog ng Sto. Domingo
Fernando C. Amorsolo

Si Fernando Amorsolo ay nagawang maipinta ang katindihan ng sunog gayundin ang pagtutulungan ng mga bombero at kaparian na mailigtas ang simbahan. Ilan sa mga mahahalagang aspeto ng likhang ito ay ang intensidad ng sunog, mga kulay, himaymay at perspektibo. Ilan sa mga unang gawa ni Amorsolo ay may ganitong istilo na hyper realistic.

Ang orihinal na istruktura, na ang disenyo at sistema ng arkitektura ay gotiko, ay dating matatagpuan sa Intramuros, Manila at pinamamahalaan ng mga paring Dominiko. Ito ay isa sa mga dating moog ng Lumang Maynila na dinarayo pa ng mga deboto dahil sa sinasabing mirakulong imahen ng Birhen ng Santo Rosaryo ng La Naval. Ang imahen ay kasalukuyang matatagpuan sa bagong simbahan ng Sto. Domingo sa Quezon Avenue, Quezon City.

Isa sa mga halimbawa ng mga makasay-sayang likhang sining, pinapakita dito ang pagkasunog ng simbahan ng Sto. Domingo na naganap noong dekada ng 1940.


1950s

Itinatag ang Philippine Art Gallery (PAG) ng mga kabataang may makabagong pamamaraan sa sining. Inilunsad ang iba’t-ibang adhikain o istilo na pinangunahan nina Carlos Francisco at Vicente Manansala. Nagsimula ang grupo ng “Mabini”.

Serye ng mga Pamaskong Kard
Series of Christmas card by Manuel Rodriguez, SrManuel Rodriguez, Sr

Ang Serye ng mga Pamaskong Kard na binubuo ng 12 mga limbag ay gawa ni Manuel Rodriguez Sr. Ang hanay na ito ay naglalarawan ng mga temang may kinalaman sa kaugalian tuwing kapaskuhan sa Pilipinas. Bagamat ito ay galing sa ibang bansa, ito ay binahiran ng katutubong pamamaraan tulad ng temang mag-ina na parangal kay Maria at Hesus, parol, lechon, tatlong haring mago, at mga palamuting pampasko. Yaman din lang na ang parol ang palagiang palamuti tuwing kapaskuhan sa Pilipinas, makikita ito sa lahat ng mga likhang sining.

Ang kapaskuhan ay isa mga inaasam-asam ng mga Pilipino kaya’t ito ay lubhang pinaghahandaan at naging pinakamahabang pagdiriwang. Bagamat maituturing na banyaga ang nasabing kaugalian, nabigyan ito ng isang maka-Pilipinong katangian kasama na rito ang pagpapadala ng pamaskong kard sa ating mga kaibigan at minamahal sa buhay.

Sa sining Pilipino, si Rodriguez ay isinaalang-alang bilang pangunahing pigura sa serigrapiya o limbag sa sutla.

Harana sa Manila
Harana by Arturo LuzArturo R. Luz

Inilalarawan ng sining na ito ang pitong hugis ng musikero na nanghaharana sa isang fiesta na lalong binibigyang kulay ng mga kuwitis. Ang malakorteng itlog na bubog ay gawa ng isa sa mga pangunahing kasa ng bubog sa Amerika, ang Steuben.

Bagama’t hindi kasing sikat ng oleo-sa-canvas ang pag-uukit sa bubog, ang sining na ito ay nagtamo ng rurok sa paggawa ng mga stained glasses (bubog na may kulay) sa mga simbahan, musoleo at maging sa mga bintana ng bahay ng mga ilustrado. Sinubukang parisan ng mga makabagong alagad ng sining ang paraang Europeo sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang lokal na henyo na kung saan nagawang maging likhang sining ang ordinaryong bubog.

Si Arturo Luz na isa sa mga pangunahing makabagong pintor ay lumikha ng pag-aaral sa bubog na kung saan naitampok ang isang tradisyong Pilipino, ang harana.


1960s

Narating ng adhikaing modernismo ang rurok ng kasikatan at tagumpay.

Tintang Isda
Ang Kiukok

Ink Fish by Ang KiukokAng Tintang Isda ay isang pintang nagpapakita ng buhay sa ilalim ng dagat na may namumukod-tanging tatlong isda na labas ang tinik. Ito ay isa mga unang likha ni Ang kiukok noong dekada 1960 na naglalarawan ng mga pigurang bali-bali, hiwa-hiwalay at puno ng mga animo’y heyometrikong kalansay kabilang na ang pagpapatung-patong ng mga hugis. Isinasaad ng nasabing pintura ang pananaw ng may likha ukol sa katotohanan ng buhay.

Si Ang Kiukok na kinilala bilang Pambansang Alagad ng Sining sa taong 2002 ay nagsimula noong dekada 1960 bilang isa sa ikalawang henerasyon ng makabagong manlilikha. Ang kanyang istilong kubismo ay naimpluwensyahan ni Vicente Manansala, isa ring Pambansang Alagad ng Sining.

Ayon sa mga manunuri, ang istilong ito ni Ang Kiukok ay kumakatawan sa kanyang paniniwala sa buhay - puno ng sakit, kahirapan, pagmamalabis, at karahasan.


Unang Misa
Carlos “Botong” Francisco

First Mass by Carlos FranciscoIpinakikita sa mural na ito si Padre Pedro Valderrama na pinangungunahan ang pagdiriwang ng misa na kasama sina Ferdinand Magellan, Pigafetta (historyador ni Magellan), mga Kastilang kawal, at mga katutubo na animo’y namangha.

Ito ay isang mahusay na halimbawa ng likhang sining na tungkol sa kasaysayan ng bansa. Ang likhang sining na ito ay kinomisyon ng pamahalaan sa selebrasyon ng ika-400 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas na ginanap sa Cebu noong 1965.

Pagluluklok ng Krus
Planting of the Cross by Vicente ManansalaVicente S. Manansala

Pinakikita dito ang pagluluklok ng krus sa Cebu na naganap noong 1521 na pinangunahan ni Ferdinand Magellan, mga kawal na kastila, at ilang katutubong may tato na binansagang pintado. Ang orihinal na krus ay kasalukuyang matatagpuan sa isang kiosko sa harapan ng Basilica Minore ng Sto. Niño sa Cebu. Ang mural na ito ay isa sa mga pinakamahusay na halimbawa ng makasaysayang sining sa koleksyon ng Pambansang Museo.

Ang sining ni Manansala ay pinaghalong tradisyonal at makabagong pamamaraan sa larangan ng pintura. Binibigyang-diin rin sa nasabing sining ang kanyang kahusayan sa transparent cubism.

Ang likhang ito ay kinomisyon ng pamahalaan noong 1965 bilang paggunita sa ika-400 pagkakatatag ng Kristiyanismo sa bansa.

Mother and Child by Napoleon AbuevaIna at Anak
Napoleon V. Abueva

Ang naturang likha na buong gawa sa adobe ay isang pigurang abstract ng babaeng nakaupo at kanlong ang anak na makikitang nakayakap sa ulo ng kanyang ina.

Ang Ina at Anak ay bantog na paksa sa mga alagad ng sining maging pintor, iskultor, manlilimbag o litratista. Ipinagmamalaki ng Pambansang Museo ang isang likhang Ina at Anak na gawa ni Napoleon V. Abueva, isa sa mga pangunahing makabagong iskultor ng bansa.

Alagad ng Sining
Mga iba pang manlilikha ng panahon: Vicente Manansala, Cesar Legaspi, Ang Kiukok, Danilo Dalena, Ben Cabrera, Jose Joya, Nena Saguil, Jaime de Guzman, Angelito David, Norma Belleza, Antonio Austria, and Hernando Ocampo, Lamberto Hechanova, Eduardo Castrillo, at iba pa.


1970s

Karamihan sa mga alagad ng sining noong nakaraang dekada ay patuloy na nakagawa ng mga mahahalagang likha. Inilunsad and iba’t ibang adhikain tulad ng Sining para sa Masa, protest art, social realism at ang pagkilala sa mga Pambansang Alagad ng Sining (1972). 11 Pambansang Alagad ng Sining na may likhang nasa koleksyon:

Fernando C. Amorsolo - 1972 (Pintura)
Carlos V. Francisco -1973 (Pintura)
Guillermo E. Tolentino -1973 (Iskultura)
Victorio C. Edades -1974 (Pintura)
Napoleon V. Abueva -1976 (Iskultura)
Vicente S. Manansala -1981 (Pintura)
Cesar T. Legaspi -1990 (Pintura)
Hernando R. Ocampo -1991 (Pintura)
Arturo V. Luz -1997 (Pintura)
Jerry E. Navarro -1999 (Pintura/Iskultura)
Ang Kiukok - 2001 (Pintura)

Hills of Nikko by Jose JoyaBurol ng Nikko
Jose T. Joya

Isa sa mga mainam na halimbawa ng non-figurative abstract expressionism ay ang Burol ng Nikko. Ito ang interpretasyon ni Joya ng isa sa mga burol sa Nikko, Japan. Tuwing panahon ng taglamig, ang mga bitak nito sa tuktok ay natatabunan ng niyebe. Subalit tuwing tag-init, ang mga bitak na ito ay muling nakikita, kagaya ng pagsasalarawan sa likhang ito ni Joya.

Ang likhang ito ay isang paglalarawan ng kakulangan ng tao. Ang mga kulay lupa ay kumakatawan sa mga kahinaan at limitasyon ng sangkatauhan subalit ang mga kulay ng berde at asul ay kumakatawan sa buhay at pag-asa. Ang puti naman ay kumakatawan sa niyebe na unti-unti pa lang na tumatakip sa burol. Ang prosesong pagtakip at pagkawala ng tabing ay kumakatawan sa pag-ikot ng buhay.

Si Jose T. Joya Jr. ang nagbahagi ng istilong non-figurative abstract expression sa sining biswal sa bansa. Siya rin ang nangunang pintor na gumawa ng mga likha sa ceramic na may temang Ina at anak.

Si Joya ay gumawa rin ng mga likha na katuwang ang mga tanyag na pintor na naging Pambansang Alagad ng Sining gaya nina Cesar Legaspi, Hernando Ocampo, at Vicente Manansala.

Alagad ng Sining
Iba pang manlilikhang ang gawa’y nasa koleksyon : Edgar Fernandez, Papo de Asis, Lex Cachepero, Jose Blanco, Nemi Miranda, Vicente Reyes, Tam Austria, Mauro Malang, William Pascua, Abdul Mari Imao, Romulo Olazo, Norberto Carating, Nestor Vinluan, Pablo Baen Santos, Juvenal Sanso, Solomon Saprid, Jerusalino Araos, Oscar de Zalameda, Ramon Orlina, Rodolfo Ragodon, at iba pa.


1980s

Ang dekadang ito ay kinakitaan ng pagbabalik ng tradisyunal at katutubong sining.
Ang makabagong iskultura ay naging bahagi ng arkitektura ng mga gusali at liwasang-bayan.
Manlilikhang ang gawa’y nasa koleksyon Eduardo Castrillo, Ramon Orlina, Solomon Saprid, Raul Isidro, Red Mansueto, Charito Bitanga, Phillip Victor, Emilio Aguilar Cruz, Federico Alcuaz, Al Perez, Virginia T. Navarro, Abdul Mari Imao, Rey Paz Contreras, Jerusalino Araos, Norris Castillo, at iba pa.


1990s

Tumambad ang mga bagong henerasyon ng pintor, iskultor, at manlilimbag na nagpapahayag ng kani-kanilang mga saloobin.
Ang mga adhikain sa Europa at Amerika tulad ng installation art at experimental art ay pumasok sa bansa.
Ang mga museo at iba pang mga bulwagang tanghalan ay naging bahagi na ng lipunan at nanguna sa pagpapalaganap ng sining biswal.
Mga manlilikhang ang gawa’y nasa koleksyon Ibarra dela Rosa, Prudencio Lamarroza, Elizabeth Chan, Eduardo Castrillo, Pacita Abad, Fil dela Cruz, Romulo Galicano, Symfronio Y. Mendoza, Godofredo Y. Mendoza, Rafael Pacheco, at iba pa.


2000 hangang Kasalukuyan

Malayo na ang narating ng sining biswal sa bansa. Mula sa primitibong pamamaraan hanggang sa makabagong avante garde, malaya ng pumili at tumuklas ang mga Pilipinong alagad ng iba pang pamamaraan sa sining biswal tulad ng tradisyonal, representasyonal, abstract expression, figurative expressionism, at non-objectivism.
Ang sining biswal ngayon ay bukas sa mga makabagong adhikain at patuloy sa paglikha ng isang matatawag na sining Pilipino.