National Museum Ethnographic Collection
ANTROPOLOHIYA
Kumot ng Ifugao
Katangi-tanging koleksyon ng Sangay ng Antropolohiya ang isang kumot ng Ifugao na tinatawag nilang kinuttiyan. Iilan na lamang ito na makikita sa mga bayan ng Banaue, Kiangan at Hungduan sa lalawigan ng Ifugao. Ang kababaihan ang naghahabi nito gamit ang backstrap loom set sa ganitong mga klase ng kumot. Gamit ang mga sinulid na cotton, ito ay binababad sa natural na pangkulay na mula sa mga halamang ‘hawili’ (Elaecarpus pendulus) at ‘bolux’ (Acalypha stipulacea Klotz). Ang prosesong ito ay kilala sa tawag na tie-dye o ikat. Karaniwang gamit na pangkulay ay itim, pula at dilaw. Ang pula at dilaw ay ginagamit sa pagdagdag at pagpapaganda ng disenyo.
Ang kumot na ito ay may hugis tao sa gitna at ginamit sa pagtakip ng bangkay ng isang Ifugao. Ito ay nakolekta ni William Beyer noong 13-Hunyo 1968 para sa Pambansang Museo. Ito ngayo’y itinuturing na isang pambansang yaman.
Panggayak sa ulo ng Ifugao
Ang ulo di kang-o ay sinusuot sa ulo ng lalaking Ifugao sa araw ng kaniyang kasal. Ito’y gawa sa tuka ng kalaw at may balot na telang asul. Ang tuka ng kalaw ay simbolo ng magandang pangitain. Ito ay madalas ginagamit bilang palamuti sa mga pinapatong sa ulo ng mga Ifugao lalung-lalo na ng mga mumbaki.
Ito’y bahagi ng koleksyon ni Henry Otley Beyer noong Mayo 1914. Ito ay may habang 2.25 metro at diametrong 0.085 metro.
Sinaunang Sulatin ng Pala’wan/Tagbanua/Hanunuo/Buhid
Ang pagsusulat ay isang sinaunang paraan ng komunikasyon sa Pilipinas. Lumaganap ang pagbabasa at pagsusulat sa buong kapuluan sa pamamagitan ng mga kumplikadong ruta ng pangangalakal. Sa halip na lapis at papel, ang mga sinaunang Pilipino ay gumagamit ng mga may tulis na kutsilyo, kahoy at uling upang sumulat sa mga patpat, kawayan, balat ng kahoy at dahon ng palma. Ang pagsusulat ay kinaugaliang gamitin sa pagpapahayag ng tula at pansariling liham.
Sa pangkalahatan, may 17 simbolo ang mga silabari ng Pilipinas kung saan ang 14 ay mga katinig at ang 3 ay mga patinig. Ang mga katinig ay ba, ka, da, ga, ha, la, ma, na, nga, pa, ra, sa, ta, wa, at ya. Ang pagdagdag ng ra ay kamamakailan lamang isinagawa ng ilang grupo. Ang pagdagdag ng isang marka sa taas ng isang katinig ay kumakatawan sa tunog “i/e,” at ang paglalagay naman sa ilalim ng katinig ay para sa tunog “o/u.” Sa mga katutubo na may sistema ng pagsusulat na nagmula sa baybayin, apat lamang na grupong etnolingwistika ang magpahanggang sa ngayon ay gumagamit pa rin ng kanilang sinaunang sulatin: ang Hanunoo at Buhid Mangyan ng Mindoro; at ang Tagbanua at Pala’wan ng Palawan. Gayun pa man, malapit na ring mawala sa kanila ang mga sulatin dala ng mga puwersang pangkultura na mula na rin sa kapaligiran. Dahil dito, may mga hakbang na isinagawa upang pigilin ang pagkawala ng mga sulating ito. Si Antoon Postma, isang dalubhasa ng antropolohiya,ay nagsikap buhayin ang sulating Hanunoo at nagtayo ng isang paaralan para sa nasabing hangarin. Sinimulan na rin ng Pambansang Museo ang isang proyektong naglalayong buhayin ang paggamit ng sulating Tagbanua at Pala’wan.
Pantalon ng Bagobo
Ang sawal o salawal na ito ay gawa sa abaka (Musa textilis). Ang disenyo ng salawal ay ginagawa sa pamamagitan ng: una, sa pag-buburda at pangalawa, sa pag-tutubog sa kulay. Ang disenyo ay lilitaw kapag tinanggal na ang mga burda.
Ang mga lalaking Bagobo ang nagsusuot nito. Ito ay may habang 0.46 metro.
Damit Pang-itaas ng B’laan
Ang saul o damit pang-itaas para sa mga lalaking B’laan ay gawa sa abaka (Musa textilis) at may mahabang manggas. Ito’y may kasamang pira-pirasong kabibe, sequins, glass beads at iba’t-ibang uri ng burda.
Ang koleksyong na ito ay kasama sa St. Louis Exposition noong 1904.
Punyal ng Mandaya
Badao ang tawag ng mga Mandaya sa sandatang ito. Ito ay simbolo ng katanyagan at karangyaan ng isang nagmamay-ari. Karaniwang gumagamit nito ay isang datu. Ito ay kadalasan ding ginagamit ng mga mangangaso sa kanilang paghahanap ng pagkain.
Ang sandatang ito ay nakasilid sa isang kaluban na gawa sa kahoy at may nakataling pulang tela. Ang pulang tela ay simbolo ng katapangan para sa mga Mandaya.

Platong-pilak Pangdibdib ng Mandaya
Ang platong pangdibdib na ito ay gawa sa pilak at sa dakong loob ng gilid nito ay napapalibutan ng mga disenyo. Ito ay may butas sa gitna kung saan isinusuot ang pamigkis na gawa sa bulak o abaka. Ito ay gamit ng mga lalaking Mandaya bilang tanda ng kapangyarihan.
Basket ng MandayaAng bakuta o basket ng mga Mandaya ay pormang tubo (cylindrical) at gawa sa rattan na pinahiran ng beeswax upang ito’y tumibay at hindi mapasukan ng tubig. Ito’y napapalamutian ng mahahaba at makikitid na pilas ng kawayan na humuhubog ng pakurbang disenyo. Ang basket ay isinasabit sa pamamagitan ng isang tirintas na tali.
Ang bakuta na may taas na 0.041 na metro ay ginagamit bilang lalagyan ng pang-nganga.
Tambol ng Maranao
Ang tambol na ito, na tinatawag ng mga Maranao na tabu, ay mula sa inukit na troso. May mga nakalilok na disenyong halaman at bulaklak sa kabuuhan ng katawan ng tambol. Ang tatlong suson na patungan ng tambol ay may nakaukit na hugis pako at kianoko (hugis kuko ng kamay). Ang pamatungan ay gawa rin sa inukit na kahoy. Ang ganitong uri ng tambol ay ginagamit sa loob ng mosque at nagsisilbing pangtawag sa mga debotong Muslim na Maranao.
Ang tambol na ito ay katangi-tanging koleksyon ng Sangay ng Antropolohiya sapagkat sa ngayon, iilan na lamang ang gumagawa ng ganitong klase ng tambol sa dahilang bibihira na rin ang mga Maranao na nag-uukit. Ang di-pangkaraniwang laki nito ay bihira na ring makita sa mga masque ng Muslim ngayon.
Kampilan ng Maranao
Ang kampilan na ito ay sandata ng Maranao na mayroong madisenyong hawakan na gawa mula sa tanso at ivory. Karagdagang disenyo ng hawakan ay ang nakabukang bunganga na mala-ahas (naga) ang hugis. Ang isang bilog na palamuti ay nagsisilbing mata ng hugis ahas. Dagdag sa kanyang palamuti ay ilang piraso ng buhok ng tao.
Ayon sa paniniwala ng mga Maranao ang sandatang ito ay ginagamit sa pagputol ng ulo ng kaaway. Ngayon, ito ay gamit ng kanilang mga datu at sultan bilang tanda ng kapangyarihan, kayamanan at mataas na katayuan sa komunidad. Ang kampilan ay ginagawa na lamang ngayon bilang isang bagay pangkalakal.
Kulingtangan at korsi ng Maranao

Ang korsi ng Maranao ay isang upuang kahoy na may ukit niaga (pako) sa bandang harap, at ukit agila sa may bandang sandalan.
Kasama sa upuan na ito ay ang kulingtangan. Ang kulingtangan ay isang gamit pangmusika na mayroong walong magkakaibang tunog na agong. Ito’y kadalasang ginagamit tuwing may mahahalagang okasyon tulad ng kasal, pagbendisyon ng bagong tayong bahay, at pagtanggap ng panauhin.
Ang isang dulo ng kulingtangan ay may tatlong hugis niaga, at sa kabilang dulo naman ay may disenyong sarimanok. Ang mga hugis na ito ay simbolo ng disenyong tradisyonal ng Maranao. Ang pag-ukit ng mga ganitong disenyo ay tinatawag na okir. Kabilang sa mga uri ng okir ay mga hayop, halaman at iba’t ibang disenyong pangkalikasan.
Ang korsi na ito ay nakolekta ni Datu Natangcup mula sa Lanao del Sur noong ika-28 ng Agosto 1962. Ang kulingtangan naman ay handog mula sa Palasyo ng Malacañang noong ika-9 ng Nobyembre 1956. Ang pares na ito ay kasalukuyang naka-eksibit sa ‘Museum of the Filipino People’.
Barkong Lepa
Ang lepa ay isang bahay-barko ng mga Sama D’laut na mas kilala sa tawag na Badjao. Ito ay ang mga katutubong namumuhay sa dagat at matatagpuan sa Sitangkai, Bongao at Tawi-tawi. Gamit nila ang ganitong uri ng barko na nagsisilbi ring bahay, upang tumungo sa iba’t ibang lugar kasabay ang paghuli ng isda para sa kanilang pagkain. Sa kanilang paglalayag, ang mga Sama D’laut ay umaabot sa ibang kapuluan tulad sa Sulawesi, Indonesia, Sabah at hanggang Vietnam.
Ang lepa na ito ay natatangi dahil sa kanyang tradisyonal na pagkagawa at kakaibang layag. Gawa ito sa kahoy na yakal at may nakaukit na okil sa bandang unahan at proa ng barko.
Ang barko ay may palapag kung saan ang tirahan ng Sama D’laut ay natatakpan ng hinabing sasa. Ang takip na ito ay maaaring tanggalin kung hindi kailangan. Kumakain sila sa may bandang hulihan ng barko at dito rin nakatago ang nakaimbak na tubig at pagkain. Makikita rin sa loob ng barko ang sari-saring kagamitang pambahay tulad ng mga lutuang palayok, sandok na gawa sa bao ng niyog, lalagyan ng tubig at kasama rin dito ang iba’t ibang uri ng gamit pangisda.
Ang lepa ay galing sa Sitangkai, Tawi-tawi at napunta sa Pambansang Museo sa pamamagitan ng tulong ng Japan Foundation. Ito ngayon ay naka-eksibit sa Fort Pilar, Zamboanga City, isang sangay ng Pambansang Museo.
Tanda ng Libingan ng mga Sama
Bagama’t nabubuhay sa laot, inililibing ng mga Sama D’Laut ang kanilang mga patay sa lupa. Bilang pananda sa mga libingan, gumagamit sila ng mga kahoy na mala-tao ang hugis at nagpapakita ng kasarian at edad ng namayapa. Ang mga ito’y nagsisilbing tanod ng mga sumakabilang-buhay.
Ang mga pananda ng libingan ay binubuo ng isang tuwid na kahoy na tinatawag na sunduk. Ito’y inilalagay sa may ulunan ng libingan. Sa harap ng sunduk ay isang bunton ng lupa o buhangin, at ang buong lugar ay pinalilibutan ng isang hugis-parihaba na balangkas na tinatawag na kubul. Ang pigurang karaniwang nakaukit sa mga panandang kahoy ay ang dugong, kasama ang buwaya, ibon at pigurang tao. Paminsan-minsan, ang sunduk ay isinusuot sa isang baseng may hugis dugong, bangka, kahon, o isang uri ng hayop. Ang mga nasabing gayak ay kumakatawan sa paniniwala ng Sama sa pagpunta ng kaluluwa sa kabilang buhay.
Hinabing panakip sa ulo ng Tausug
Ang hinabing panakip sa ulo o pis siyabit ng mga Tausug ay gawa sa silk, hugis kuwadrado at may disenyong geometriko. Ito’y maaaring gamitin sa balikat, itali sa hawakan ng espada o kris, o sa ulo ng mga lalaking Tausug.
Ang hinabing panakip sa ulo ay binili noong Nobyembre 10, 1984. Ito ay may sukat na .90 metro sa haba at 0.88 metro sa lapad.
Damit Pang-itaas ng Tagakaolo
Ang damit pang-itaas ng mga Tagakaolo ay gawa sa abaka (Musa textilis) at may palamuting pira-pirasong kabibe. Ito’y sinusuot ng mga lalaking Tagakaolo sa mga mahahalagang okasyon.
Kinolekta ito ni O.V. Wood noong unang bahagi ng ika-20 siglo sa Sta. Cruz, Davao. Ito ay may habang 0.38 metro.
